Kabanata 7: Si Simoun

2.5K 5 0
                                    


Pauwi na si Basilio nang may mabanaagang liwanag sa kagubatan at may marinig na mga yabag at kaluskos. Hinanap niya at nilapitan ang pinagmumulan ng mga yabag at nabuo sa kaniyang paningin ang isang anino. Nakaramdam siya ng takot at panglaw ng gabi bagamat hindi siya mapaniwalain sa pamahiin.

Tumigil ang anino sa tabi ng balite at noon nakilala ni Basilio ang mag-alalahas na si Simoun. May hinuhukay ito. Kinilabutan si Basilio nang matiyak kung sino ang lalaking nagbabalatkayo. Ito ang lalaking tumulong sa kaniya may labingtatlong taon na ang nakakalipas. Mas matanda na ito kaysa dati, may puti na ang buhok, balbas-sarado subalit mababakas pa rin sa mga mata ang kalungkutan. Kunot pa rin ang noo nito at bagama't malakas pa ang bisig ay mahahalatang nangayayat na.

Naalala ni Basilio ang buong pangyayari noon. Isang lalaki ang tumulong na sunugin ang bangkay ng isa pang lalaki at ito rin ang tumulong na maghukay upang ilibing ang kabiyang ina. Ito ang lalaking nagpapanggap na si Simoun, isang mag-aalahas na Indiyong Ingles, Cardinal Moreno at masamang tagapayo ng Kapitan Heneral. Noon niya naisip at naitanong sa sarili, dalawang lalaki ang nakita niya. Isa ay ang bangkay na sinunog nila na may tama ng dalawang bala ng baril. Sino kaya si Ibarra sa dalawa? Sino ang mag-aalahas na si Simoun?

Patuloy sa paghuhukay si Simoun. Pahinto-hinto ito at humihingal pagkaminsan. Nagpasya si Basilio na lumantad at magpakilala.

"Maaari ko po ba kayong tulungan, Ginoo?" sabi niya sa lalaki.

Nabigla si Simoun. Natigil sa kinatatayuan at bakas ang pamumutla ng mukha. Walang kangiti-ngiti nitong pinagmasdan si Basilio.

"Labingtatlong taon na ang nakakaraan nang tulungan ninyo akong maglibig sa hangkay ng aking ina at sunugin ang bangkay ng isang lalaki. Hayaan ninyong kayo naman ang aking tulungan ngayon."

Binunot ni Simoun ang rebolber. "At sa palagay mo ba'y sino ako?"

"Isang taong dakila. Isang taong inakala ng lahat na patay na at ang naging kabiguan ay labis ko ring ipinagdamdam."

Binalot ng katahimikan ang buong paligid. Natapos ang pag-aalinlangan ni Simoun at nilapitan si Basilio.

"Alam mo ang aking lihim na maaari kong ikasawi at maaaring ikabunyag ng aking mga binabalak. Ang buong buhay ko ngayon ay nasa kamay mo. Maaari kitang patayin dahil dito alang-alang sa dakila kong layunin. May sandata ako at ikaw ay wala. Ang iyong kamatayan sa kagutang ito ay maaaring ibintang sa mga tulisan dahil walang nakakaalam ng aking pagparito. Subalit pababayaan kitang mabuhay at inaasahan kong hindi ko iyon pagsisisihan. Batid kong ikaw ay naghirap at nagtiyagang tulad ko. Katulad ko'y may pautang ka ring dapat singilin sa lipunan. Ito ay ang buhay ng iyong kapatid at nang nabaliw mong ina. Pareho tayong inusaig at ginawang salarin ng lipunang ito. Nabibilang tayo sa mga taong kailangang bigyan ng katarungan kaya't nagpasya akong sa halip na ikaw ay mapahamak, mas makabubuting tayo'y magtulungan na lamang." Huminto sa pagsasalita si Simoun at nagpakawala ng malalim na buntonghininga. "Totoong ako ang lalaking nagpunta dito labingtatlong taon na ang nakalilipas para bigyan ng pagdakila ang taong nagbuwis ng buhay alang-alang sa akin. Umalis ako sa bayang ito para magpayaman upang maisakatuparan ang aking paghihiganti. Ngayo'y kailangang wasakin ko na ang isang tiwaling pamahalaan sa pamamagitan ng paglalantad ng kanilang kabulukan sukdulang may ibang magbuwis ng buhay. Ayokong mamatay na hindi ko nakikita ang pagdurog ng kanilang mga buto sa ilalim ng bangin."

Matinding kilabot ang naramdaman ni Basilio sa mga pahayag ni Simoun.

"Sa pamamagitan ng paanyaya ay nakabalik ako sa lupaing ito bilang isang mangangalakal. Dahil sa kayamanan ay naging tanyag ako sa iba't ibang uri ng kasakiman at pagbabalatkayo ang aking nasaksihan. Hinadlangan ko ang ibang pangangalakal upang lalong maghirap ang mga tao. Inuudyukan ko ang panliligalig at pangangamkam upang walang masulingan ang tao maliban sa makaisip silang maghimagsik. Ngunit kayong mga kabataan ngayon ay walang ginawa kundi purihin ang mga Kastila. Masyado kayong mapangarapin at inaakalang makakamit ninyo ang pantay na pagtrato ng lipunan. Hinahangad ninyong magkaroon ng Akademya ng Wikang Kastila. Para ano? Para kayo'y higit na malito at hindi magkaintindihan?"

"Hindi," tugon ni Basilio. "Hindi lamang para mapalapit tayo sa pamahalaan kundi hinahangad naming magkaisa ang bawat pulo."

"Isang malaking kamalian," pagtutol ni Simoun. "Kaydali ninyong malinlang ng matamis na pangako na hindi niyo man lang pinag-aaralan ang magiging bunga. Kailanman ay hindi magiging wikang pambansa ang Wikang Kastila sapagkat iyan ay hindi kayang salitain ng tao. Hindi magiging tugon ang wikang iyan sa kaisipan at damdamin ng mga Indiyo. Ang Polonya ay tumangging gamitin ang wikang Ruso habang nasa ilalim ng kapangyarihan ng Rusya. Ang mga Pranses ay pinagbawalang gamitin ang wika nila habang nasasakop ng bansang Alemanya. Samantalang kayo'y kusang nagpapasakop kasama ang wikang nagtataguyod ng isang kabansaan. Ang wika ay ang diwa ng bayan at habang angkin ng bayan ang kaniyang sariling wika ay taglay niya ang sariling pag-isip." Nagpatuloy si Simoun. "Nasaksihan ko ang ginagawang pagtataguyod ng mga kabataan at ilang gabi akong hindi pinatahimik. Pinag-isipan kong kayo'y kausapin at himukin, may pagkakataong nais ko kayong pagpapatayin. Iyan ang dahilan kung bakit kita bubuhayin, Basilio. Kailangan ko ang tulong mo. Gimitin mo ang iyong talino't lakas upang ituwid ang nalilihis nilang landas. Kailangan maituwid ang hangaring maka-Kastila ng mga kabataan, ang paghahangad ng pantay na karapatang mauuwi lamang sa hamak na panggagaya at kawalan ng pag-asa."

"Salamat sa inyong pagtitiwala, Ginoo. Hindi ako taong pulitiko at ako ay lumagda sa isang kasulatan ng kahilingan para sa pagtataguyod ng Wikang Kastila upang makatulong ng higit sa mga mag-aaral. Nais ko lamang pong maging manggagamot at iyon ang tungkuling nais kong gampanan."

Mapait na ngumiti si Simoun. "May hihigit pa bang karamdaman sa isang naghihingalong lipunan? Darating ang panahong kikilalanin kang tanyag na doktor subalit higit na kadakilaan ang magpagaling ng malalang sakit ng bayan. Alahanin mong walang kahulugan ang buhay ng walang katumbas na dakilang adhikain."

"Ginoo, hindi sa ipinagsasawalang bahala ko ang inyong sinasabi subalit pinili ko po ang karunungan sa paglilingkod sa bayan."

"Hindi talino ang kabuluhan ng lahat."

"Iyan po ang ninanais na makamit ng sinumang maunlad na bansa."

"Upang maging kasangkapan sa pagtuklas ng tunay na kaligayahan."

"Walang katapusan ang karunungang maaaring matuklasan na siyang maaaring gamot sa sangkatauhan... na lalong laganap sa daigdig."

Lalong pumait ang ngiti ni Simoun. "Anong ginawa mo sa alaala ng iyong ina't kapatid?"

"Wala akong magagawa. Wala akong salapi. Wala akong pangalan. Mangyayari lamang sa akin ang nangyari sa kanila."

"Halimbawang tulungan kita..."

"May mangyayari pa ba sakaling makapaghiganti ako? Mabubuhay ko ba maski hibla ng buhok ng aking ina't kapatid? Sa gagawin ko'y posibleng marami pang madamay."

"Maaari mong maiwasan ang nangyari sa iba at magagawa mong mabigyan ng katarungan ang sinapit ng ating mga mahal sa buhay. Ang pagpapaubaya ay hindi isang kabutihang loob. Sa halip ay nagtutulak ng kasamaan para sa iba. Walang maaalipin kung walang magpapaalipin. Kinatatakutan ng mga taong nang-api ang taong inapi nila."

Namangha si Basilio sa pahayag ni Simoun.

"Ako? Katatakutan nila?"

"Sadyang likas sa tao ang matakot sa ginawa nilang multo."

"Malaki naman ang daigdig. Hindi ba puwedeng pabayaan na nila akong mamuhay ng tahimik at ipauubaya ko naman sa kanila ang kapangyarihan?"

"Ang pangarap mo ay isang tahimik na pamumuhay, isang pamilya... at kung makakamit mo iyan, masasabi mo na bang isa kang taong mapalad?" pauyam na tanong ni Simoun kay Basilio.

Tinangkang bigyang katuwiran ni Basilio ang sarili subalit hindi siya pinayagan ni Simoun.

"Nasa iyo na kung ano ang gagawin mo saking lihim. Ngunit kung magbago ka ng pasya, bukas ang aking tinutuluyan sa Escolta at buong puso kitang tatanggapin."

Nagpasalamat si Basilio at saka tuluyang lumayo. Naiwan si Simoun na nag-iisip pa rin ng malalim.

"Nagkamali kaya ako?" ani Simoun sa sarili. "Nag-aalinlangan kaya siya sa akin o pinag-iisipan niyang mabuti kung kailangan ibunyag ang isang lihim? Baka pinawi na ng kaniyang karanasan at pagpapaalila ang damdaming makatao upang hangarin ang mamuhay sa makahayop na paraan. Kung ganoon ay kailangang wasakin ang isang hulmahan upang pagkatapos ay buuing muli para sa isang pakikipaglaban at lipunin ang mahihina upang mabuhay ang higit na malalakas!"

"Magtiis muna ang lahat. Kayong nagpamana sa akin ng pabgalan at yamang nawala sa akin... bayan, kinabukasan, kaligayahan at maging inyong mga libingan... kaunting tiis pa! At ikaw diwang marangal, dakilang kaluluwa, at budhing walang kasing buti na hindi naghangad ng anumang pgkilala, kaunting tiis pa. Hindi mo nagawa ang ginagawa kong pamamaraan subalit ito ang pinakamadali. Malaput nang sumikat ang araw at ako rin ang magbabalita sa iyo. Magtiis pa muna ang lahat!"

El FilibusterismoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon