Sa Noli Me Tangere, siya ang mangangahoy na si Selo. Maputing maputi na ang kaniyang buhok pero may malusog na pangangatawan. Bagama't ang kaniyang hanapbuhay ay ang paggawa ng walis, masasabing maalwan na ang kaniyang buhay. Anak niya si Telesforo na ang palayaw ay Tales. Dati itong nakikisaka sa isang mayamang tao na may-ari ng lupain ngunit nang magkaroon ng dalawang kalabaw at daang-daang piso ay nagsarili na kasama ang ama, asawa't tatlong anak. Nagkaingin sila sa dulong bayan sa isang lupaing walang nagmamay-ari. Sa panahon ng pagkakaingin ay nagkasakit ang buong pamilya ng malarya hanggang sa namatay ang asawa at panganay na anak na si Lucia.
Sa panahon ng pag-aani, isang korporasyon na pag-aari ng mga pari ang umangkin ng lupain at pinagbayad nila ng buwis ang pamilya ni Tales sa halagang tatlumpung piso. Siya'y masunurin at tahimik na tao kaya't naging sunud-sunuran maging sa payo ng amang si Selo.
"Magpaubaya ka na. Kung makikipag-usap ka ay tiyak na gugugol ka ng salapi na makasampung ulit ang halaga kaysa ibabayad mong buwis sa mga pari. At baka bilang ganti ay magpamisa pa sila sa iyo. Isipin mo na lamang na ang halagang iyon ay naipatalo mo sa sugal o naihulog sa tubig na sinagpang ng buwaya," payo ng ama.
Naging masagana ang ani at naipagbili ng mataas na halaga. Binalak ni Tales na magtayo ng bahay na kahoy sa baryo ng Sagpang, sa bayan ng Tiani at karatig na bayan ng San Diego.
Binalak ng mag-amang Selo at Tales na papag-aralin ang magkapatid lalo na ang babaing anak na si Juliana o Juli. Isang kaibigan ng pamilya ang nag-aaral sa Maynila at ito'y walang iba kundi si Basilio na nagmula rin sa isang hamak na angkan.
Naging masagana ang ani nang sumunod pang taon kaya't tinaasan na ito ng buwis ng mga prayle. Nagbayad naman si Tales sa pag-aakalang sa mataas na presyo niya maibebenta ang ani.
Dahil sa pag-asenso ng pamilya ni Tales, inihalal siyang kabesa de baranggay at mula noon ay tinawag siyang Kabesang Tales. Labing apat na taong gulang pa lamang ang anak niyang lalaki na si Tano. Sapagkat isa na siyang kabesa, nangailangan siyang bumili ng kasuotang Amerikana, sombrerong piyeltro at inihanda ang sarili sa marami pang gastusin. Upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa mga prayle at gobyerno, pinaluluwalan ni Kabesang Tales ang mga taong nakatala na hindi nakakapagbayad ng buwis. Ipinagbayad niya pati ang mga umalis at nangamatay na. Gumugol siya ng panahon sa paniningil at pagtungo sa kabisera.
"Magpasensiya ka dahil dumami ang kamag-anak ng buwaya! Iyon na lamang ang isipin mo," payo ng amang si Tandang Selo.
Nang mabanggit ni Juli ang tungkol sa pag-ani ng tagumpay ni Basilio ay pinayuhan din niya ang apo, "Sa isang taon ay magtungo ka na sa Maynila para mag-aral katulad ng mga dalaga sa bayan."
Hindi pa dumarating ang susunod na taon ay muling dumating ang araw ng pagbabayad ng buwis na higit na mataas kaysa dati. Nayamot na si Kabesang Tales.
Nang umabot sa dalawang daang piso ang buwis ay naging sukdulan ang lahat kay Kabesang Tales. Tahasan na siyang tumutol. Noon siya pinagbantaan ng tagapangasiwa ng mga prayle na kung hindi magbabayad ng buwis ay palalayasin na sila upang ipasaka sa iba ang nasabing lupain.Inakala ni Kabesang Tales na hindi totoo ang banta ng mga prayle ngunit nagtalaga ang mga ito ng isang mangangasiwa ng lupain. Dahil dito'y nagkasakit si Kabesang Tales at nangayayat. Nakita ang sarili na kaawa-awang nagsasaka sa gitna ng matinding sikat ng araw sa bukirin at napapaltos ang mga paa sa pagtapak sa mga bato't ugat.
Nagsawa na si Kabesang Tales sa pagbabanta ng mga pari at kahit kalahati at ayaw na niyang magbuwis. Nagbanta rin siyang ipagkakaloob lamang ang lupain sa sinumang makakapagdilig ng dugong magmumula sa kaniyang ugat.
Hindi na nagawang banggitin ni Tandang Selo ang tungkol sa buwaya ngunit pinayapa pa rin niya ang kalooban ni Kabesang Tales sa pagsasabing ang taong nananalo sa usapin ay nawawalan maging ng barong isusuot sa katawan.
"Tayong lahat ay mauuwi sa pagiging alabok at tayong lahat ay isinilang na walang anumang saplot sa katawan," tugon ni Kabesang Tales sa ama.
Nakipagmatigasan si Kabesang Tales na hindi niya ibibigay ang kaniyang lupain kaninuman hangga't walang naipapakitang kasulatan ng pagmamay-ari. Tinanggap ni Kabesang Tales ang asuntong iniharap ng mga prayle sa paniniwalang mananaig pa rin ang katarungan sapagkat may ilang nagtataguyod nito at sumusunod sa batas.