Kung kagabi ay hindi mapakali si Tomas sa nararamdaman niya ngayong umaga naman ay mukhang taliwas naman ito. Parang malalim ang iniisip niya at mukhang pinapakiramdaman ang paligid. Ni hindi nga ito sumabay sa pagkain ng agahan kanina. Nag-aalala na nga sina Marcus at Martan sa kanya dahil ilang oras na itong tulala. Nakamasid sa kapatagan at parang kinakabahan.
"Asiong, kamusta na si Tomas?" tanong sa akin ni Martan.
Kanina pa ako nakasandal sa may puno habang pinagmamasdan si Tomas. Hindi ko ito nilapitan at kinausap dahil alam kong nais niyang mapag-isa.
"Ayos lang siguro," bulong ko.
Naramdaman ko ang pagbuntong hininga niya. Tumabi si Martan sa akin at humalukipkip ito.
"Kagabi pa ako nagtataka sa mga pinagsasasabi ni Tomas. Hindi lang 'yon, pakiramdam ko kinikilabutan ako sa mga salitang lumalabas sa bibig niya." Kwento naman nito sa akin.
Sang-ayon ako sa sinabi ni Martan. Kahit nakikinig lang ako sa mga sinasabi ni Tomas kagabi pakiramdam ko lahat ng balahibo ko sa katawan ay nagsitayuan. Totoo ngang nakakakilabot ang mga binitawang salita ni Tomas, ramdam na ramdam mo ang takot at pangamba sa kanyang bawat salita.
"May lahing manghuhula ba ang batang 'yan?" pabirong tanong ni Martan.
Natawa naman ako sa sinabi nito. Umiling-iling ako at sinagot siya ng wala. Sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan namin ni Tomas ngayon ko lang ito nakitang takot na takot.
"Siguro ay kailangan na lang muna natin siyang hayaang mapag-isa. Kailangan niya lang sigurong mag-isip kaya gano'n." Sabi ko naman kay Martan.
"Tama ka, Asiong." Sang-ayon nito. "Sa totoo lang kasi ay kagabi pa ako nag-aalala kay Tomas. Baka pagod lang siya kaya gano'n."
Tumango naman ako at pinagmasdan lang muna si Tomas mula sa kalayuan.
xxx
Tanghaling tapat na nang makabalik kami sa kubo. Gano'n pa rin si Tomas, tulala pa rin at nakamata sa kung saan. Tinanong ako ni Jonas ngunit sinabihan ko na lamang siya na kailangan lang ni Tomas magpahinga kaya gano'n.
Naging abala kami sa pag-aayos ng mga armas nang matanaw ni Alex si Marcus na nagtatatakbo patungo sa amin. Bigla akong kinutuban ng masama. May nangyari ba?
"Asiong! Jonas! Mga kasama!" sigaw ni Marcus sa amin. Biglang napatayo si Jonas sa kanya kinauupuan at hinawakan si Marcus sa magkabilang balikat.
"Anong nangyari?" kabadong tanong ni Jonas.
"M-Militar..." humahangos na sagot ni Martan. "Natunton na tayo ng mga militar! Kailangan na nating maghanda!"
Nagulat si Martan sa naging anunsyo ni Marcus. Malutong itong napamura at kaagad na dinampot ang baril na nakapatong sa lamesa. Naalarma na rin si Alex at agaran itong kumuha ng patalim saka patagong isinuksok sa kanyang tagiliran. Kinuha na rin nito ang riple na kani-kanina lang ay nilagyan niya ng bala. Si Tomas na kanina ay tulala at nagmistulang patay ay parang muling nabuhay.
BOOM!
Nagulantang kami nang makarinig kami ng malakas na pagsabog. Mabilisan akong sumilip sa may bintana at nakitang kong tinutupok na ng apoy ang isa sa mga kubo.
"Binobomba na nila tayo." Balita ko sa kanila.
"Tangina. Wala na tayong lusot." Inis na wika ni Martan.
BANG!
Tumagos ang bala sa dingding ng aming kubo. Buti na lang at walang napuruhan sa amin. Tinumba nina Martan at Jonas ang lamesa at doon na kami nagtago.
Nagkakagulo na rin ang iba pa naming mga kasamahan sa labas. Dinig na dinig nanim ang pagbomba at ang pamamaril na nanggagaling sa labas.
"Sinasabi ko na nga ba. Tama ang hinala ko. Nasa bingit na naman tayo ng kamatayan." Bulong ni Tomas na nakapwesto sa likuran ng pinto. Nakaagap ito sa kanyang riple at pasimpleng sumisilip sa labas.
"Kailangan nating makaalis dito," wika ni Jonas. "Mamamatay tayo kung mananatili tayo rito sa loob."
"Isa-isa tayong lalabas ng kubo." Sambit ko.
"Sino ang mauuna?" tanong ni Martan.
BANG!
Napaupo si Alex sa lupa.
"Tangina!" singhal nito habang nakahawak sa kanyang dumudugong braso. "Mabuti na lang at daplis lang."
Tinignan ako ni Jonas. "Kailangan na nating makaalis!"
"Tangina! Dalian niyo na!" natatarantang sigaw ni Martan.
Tinaas ni Marcus ang kanyang gitnang daliri kay Martan. "Gago! Mauuna na ako!" sigaw nito.
Unang lumabas si Marcus. Alam kong kabado siya kaya dinadaan na lamang niya sa pagmumura at pagsigaw ang kanyang takot. Pinauulanan na si Marcus ng bala sa labas, ramdam ko 'yon. Alam kong binabantayan lamang kami ng mga militar sa labas.
Sumunod si Martan kay Marcus. Pagkalabas nito ay kaagad itong pinaputukan at mabuti na lang na hindi ito tinamaan.
"Sumunod ka, Tomas," sabi ko sa kanya.
"Paano ka, Asiong?" Tanong naman nito sa akin.
"Hayaan mo na ako. Nandito naman sina Jonas at Alex." Mariin kong tugon sa kanya. Tumango naman si Tomas at mabilisang lumabas ng kubo. Nakipagpalitan na rin ito ng bala sa mga militar na nagpakaba sa akin.
Tangina mo, Tomas. Huwag kang mamamatay. Sabi ko sa isipan.
Ang sumunod na nakipagpatintero kay kamatayan ay si Alex. Sinabihan siya ni Jonas na magpakatatag at huwag magpadala sa takot. Pareho sila ni Tomas, ngayon lang nila naranasan ang ganitong mapait na sitwasyon.
"Tayo na lang ang nandito," wika ni Jonas. "Ikaw na ang sumunod."
Umiling ako. "Hindi, Jonas. Ako ang huling lalabas."
BANG!
Tumilapon na ang isang kaldero namin.
"Pero Asiong..."
"Ako ang pinuno ng grupo natin." Giit ko.
"Kaibigan kita, Asiong." Sambit naman ni Jonas at hinawakan ako sa balikat.
"Sa likuran mo lamang ako. Susunod kaagad ako sa'yo." Paninigurado ko.
Hinigpitan ni Jonas ang paghawak sa balikat ko.
"Huwag kang mamamatay." Malumanay na wika nito.
Tinapik-tapik ko naman siya sa balikat.
"Ikaw din, Jonas," sabi ko. "Huwag kang mamamatay."
"Makakaasa ka." Nakangiting sambit nito sa akin at kaagad nang lumabas ng kubo.
Lihim akong nanalangin sa itaas. Inalala ko ang aking namayapang magulang at kapatid. Sa ganitong sitwasyon din sila namatay.
Pinakiramdaman ko ang paligid. Nakarinig ako na parang may gumulong. Kinabahan ako kaagad kaya't mabilis ko itong hinanap. Napamura ako bigla sa sarili.
Tangina! Granada!
Dali-dali akong lumabas sa aking pinagtataguan. Wala na akong kawala.
-----
Note: Happy easter po sa inyong lahat! Ilang kabanata na lang ang natitira at magtatapos na ang kwento ng ating batang sundalo. Sana'y inyong antabayanan ang mga susunod pang kabanata. Maraming salamat! :)
BINABASA MO ANG
Batang Sundalo
AcciónIsang tipikal at ordinaryong bata lamang si Asiong Catapang. Isang batang mataas ang pangarap sa buhay at umaasang makakaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Ngunit, paano kung isang araw ay manakaw ang kanyang kamalayan at malason ang kanyang mur...