ULAN
Ni: CorrectionFluid
Malakas ang ulan sa labas.
Naiisip mo pa lang na susugod ka, nababadtrip ka na.
Wala kang payong.
Ayaw mong mabasa ang bagung – bago mong motor dahil regalo lang 'yon sayo ng nanay mong nagpapaalila sa Hongkong para may maipalamon sa inyong magkakapatid.
At para na rin matustusan ang mga luho mo.
Iniisip mo kung posible nga bang magsuot ka na lang ulit ng kapote, 'yung parang plastik na proteksyon na usung – usong isinusuot ng mga batang yagit lalo na sa panahon ng tag – ulan.
Kaya lang, ikaw mismo, nawiwirduhan sa sarili mong ideya.
*ring – ring – ring*
Kanina pa nagri – ring yung telepono mong naka – saksak sa kusina, pero hindi mo masagot dala nang naghahanap ka ng kahit na anong pwedeng magamit bilang panangga sa mala – demonyong ulan sa labas.
*ring – ring – ring*
Hindi mo pa rin masagot ang telepono mo. Panhik – panaog ka sa hagdan ng bahay niyo dahil binubutinting mo lahat ng sulok. Tingin dito, hanap doon. Swerte kung may mahanap ka pang kahit na anong bagay bilang alternatibong proteksyon sa ulang hudyo.
*ring – ring – ring*
Sa pagmamadali mong masagot ang tawag, nahulog ka sa ikatlong baitang ng hagdanan. Napamura ka sa sakit. Mabuti na lang at walang nabali sa mga buto mo, dahil kung nagkataon, dagdag gastos na naman.
*ring – ring – ring*
Kinuha mo na ang telepono kahit na namimilipit ka pa sa sakit. Tiningnan mo muna kung sino 'yung tumatawag. Napakunot ang noo mo dahil unknown number lang ang nakalagay sa screen.
Paksyet. Iniisip mong may nangti – trip na naman sayo.
Sa sobrang bwisit mo doon sa tumatawag, imbis na "hello," mura agad ang isinalubong mo sa kanya.
"Tangina, sino ba 'to?!" Nilakasan mo na ang boses mo upang magkarinigan kayo. Masyadong malalakas ang patak ng ulan sa inyong bubong. Sa sobrang lakas, parang delubyo, parang matatapos na ang mundo.
Unang segundo.
Dalawang segundo.
Tatlong segundo.
Apat na segundo.
Limang segundo.
Naghihintay ka kung may sasagot sa kabilang linya, pero limang segundo na ang nakalilipas, wala ka pa ring tinig na naririnig.
"Tangina, 'wag kang mang-trip. Ayusin mo buhay mo, gago!" Asik mo doon sa taong nasa kabilang linya.
Wala pa ring nagsasalita. Umiinit na ng tuluyan ang ulo mo.
"Tangina ka, mamatay ka na, letse!" Ibababa mo na lang sana ang tawag ng nagulat ka dahil may nagsalita.
--"Marc—"
Pamilyar sayo 'yung boses. Hindi ka maaaring magkamali.
Iyon ang langit mo.
Ilang libong beses mo nang narinig ang boses na 'yon. Ilang ulit mo nang hinihiling na sana, marinig mo 'tong muli. Ilang daang hiling na ang naibulong mo para lang makita ang taong 'yon sa pangalawang pagkakataon. Ilang milyong dasal na rin ang ginawa mo para lang makasama siya ulit sa iyong tabi.
