hagilap

52 5 2
                                    

Noong bata ako
hinihintay ko lagi ang
pagsapit ng Oktubre sa aming
probinsya sapagkat katapusan
pa lang ng Setyembre--nakikita
ko na ang mula sa maliit naming
tindahan ni Nanay ang mga makukulay
na banderitas na para bang mga panandaliang
ulap na kumukulay sa alapaap. 

Madalas kong inaabangan
ang pagtayo ng perya na para bang
isang maliit na palasyong natatanaw
ko mula sa aming bintana.
Araw-araw hinihintay ko na, isang hapon
bubuksan na ang paborito kong lugar sa mundo--
ang perya. 

Maingay na gabi ang sumasalubong sa akin,
ang mga ilaw ay nagkikislapan, nakikisabay 
sa liwanag ng mga alitaptap, mga tawanan
ng mga batang naglalaro ng tagu-taguan sa
likod ng perya--doon sa may bukirin--
mga patunay ng kaligayahan ng dating
bumabalot sa munti naming baryo. 

Noong nag-elementarya ako
bihira akong lumabas ng bahay
tuwing Oktubre.
Nawala ang aking sigla.
Hindi na ako natutuwa sa mga banderitas
na nakabitay sa linya ng magkabilang poste.
Hindi ko na inaabangan ang pagbukas
ng perya dahil nakawawalang gana.
Habang ako'y lumalaki at
ang bakas ng panahon ay unti-unti
nang nabubura sa mga lugar na dati'y
mga nagsilbing saksi sa mga masasayang
ala-ala ng dating ako--isang paslit sa
ilalim ng buwan at mga tala habang
nakasabit sa kanyang labi ang isang ngiti--
nawawala na. 

Nawawala na ang dating katuwaan sa
pagsapit ng piyesta sa Oktubre. 

At naaalala kita. 

Naalala na naman kita,
noong mga panahong nawawala ka na.

Tulad ng mga panahon na kasama kita
isang hapon--hindi ka na nagkukwento
at panay kunot lang ng noo ang makikita sa mukha mo. 

O kaya nung nanuod tayo ng pelikula
pero hindi mo ako tiningnan kung umiiyak
na ba ako dahil masyado akong marupok
at balat-sibuyas ako, at alam mo iyon.
At mas lalo akong naiyak nang humikab ka
na para bang walang kwenta na kasama mo ako--
na para bang hangin lang ang katabi mo. 

Nawawala ka na pero nahahagilap pa rin kita. 
Nahahagilap ko pa rin ang pag-urong ng ulo
mo sa balikat ko noong pauwi na tayo.

Nahahagilap ko pa rin ang dahan-dahang
pagdilat ng magaganda mong mata at ang
pagkusot mo sa mga ito dahil bagong gising ka. 

Nahahagilap ko pa rin ang ngiti mo noong
nauntog ako sa bintana ng bus dahil
kahit ako ay pagod din. 

Nahahagilap pa rin kita noong sinabi mo
na sa balikat mo ako tumuon na kaagad
ko namang tinanggap dahil umaasa ako
na baka ngayon lang ang paglaho mo. 

Baka parang laro lang sa isang computer
na nagloloko saglit pero agad din namang 
bumabalik kung maghihintay ka kahit 
ika'y sabik na sabik. 

Sabik na sabik makita kang muli.
Sabik na sabi mayapos ka muli. 
Sabik na sabik maging rason ng iyong ngiti.
Sabik na sabik isipin ka bawat saglit.

Sabik na sabik manatili sa iyong tabi
dahil sa takot na baka mawala ka, kahit alam
kong naglalaho ka na.

Panghahawakan pa rin kita at ang pangako
mo na "hindi kita bibitawan."

Hihintayin kitang bumalik. 
Tulad na lang ng paghihintay ko sa perya
na magbukas muli sa pagsapit ng Oktubre. 

Hihintayin kita.
Kahit magsawa rin ako sa huli.
Hihintayin kita.
Kahit mawalan pa ako ng gana. 

Hihintayin kita.
Kahit puso mo'y nanlalamig na.
Hihintayin kita.
Kahit ako'y pagod na
at ika'y nanlalambot na.

Hihintayin kita.
Kahit alam kong hindi ka na babalik pa.

Dahil bago ka lumayo't magpaalam--
bago ka sumakay ng jeep pauwi,
binitawan mo ang aking kamay,
(na hanggang ngayon hindi mo 
pa rin nahahawakan muli)

kasabay ng nang pagbitaw mo sa ating dalawa.

At sa huling pagkakataon, nahagilap kita
na tinatangay palayo mula sa piling ko,
mga tingin mo'y malayo,
at hindi sa akin. 


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
NAWALA KA NA NAMANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon