CHAPTER 1: JOHNWIN

15 0 0
                                    

Nandito pa rin ako. Sa lugar kung saan wala ka nang ibang mapupuntahan kung hindi ang apat na sulok ng kwartong to. Sa lugar na hindi ko mahanap kahit pa sa apat na sulok dito ang kalayaang makihalubilo sa tao. Nakakulong pa rin ako sa lugar na hindi ko maranasan ang kahit na anong saya o ni lungkot. Pakiramdam ko, simula nang pumasok ako dito, namanhid na ang lahat sakin; ipinagkait na ang ano mang kakayahang pandamdam ko.

Narinig ko nalang ang marahan na pagbukas ng pinto. Hindi ko na nagawa pang tapunan ng miski kakarampot na tingin ang nagbukas dahil iisa lang naman ang nagpapakapagod para bumalik ang dating ako.

"Johnwin, anak. Ito na ang pagkain mo. Maghapunan ka na, ha," sabi niya sabay labas. Siguro napapagod na din si Nanay. Kung iniisip niyo na siya ang magulang ko, uunahan ko na kayo. Siya ang yaya ko simula pa noong bata ako. At oo, siya ang nagpalaki sakin; ang gumawa ng mga bagay na gawain ng isang magulang sa kanyang anak. Kilala niya ako higit pa sa pagkakakilala ng mga magulang ko sakin.

Sanay naman na ako sa ganon. Na hindi ako ang una sa prayoridad ng mga magulang ko kahit pa na ako ang nag-iisa nilang anak. Hindi na rin ako kinausap ni Nanay. Siguro kasi alam niyang gaya ng dati, magsalita man siya ng mga makabuluhang bagay, hindi pa rin tatanggapin ng isip ko yon. Pumasok man sa isang tenga ko, mag-uunahan din naman ito sa paglabas sa kabila; walang binibigay na pagkakataon para intindihin ng utak ko.

Tumayo nalang ako mula sa pagkakaupo ko sa kama. Humugot ako ng isang malalim na paghinga at saka hinawi ang kurtinang nagsisilbing panangga sa mainit na sikat ng araw. Napapikit ako ng marahan nang tumama ito sa aking mga mata. Unti unti din naman akong dumilat. Tinukod ko ang dalawang kamay ko sa drawer na nakapwesto sa tapat ng bintana. Hindi ko rin naman kasi mailabas ang ulo ko mula sa bintana dahil sa nakasarado ito. Hindi nila ito binubuksan sa pag-aakalang dito nanaman ako lalabas at tatakas para gumawa nanaman ng kung ano-anong kalokohan.

Pinilit kong aninagin ang nasa labas. Maaliwalas ang paligid. Kitang kita ko sa subdivision ang mga taong nagpapatuloy ng kani-kanilang buhay. Sakto naman na yung bahay namin ay nasa tapat ng parke dito. Napakaganda ng pagkakailaw sa bawat sulok nito; mga makukulay na ilaw na siyang nagbibigay pa ng higit na kulay at buhay dito. Matatanaw mo ang mga batang walang pinoproblema kung hindi ang pakikipaglaro. Ang mga magulang nalilibang sa pagbabantay sa kanilang anak at pakikipagkwentuhan sa kapwa magulang. Ang teenager na kasa-kasama ang kanilang kaibigan para pumatay ng oras. Ang mga magkakasintahan na naglalambingan sa sulok na ang iba ay akala mong sila lang ang nasa lugar na iyon; grabe kung makapulupot sa isa't isa na para bang magkakadugtong ang mga bituka. Tsk tsk! Sila ang mga tao na mayron din namang mga problema, subalit hindi nila ito iniinda at nililibang ang sarili bago pa man sila nito lamunin.

Pinili kong bumalik nalang sa pagkakaupo sa kama ko. Napatulala nalang ako, hindi ko rin naman alam ang tumatakbo sa isip ko. Ang totoo ay wala. Walang talagang tumatakbo sa isip ko. Nahangin na yata ang utak ko pagkatapos ng lahat. Napatawa nalang ako ng pagak sa naisip kong yon.

Napadako ang mata ko sa pagkain. Nagsimula akong maglakad papunta sa lamesa na pinagpapatungan nito. Sinimulan ko na rin ang pagkain. Inubos ko na iyon. Tutal nakaramdam na rin naman ako ng pagkalam ng sikmura. Pagkatapos kumain ay napagpasyahan ko nalang na maligo muna bago bumalik sa pagkakatulog. Naglakad na ko papunta sa kabinet at kinuha ang tuwalya. Dumiretso na ko sa papunta sa banyo. Nang pinipihit ko na ang door knob, napahinto ako.

'Ilang buwan na ba kong nandito?' Biglang sulpot ang katanungang yon sa isip ko. Hindi ko rin alam kung gaano na nga ba katagal. Lima? Anim? Hindi ko alam. Para sakin, paulit-ulit nalang ang routine ng buhay ko. Babangon, tutulala, mapapaisip ng malalim kahit ang totoo ay wala naman akong iniisip, kakain, tapos matutulog. Sino ba namang tao ang makakapagtiis ng ganong ikot ng buhay sa loob ng ilang buwan? Tsk!

Napaikot ako ng tingin sa kabuuan ng kwarto ko. Ang kulay ay isang tipikal na kulay ng kwarto ng isang lalaki; puti at ang ibaba ay brown na hindi matapang ang kulay kundi ay masarap sa mata. Walang ibang lamang gamit dito kundi kabinet na puro damit ko, yung aircon, kama, drawer, at study table na may nakapataong na kakaunti ngunit magugulong libro. Natatakot na rin siguro silang hindi na nila ko mapipigilan pang muli kung gusto ko mang kitilin ang sarili kong buhay kaya sinigurado nilang kung ano lamang ang importanteng bagay na kaylangan ko ay iyon lang din ang itinira nila sa kwartong to.

"Nakakasawang pagmasdan," napangiti ako ng mapait at napailing sa biglaang usal ko. Pumasok na ko sa banyo para masimulan na ang pagligo. Naramdaman ko ang pagtama ng malalamig na tubig sa mukha ko, pababa sa katawan.

Bakit nga ba ako nagkaganto? Bakit? Napag-isip-isip ko na hindi titigil ang lahat ng bagay para lamang damayam ka sa pagkakalugmok mo. Kahit pala gaano ka katatag, magkakaroon ka pa rin ng kahinaan. At ang kahinaang rin na yon, ang maaaring humatak sa'yo pababa. Kahit gaano pa ako nawala sa sarili ko, hindi pa rin tumigil ang ikot ng mundo. May kanya-kanya pa ring buhay na ipinapatakbo ang bawat tao. Sa pagtakbong yon, napagod na ako. Huminto ako. Pero sila, patuloy pa rin sa pagtakbo. Hindi nga naman titigil sa pag-ikot ang mundo para lamang sa kasadlakan ng iisang tao.

Napapikit ako ng marahan. Sa totoo lang, tinatanong ko pa ba talaga ang sarili ko kung bakit? Para namang kung ano-anong imahe na alaala ang nagsulputan sa isip ko. Napangiti ako ng mapakla. Pakiramdam ko bumalik lahat ng saya sa mga alaalang yon pero nangibabaw pa rin ang sakit, lungkot, at pangungulila. Pakiramdam ko, natunaw yung yelong bumalot sa puso ko. Nararamdaman ko nanaman ang unti-unting pagpiga dito, kasama ang unti-unti ding pagsikip ng dibdib ko. Nakakapanghina. Bakit ba nangyari yon? Yon ba ang tadhana? Tadhana na magmahal sa maling tao? Kakaiba rin ang tadhana, masyadong mapaglaro.

Pinakiramdaman ko pa rin ang pagbuhos ng malamig na tubig sakin. Napatukod ako sa pader dahil sa panlalambot pero hindi ko pa rin tinatanggal ang pakakatingala ko para salubungin ng mukha ang tubig na bumabagsak galing sa shower. Naramdaman ko ang unti-unting pag-init ng mata ko at lalong pagsikip ng dibdib ko. Bumalik nanaman ako sa pakiramdam na yon. Nabalot nanaman ako ng pagdadalamhati. Alam ko sa sarili ko na kung gano man kasakit yon, iba pa rin ang kagalakan na naibibigay nito sakin sapagkat ibang kasiyahan ang nadulot nito at pagbuo sa pagkatao ko.

Sa pagbuo ng kwento sa isip ko, hindi ko na pinigilan pa ang biglaan at mabilisang pagbagsak ng luha sa mga mata ko kahit pa na nakapikit ito.

Masaya.

MASAYANG PAG-IBIG NA NAGDULOT NG KAKAIBA AT MALALIM NA SUGAT SA BANDANG HULI DAHIL SA IISANG BAGAY NA NALAMAN KO NA NAGPAIBA NG TAKBO NG LAHAT.

FORBIDDENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon