Kabanata 2: Sa Ilalim Ng Kubyerta

1.9K 7 0
                                    


 Masikip sa ilalim ng kubyerta dahil sa dami ng pasahero at mga kargamento. Abala ang mga tao sa kaniya-kaniyang gawain at hindi alintana ang ingay na dulot ng ugong ng makina at malalaking bulwak ng tubig na lumilikha ng alon. Walang tigil sa paglikha ng ingay ang bapor dahil sa patuloy na pagpito at kasisigaw ng kapitan. Ang karamihan ng pasahero ay nakaupo sa mahahabang mga bangko at mga tabureteng kahoy. Nasa gitna ang mga kargamento at kagamitang tulad ng maleta, tampipi, at iba't ibang laki ng bayong. Ang ilang kabataan ay nagsisipaglaro at nagbabaraha, ang iba'y nag-uusap at ang ibang pasahero ay mga naghanay at nakahambalang na tila patay at mahimbing na natutulog. May ilan ding nakahigang Intsik na mangangalakal na malapit sa makina, tumutulo pa ang laway at bahagyang nakanganga sa pagtulog. May mga estudyanteng madaling makilala dahil sa bihis at puting kasuotan. Pinagtatalunan pa nila ang kilos ng makina at iniaayon nila iyon sa kanilang napag-aralan sa Pisika. Maminsang paligiran nila ang isang dalagitang estudyante para bulungan at harutin o ang pagkaguluhan ang isang nangangangang mapula ang labi dulot ng nginangatang apog at ikmo.

May tatlong lalaking nag-uusap, dalawang kabataang estudyante at isang may edad na. Si Basilio na mag-aaral ng medisina, si Isagani na mas bata ay nag-aaral sa Ateneo at si Kapitan Basilio.

Si Kapitan Basilio ay nagbuhat sa pamimili sa Maynila. Kaibigan ni Kapitan Basilio si Kapitan Tiyago kaya't kinumusta nito ang kalagayan ng kaibigang kay Basilio.

"Ayaw niyang magpagamot. Inutusan niya akong magtungo ng San Diego para tingnan ang mga paupahan niyang bahay. Ngunit sa aking palagay kaya niya ako pinapaalis ay upang malaya siyang makahithit ng opyo." May palagay din si Basilio na may sulsol ni Padre Irene ang ginawang pagpapapunta sa kaniya ni Kapitan Tiyago sa San Diego.

"Ang salot na opyo. Ginamit ito ng mga tao noon na walang halong pang-aabuso sa katawan. Itinuring itong isang gamot. Subalit alam ba ninyo na ang nagmalabis ng paggamit nito ay ang mga Tsino? Ang mga Tsino na walang alam na kahit isang salitang Latin. Kung mas naging abala na lamang sana si Kapitan Tiago kay Cicero."

"Kumusta ang inyong mungkahing magkaroon ng Akademya ng Wikang Kastila?" tanong pa ni Kapitan Basilio. "Sa aking palagay ay mahirap maisakatuparan ang isang iyan."

"Matutuloy po ito sapagkat ang hinihintay na lamang naman ay ang permiso matapos makipagkita si Padre Irene sa Kapitan Heneral. Niregaluhan namin ang pari ng dalawang kabayong kaatanyo at siya'y nangako sa amin ng tulong," giit ni Isagani.

"Tutol si Padre Sibyla kaya't balewala rin iyan."

"Tutol nga po kaya siya narito ay upang makipagharap din sa Kapitan Heneral sa Los Baños."

"Naiintindihan ko, subalit kahit pa bigyan kayo ng permiso ay saan kayo kukuha ng pondo?"

"Sa ambagan po. Maging ang mga guro ay hati sa Pilipino at Kastila."

"Kaninong bahay ang gagamitin ninyo?"

"Sa mayamang si Makaraig po. Ihahandog niya ang isa sa kaniyang mga bahay."

Bahagyang tumango si Kapitan Basilio. Naihanda na ng mga kabataan ang lahat.

"Hindi masama ang inyong nais mangyari. Kung hindi matuto ng Wikang Latin ay maano namang matuto ng Wikang Kastila kahit paano. Ang ngayon ay paurong na. Noong panahon namin, kami'y nag-aral kahit paano ng Wikang Latin sapagkat ang aming mga aklat ay nasusulat sa Wikang Latin. Nasa Wikang Kastila ang mga libro ninyo subalit hindi itinuturo ang wikang ito sa inyo. Mas masama ang panahong ito kaysa panahon ng ating mga magulang." Sinabi pa niya ang isa sa mga winika ni Horatius na Aetas parentum pejor avis tulit nos nequiores!

Pagkasabi nito'y naglakad palayo si Kapitan Basilio na animo'y emperador na Romano kaya nagkatinginan ang dalawang estudyante.

"Ang mahirap sa mga matanda sa una ay ang pag-iisip ng mga bagay na hadlang kaysa sa kabutihang naiisip ng taong nakaisip nito. Ibig lamang ay makuha ang pakinabang na walang kahirap-hirap."

El FilibusterismoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon