Ed died

19 0 0
                                    


Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin ko sa'yong,
kaaway ko ang sarili ko
tuwing nag-aaway tayo?

Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin kong
sa bawat pagpuna ko ng kamalian mo
ay ang nais kong unawain o maitama ang mga ito?

Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin kong
sa bawat galit at masasakit na salita
ay naroon ang aking pag-aalala't pag-aalaga?

Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin kong
ang mga araw na kasama ka
ay mga araw na hindi man palaging masaya
ay puno ng pagmamahal at pag-asa?

Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin ko sa'yong,
pagod na ako pero kailanman
hindi ako sumuko?

Nais kung malaman mo na...
Nakakapagod ang makaaway ka, pero
hindi ko nais na ika'y mawala.
Nakakapagod ang unawain ka, ngunit
hindi ko nais na ika'y mawala.
Nakakapagod ang alagaan ka, subalit
hindi ko nais na ika'y mawala.
Nakakapagod kang kasama, datapuwat
mas pipiliin kong mapagod kasama ka
kaysa mabuhay ng wala ka.

Pero ano pa nga ba'ng magagawa?
Lumisan ka na't ako'y iniwan.
Nilisan ako na maraming tanong sa aking isipan.
Ba't nga ba ako'y iniwan na maraming tanong
na ang sagot ay hindi ko malaman?
Ba't nga ba lumisan ng biglaan?
Ba't nga ba humayo na walang paalam,
kundi patak ng luha mula sa'yong mga mata?
May hinanakit nga ba o pagtatampo
o kaya'y galit sa puso mo?
O iyo'y luha ng kaligayahan
sapagkat sa wakas
nakatakas ka na rin sa kapaguran
na iyong nararanasan?

Bakit?
Dahil ba...
Nakakapagod akong kaaway?
Nakakapagod akong unawain?
Nakakapagod akong alagaan?
Nakakapagod akong kasama?
Kaya mas ninais mong mawala,
sapagkat pagod ka na?
Napagod ka na at nagsawa sa kapagurang
paulit-ulit mong nararanasan at nararamdaman?
O sadyang napagod ka na
sa sakit na matagal mo ng iniinda?

Ayokong isipin na sumuko ka
hindi dahil sa hindi mo na kaya,
hindi dahil sa nahihirapan ka,
hindi dahil sa pagod ka na,
pero kilala kita...
Sumuko ka ba dahil tingin mo
mas kakayanin namin kung wala ka?
Sumuko ka ba dahil iniisip mo
na mas giginhawa kami kung wala ka?
Sumuko ka ba dahil tingin mo
higit sa pagod na nadarama mo
ay mas pagod ako sa'yo?
Kung kaya't mas piniling mawala sa buhay ko
sapagkat ayaw mong napapagod at nahihirapan ako
na higit sa kapagurang nararamdaman mo?

Nais kong malaman mo na,
mas pipiliin ko pa rin ang mapagod at magdusa
nang pang habang buhay kasama ka
kaysa makatanggap ng benepisyo dahil wala ka na.

Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin ko sa'yong,
hindi ko nais na ika'y mawala?

Pero ano pa nga ba ang magagawa,
gayong humayo ka na't kumawala?
Hindi ko nais na ika'y mawala
Sana saiyo'y naipaunawa...

Maniwala ka kaya?
Kung sasabihin ko sa'yong
mahal na mahal kita
kahit pa hindi ko ito naiparamdam sa'yo
nang mga huling araw na magkasama tayo?

Pero marinig mo man o hindi,
maniwala ka man o hindi,
sasabihin ko pa rin...

Sasabihin ko pa rin
ang mga katagang
sa puso ko'y namumutawi.
Sasabihin ko pa rin
ang mga salitang
walang bahid ng pagkukunwari.
Sasabihin ko pa rin
ang mensaheng
nais ko sayo'y ipahatid at ipabatid.
Sasabihin ko pa rin na,
mahal na mahal kita at kailanman
hindi ko ninais na ika'y mawala.

Ed diedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon