Kabanata XL: Silakbo

61 10 0
                                    

"Putangina!" asik ni Ka Dante nang marinig niya ang balita namin ni Tomas. Hawak ang plastik na baso na may lamang lambanog ay ibinato niya ito sa may dingding ng headquarters. Makikita sa mga mata ni Ka Dante ang galit. Parang nag-aapoy na sa galit.

"Putangina talaga!" singhal na naman nito. "Nilinlang lang tayo ng batang iyon. Kung alam ko lang na may tinatagong motibo pala 'yon ay sana pinatay ko na lang siya at hindi na pinauwi ng buhay!"

"Pinatay na namin siya Ka Dante," wika ni Tomas.

Nanlilisik ang mga mata ni Ka Dante na napatingin kay Tomas. "Ngunit, huli na!" sigaw nito. "Nailabas na niya lahat ng impormasyon tungkol sa atin!"

Napasuntok ito sa mesa. "Ano pa ang nakita niyo?" tanong nito na nagngingitngit sa galit.

"Mukhang binayaran siya ng sundalong iyon," sabi ko saka ipinakita kay Ka Dante ang limpak-limpak na salapi na ibinigay kay Manuel.

Kinuha naman ito ni Ka Dante at kaagad na binilang. "Kapit sa patalim ang batang iyon." Wika nito.

"Madaling masilaw sa pera ang taong gipit." Sabi ko saka umupo sa may bakanteng upuan.

Hindi nagtagal ay dumating si Jonas. Galing ito sa bayan at mukhang tapos na sila sa pagpapatrolya.

"Jonas," tawag ni Ka Dante. "May nakita ba kayong mga kahina-hinala sa bayan?" tanong nito sa kanya na para bang hindi mapakali.

"Wala naman, Ka Dante." Sagot nito. Tinignan ako ni Jonas at tumingin naman ito pabalik kay Ka Dante.

"May nangyari ba?" takang tanong ni Jonas.

Hindi nagsalita si Ka Dante. Napatingin ako sa kanyang kamao na handang-handa ng manuntok.

"Nasa panganib tayo, Jonas," sagot ni Tomas. "Naglabas ng impormasyon si Manuel sa mga militar kapalit ng pera."

"Ano?" hindi makapaniwalang sambit ni Jonas. Gulat na gulat ito sa ibinalita ni Tomas. "Iyang Manuel na 'yan. 'Yan ba ang recruit na tumiwalag kaagad?"

"Oo," sagot ko naman.

Dali-daling lumabas ng headquarters si Jonas at inagaw nito ang riple sa isa naming kasamahan na nagbabantay sa labas ng headquarters.

Lumabas kami pareho ni Tomas at sinundan si Jonas. Ramdam namin pareho ang namumuong tensyon dito sa loob ng kampo.

"Nasaan ang mga recruit?!" pasigaw na tanong ni Jonas.

Kaagad namang nagsilabasan ang iilang mga recruit sa loob ng kubo. Ang iilang mga nakatambay sa lilim ng puno ay lumapit patungo kay Jonas. Ang iba namang abala sa pagsasanay sa paggamit ng armas ay napatigil sa kanilang ginagawa.

Dahil sa takot ng mga recruit ay mabilisan silang humanay sa harapan ni Jonas.

"Sino ang gustong tumiwalag kaagad?!" galit na sigaw ni Jonas.

Walang may nagsalita sa mga recruit. Lahat ay tahimik.

"Ikaw!" singhal ni Jonas sa isang recruit na mukhang ka-edad ko lamang at tinutukan ito ng riple. "Hindi ka ba traydor?!"

"Hindi po, Ka Jonas!" mariing sagot ng recruit. Hindi ito makatingin sa mga mata ni Jonas. Dala na rin siguro ng takot.

"Sinungaling!" sigaw ni Jonas at binaril sa noo ang recruit.

Nagsigawan sa takot ang iba. Napasinghap naman si Tomas sa nakita. Lumabas si Ka Dante sa narinig. Napalunok ako nang makita ang pagbagsak ng bata sa lupa.

Kinasa ni Jonas ang riple. Nagpalit ito ng bala.

"Sino pa ang magsisinungaling?" tanong ulit ni Jonas.

Walang may sumagot sa kanila.

"Ikaw," sambit nito sabay tutok ng riple sa isang menor de edad. "Magsisinungaling ka ba na hindi ka traydor?"

Napailing-iling ang lalaking menor de edad. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang takot.

"Jonas!" tawag ni Ka Dante. Hinawakan siya nito sa balikat at kinuha ang hawak nitong riple. "Tama na."

Sa apatnapu't limang mga bagong miyembro ng kilusan dalawa sa kanila ang nalagas.

xxx

Abala sa pagsasaing si Martan habang si Marcus naman ang nagluluto ng ulam. Kasalukuyan naming pinag-uusapan ang mga naging nangyari ngayong araw. Lalong-lalo na ang pagkitil ng buhay ni Jonas sa isang recruit.

"Nasaan ba si Jonas?" tanong ni Martan kay Tomas.

"Ayun! Nando'n sa labas kasama si Alex. Panay hithit-buga ng sigarilyo." Sagot naman ni Tomas.

Natawa si Marcus. "Huwag na tayong magtaka. Pareho silang mahilig manigarilyo."

"Teka," sambit ni Martan. "Bago ko pa makalimutan may gagawin tayo bukas."

Napasandal naman ako sa may pinto. "Ano naman 'yon, Martan?"

"Alam mo na kung ano 'yon," nakangising sagot nito.

Napasimangot naman si Tomas. "Sabihin mo na lang kasi. Wala akong maintindihan."

Napabuntong hininga ako at napatingin nang matamlay kay Tomas. "May operasyon tayo bukas. Alam mo na siguro kung ano ang gagawin natin."

Napatango-tango naman si Tomas. "May tatambangan na naman tayo?"

"Oo," sagot ni Marcus at napaupo sa upuan. "Sabi ng matandang impormante natin na isang sibilyan, bukas ng madaling araw, dadaan sa may Villalobos Highway ang isang sasakyan ng mga militar, papunta raw sila ng bayan. Saktong-sakto dahil hindi matao ang lugar na dadaanan nila bukas. Mukhang suswertehin tayo sa gagawin natin."

"Yes! Tiba-tiba na naman!" magiliw na wika ni Tomas. "Makukuha na naman natin ang kanilang mga de kalibreng armas saka iilang mga gamit sa loob ng sasakyan."

"Saktong-sakto," wika ni Martan. "May itatapat tayo sa kanila sa araw na matunton na nila ang lugar na pinagtataguan natin."

Batang SundaloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon