Ako si Viktor at isa ako sa napakaraming tagahanga ni Manika.
Sinabi ko ba na napakarami? Kung mas may marami pa sa salitang "marami", ganun siguro karami ang mga taong nagmamahal kay Manika. Hindi mabibigyan ng sapat na hustisya ang salitang "marami" para kay Manika.
Pero hindi lang tao ang nagmamahal kay Manika. Mahal din siya ng mga hayop. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi tinatahulan ng aso ko na bulldog na si Rockyroad si Manika.
Nasabi ko na ba na higit na sa sampu ang nakagat na bisita ni Rockyroad?
Tuwing naglalakad din siya at tatawagin ng "ming ming ming ming" ang mga pusa sa kalye, lumalapit ang mga ito sa kanya. Ako, nag swswswswsw na at lahat, ni tingin ay hindi sa akin ibinibigay ng mga pusakal na iyon.
Tapos yung mga ibon? For some reasons, dumadapo sa daliri niya ang mga maya. Sa dagat ng berde na damo at mga bulaklak, pinapaligiran siya ng mga napakagagandang paru-paro.
Sa T.L.E. namin, sa Agriculture, yung tanim lang ni Manika na sunflower ang tumubo. Tumubo din naman yung mga sa amin pero yung kay Manika, namukadkad.
Mahal ng mundo si Manika at lahat ng malapatan ng hawak niya ay ganda at halina.
Biniyayaan siya ng lahat. Kung sa mitolohiya, siya si Pandora na nabuo na may biyaya galing sa lahat ng diyos at diyosa sa Olympus o si Kvasir na nabuo galing sa laway ng mga diyos at diyosa na Aesir at Vanir.
Pero nasaan nga ba si Manika? Halos tatlong araw na siyang hindi pumapasok sa eskwela. Wala din kaming natatanggap na sagot sa mga mensahe namin sa kanya sa telepono. Ni sa Messenger kung saan ni-kailanman ay di ka niya isi-seen o ila-likezone ay naka "offline for 2 days" siya.
Ni-hi, ni-ho, wala kaming natanggap kay Manika. Matagal na naming hinahanap ang bukang-liwayway na dala ng mga ngiti niya. Ang mga "fighting" at "aja" niya na tila ba ay may mahika dahil talagang pinupuno kami nito ng pagpupursige at inspirasyon.
Nangungulila na ako sa presensya na dala ni Manika.
Nangungulila na ang eskwelahan sa mga ngiti na hatid ng mala-rosas na labi ni Manika.
Nangungulila na si Rockyroad at ang mga pusa sa kalye sa mga haplos ni Manika.
Nangungulila na ang mundo sa pagkawala ni Manika.
O Manika, nasaan ka?
+++++++++++
-Author's Note-
I update every Sunday.
BINABASA MO ANG
Nasaan ka, Manika?
Mystery / ThrillerSuot ang kanyang matingkad na kulay na pulang off-shoulder at hanggang sa taas ng tuhod na shorts;napakakinis na balat na tila ba'y hinalikan ng liwanag ng buwan, mapupungay na magka-ibang kulay na mata, ang kanyang natural na mala rosas na labi at...