4 | My Dream, My Love

189 14 10
                                    

~because there's always a season
where you bridge the impossible
for the one you love~

ぅω`)ノシ~3 MY DREAM, MY LOVE+。゚

DONG!

DONG!

DONG!

Napabalikwas sa higaan si Maimai nang marinig ang malakas na tunog ng grandfather's clock. Alas-doce na ng hatinggabi.

Itinaas niya ang bisig at pinindot ang wristwatch. Umilaw ang relo at sa pupungas-pungas na mga mata'y sinilip niya iyon.

WED 02|14|18

Valentine's Day na, saisip niya.

Kinamot niya ang ulo at inabot ang mobile phone at headset sa bedside table. Dahan-dahan siyang bumaba sa higaan at naglakad papunta sa malaking bintana ng silid, humihikab habang naglalakad. Binuksan niya ang malaking bintana at sumalubong sa kanya ang malamig na panggabing hangin. Nangaligkig siya sa lamig kaya't tumakbo siya pabalik sa higaan at kinuha ang kumot. Animo takot sa multong itinalukbong niya iyon sa sarili bago naglakad pabalik sa bintana.

Sinilip niya ang kadiliman sa labas ng bintana. Nang masigurong walang ibang tao, dahan-dahan siyang tumuntong sa bubungan. Maingat siyang naglakad sa gitna ng bubong paharap sa langit na walang anumang matataas na gusaling nakaharang.

Ngumiti siya. Katulad ng mga nagdaang gabi, ang ganda ng panggabing langit. Tila iyon dagat ng tinta na may nagkikislapang diamante bilang salita. Buti na lang wala siya sa Tsina kung saan halos buong kalangitan ay natatakpan ng smog bunga ng polusyon kaya walang bituing makikita roon tuwing gabi. Iyon ang sabi sa kanya ni Jae.

Speaking of Jae, magso-sound trip muna siya habang hinihintay ito. Nauna na naman kasi siya sa tagpuan nila.

Naupo siya sa malamig na bubong, isinuot ang headset, at pinindot ang isang kanta sa playlist. Nagsimulang pumailanglang ang 'Somewhere Only We Know' ng American band na Keane sa gitna ng katahimikan at kadiliman ng gabi.

~

🎶 This could be the end of everything
So why don't we go
Somewhere only we know
Somewhere only we know

Patapos na ang kanta nang maramdaman ni Maimai na may kumilos sa tabi niya. Paglingon niya, nakita niya si Jae na inilalapag ang dalawang tasa ng umuusok na kape. Umayos ito ng upo sa tabi niya at hinila ang kalahati ng kumot.

"Akin 'to. Kumuha ka nang sa 'yo," pagdadamot niya, hinigit ang kumot pabalik.

"Ah, gano'n. 'Wag kang iinom ng kape, ha," balik ni Jae at binitiwan ang kumot. Kinuha nito ang dalawang tasa ng kape at aktong ililipat sa kabilang panig.

"Joke lang, joke lang. Heto naman hindi na mabiro. Oh." Ikinumot niya ang kalahati ng kumot sa likod ni Jae.

Ibinaba ni Jae ang mga tasa at tila paslit na sayang-saya na iniikot sa sarili ang parte ng kumot na itinakbong niya.

Natawa siya. Sobrang cute ni Jae sa paningin niya. Gano'n yata talaga kapag in love na in love ka sa isang tao.

Humarap si Jae sa kanya upang iabot ang isang tasa ng kape. Natitigan niyang muli ang mukha nitong nai-imagine niya kahit nakapikit. Makapal ang mga kilay sa ibabaw ng magagandang mata, matangos ang ilong at pilyo ang mga ngiti. Matangkad siya sa taas na 5'6'' pero mas matangkad ito sa taas na 5'10". Gustong-gusto niya kapag tinitingala niya ito at tumutungo ito upang tingnan at kausapin siya.

Suplado si Jae noong una pero hindi nagtagal ay naging palabiro ito at naging malambing sa kanya. Hanggang ngayon hindi pa rin siya makapaniwalang minahal siya nito. Siya, na walang naidulot sa ibang tao kundi pagkabigo't kasawian.

A VALENTALE FOR YOU (Valentine Anthology) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon