++++++++++
HINDI MAIPALILIWANAG ng Siyensya ang nararamdaman ko ngayon. Pati na rin siguro ni Niella. Kung naipaliwanag man na, sigurado akong hindi ko alam yung tawag dun, hindi ako si Marc.
Mataas pa rin ang tirik ng araw at sigurado ako na kagaya ko kani-kanina lamang ay marami ding naka-kunot ang noo dahil sa init pero yung lamig, yung ginaw na kanina pa gumagapang sa bawat balahibo ng balat ko ay sadyang nakaka-kaba, nakakataranta.
"Tara na Vik?" ang tanong ng sa akin ngayo'y nakaharap na si Niella. Ramdam at kita ko din sa mga mata niya yung kaba. Hindi lang talaga ako yung may mga tumatakbong daga na gusto kumawala sa puso ngayon.
Gumalaw-galaw si Kisses mula sa pagkakahawak ko. Napatingin ako sa kanya at binalot nanaman ng panglulumo yung katawan ko. Siguro ang emotional composition ko ngayon ay 90% nanglulumo, 3% pagod, at 7% nagtataka. Hindi ko alam, hindi ko maintindihan.
"Tara."
Pagdating namin sa harap ng pintuan ng bahay nila Manika ay tumigil kami at nagtinginan sa mga mata. Pagka-tango ni Niella ay ilinapat ko yung palad ko sa doorknob na may kakaibang lamig habang si Niella ay nasa likod ko, nakatingin, nagmamasid. Sa kanlungan ng mga bisig niya ay si Kisses na hanggang ngayon ay tila ba ibang-iba sa Pomeranian na laging sumasalubong sa akin, sa amin.
Dahan-dahan kong binuksan yung pintuan. Gamit ang maliit na puwang sa pintong marahan ko lamang na tinulak ay sumilip ako. Kagaya nung ginawa ko sa Music Room noon, linibot ng mga mata ko yung buong silid na abot ng paningin ko; hinahanap ang taong, ang babaeng may maikli na buhok at nakaka-akit na mga ngiti.
Pero hindi gaya nung nangyari sa Music Room, hindi ko nakita si Manika. Tila ba isang tao na walang kaluluwa ang nasilayan ko sa dating bahay na puno ng sigla, ng buhay.
Nasaan ka, Manika?
Hindi ko na hinintay yung sagot sa tanong ko sa isip ko. Binuksan ko nang tuluyan yung pintuan.
Tumahol si Kisses na siyang nagpalingon sa akin sa likod ko. Tinignan ko si Niella at nakapikit lang siyang tumango. Hinimas-himas niya ang mga madudumi at magkakabuhol na balahibo ni Kisses dahil kahit sa ganung sitwasyon ay tumahol pa rin si Kisses. Sinubukang pakalmahin ni Niella ang nangangatog na si Kisses gamit ang mga himas ng malalambot na kamay niya.
Iba sa tahol ng natatakot na aso na kaninang ipinarinig niya sa amin ni Niella nung natagpuan namin siya di kalayuan sa may mababaw na hukay. Yung tahol na naririnig namin ngayon ay tahol ng isang aso na natatakot ngunit may gustong makita. Ang tahol ng isang aso na nakakita ng isang kawatan ngunit hindi tapang ang namayani kundi takot at kaba para sa kanyang sarili at sa mga taong nag-aalaga at nagmamahal sa kanya.
Hindi man nakakapag-salita si Kisses ay alam ko na may gusto siyang sabihin sa amin ni Niella. Alam ko na may gusto siyang iparating. Kung isang babala ba 'to o pag-anyaya, yun lamang ang hindi ko alam.
Umapak ako papaloob. Isa pang tapak pa-abante. At isa pa, at isa pa.
Yapak lang ng mga paa namin ni Niella at ang mahinang mga kaluskos ni Kisses ang maririnig bukod sa hangin na may dalang lamig sa ano mang bagay o buhay na madampian.
Ngayong nasa gitna na kami ng pinaka sala nila ay mas napansin ko yung mga kakaiba.
Hindi ko alam kung ako lang pero sobrang kakaiba na walang kakaiba sa mga nakita ko sa loob ng bahay nila Manika.
BINABASA MO ANG
Nasaan ka, Manika?
Mystery / ThrillerSuot ang kanyang matingkad na kulay na pulang off-shoulder at hanggang sa taas ng tuhod na shorts;napakakinis na balat na tila ba'y hinalikan ng liwanag ng buwan, mapupungay na magka-ibang kulay na mata, ang kanyang natural na mala rosas na labi at...