Papunta ako sa Pag-ibig at SSS na malapit sa bayan namin kasama ang ka-opisina. Sumakay kami sa trysikel at saglit na binaybay ang daan patungo roon.
Nang marating namin ang lugar, ang una kong nakita ay ang SSS, pero nagkuli pa kaming pumasok dahil mas prioridad kong mauna ang Pag-ibig.
Naglakad kami nang kaunti papunta sa Pag-ibig, pero tila lumalayo na ang nilalakad namin ay hindi namin iyon makita.
Bandang huli ay naisipan naming sumuko at bumalik na lang sa SSS. Pero tulad nang nauna ay ganoon pa rin ang nangyari, hindi na namin iyon narating.
"Dito lang iyon, ate, 'di ba?" nagtatakang tanong ko pa kay Ira.
"Oo, ate. Tanda ko 'yon. Dito tayo nanggaling. Bakit biglang nawala?" nagtataka ring aniya habang panay ang linga.
Wala ako sa sariling tumingin sa aking relo.
Sayang ang oras!
Kaya naman nagdesisyon kaming pumara ng trysikel at nagpahatid sa pupuntahan, kahit pa naguguluhan sa mga nangyayari.
Ibinaba kami ng trysikel papasok sa mapunong parte ng Angat na kailanman ay hindi ko nakita buong buhay ko, pero dahil sinabi ng driver, ay tumuloy pa rin kami.
"Ate, parang 'di naman natin nadaanan 'to kanina, a," ani ko pa habang nilalakad ang kahabaan ng mga punongkahoy.
"Oo nga, ate. Paano napunta ang SSS dito?" nagtataka pa ring aniya.
Muli akong nagmasid at mula sa kinalalagyan namin ay natanaw ko ang makalumang arko. Hindi ko masyadong napagmasdan ang nakasulat doon dahil nakuha ng paligid ang buong atensyon ko.
"Bakit madilim doon?" Kumunot ako at tumingala sa langit.
"Oo nga, ate, kulimlim doon," nagtatakang ani rin ni Ira.
Bandang huli ay pinasok pa rin namin ang makalumang arko na tila gawa sa sinaunang bricks at halos itim na ang kulay ng lumot sa katagalan.
Saglit kaming naglakad papasok, pero tila kakaiba na agad ang pakiramdam. Nilingon namin ang aming pinanggalingan at noon namin natanto na ang laki ng pinagkaiba ng liwanag doon at sa labas ng arko.
"May mali, ate, balik na tayo," nagtatakang sabi ko pa.
"Sige, ate," tumatangong sagot din naman niya at muli kaming bumalikwas pabalik.
Pero halos nakakailang hakbang pa lang kami ay agad na gumalaw ang mga puno kahit na wala namang hangin.
"Ate, dali!" tarantang sabi ko pa sabay hila sa kamay ni Ira.
Wala naman siya sa sariling sumunod habang nakatingala sa nanggagalawang mga puno.
Habang lumalapit kami sa arko ay mas lalong lumalakas ang pagsayaw ng mga dahon.
"Hala, ate, madilim na!" ani ni Ira sabay turo sa labas ng arko.
Maliwanag pa roon kanina!
Agad akong kinilabutan lalo pa nang may malalaking itim na ibon ang nagliparan sa paligid ng mga nagsasayaw na puno.
"Paano nangyari iyon, ate, walang hangin? Gawa ng ibon iyon?" naguguluhan pa ring sabi ni Ira.
"Hindi ko rin alam, ate, basta kailangan nating makalabas dito!" tarantang sagot ko rin naman.
Nang makalabas kami ng arko ay hindi noon maibsan ang takot namin. Parang sobrang gabi na noon, pero ang oras ay maaga pa.
"Ate, naliligaw ba tayo? Bakit ganoon?" natatakot na ani ni Ira.
![](https://img.wattpad.com/cover/137150819-288-k421873.jpg)
BINABASA MO ANG
Laman ng Panaginip ni Deandoy
RandomIto ang mga weirdo kong panaginip. Mai-share ko lang naman. Walang pilitan sa pagbabasa. 😂😂😂