Chapter 9

968 44 2
                                    

"HI MOM!" NILAKIHAN NI KARINA ang pagkakaawang ng pintuan. Nagpasabi ang ina na bibisitahin siya nito. Gusto raw nitong makita kung saan siya nakatira.

"Hello, anak," hinalikan siya ng ina sa pisngi. Natigilan si Karina nang makita ang ama sa likuran nito.

"Hi Dad," lumapit din siya rito at humalik sa pisngi. "Tuloy po kayo."

"Nasaan ang kasama mo rito?" anang ina niya, nakapasok na ito sa loob ng bahay at iniikot ang paningin doon.

Pagpasok mula sa veranda ay bubungad na kaagad ang living room. Maliban sa sofa, may maliit na estante, coffee table at flat screen TV doon. Tanaw mula sa sala ang kusina. At dahil inaasahan na ni Karina ang pagdating ng ina ay nakapaghanda na siya ng pagkain. Nakapagluto na siya ng Pasta at Poached Salmon na natutunan niya sa culinary school.

"Nasa labas po. May bibilhin lang daw siya," pero alam ni Karina na paraan lang iyon ni Melody para mapag-isa sila.

Mabuti na lang at dinagdagan niya ang niluto. Ang alam niya ay ang ina lang ang magiging bisita. Pero ipinagpapasalamat na rin niyang naroon ang ama. Pagkakataon na niyang ipakita rito na hindi na siya nag-aaksaya ng oras ngayon.

"Maliit lang pala ang bahay ng kaibigan mo, bakit hindi ka pa umuwi sa bahay?" anang ama niya. Hanggang ngayon ay pinagmamasdan pa rin nito ang kabahayan.

Hindi naman talaga maliit ang unit. May dalawang kwarto iyon, may two car garage din. Pero kung ikukumpara sa bahay nila, maliit ngang talaga ito. At alam niya na ang standard ng ama kung malaki o maliit ang bahay ay ang malapalasyong bahay na ipinatayo nito para sa asawa.

"Daddy," saway ng Mommy niya.

"Dad, hindi po sa ayaw kong umuwi sa bahay, pero ngayon ko lang po naranasang maging independent at nag-eenjoy po ako. Marami akong natutuklasan sa sarili ko."

"Pwede ka namang kumuha ng sarili mong unit. Yung mas malaki kaysa rito. Kung tinanggap mo ang posisyon sa kompanya, may pera ka na sanang pambili ng property mo," bakas pa rin ang pagtutol sa mukha ng ama.

"May pera ako, Dad. May naipon po ako."

"Sa pagkanta? Magkano? Tiyak maliit lang. Kung sa kompanya ka natin nagtatrabaho, baka ang ipon mong iyan ilang buwan mo lang na sweldo."

Kinagat ni Karina ang dila. Hindi pa rin talaga sampalataya ang Daddy niya sa ginagawa niya ngayon. Pero ayaw ni Karina na mauwi na naman sila sa pagtatalo kaya hindi na siya sumagot.

"Pwede bang mamaya na natin ituloy ang usapan?" hinawakan ng mommy niya ang braso ng daddy niya, binigyan ito ng nagbababalang tingin bago lumingon kay Karina. "Excited na akong matikman ang niluto mo para sa amin, anak."

Hinawakan siya nito sa kamay at pinisil iyon. Nginitian ni Karina ang ina, "Dito na po tayo sa dining table."
Nakahanda na roon ang mga niluto niya. Dinagdagan na lang niya ng isa pang plato at inilabas ang lemonade na ginawa kanina.

"Mukhang masarap itong inihanda mo, anak," anang mommy niya. Ito na rin ang nanguna sa pagdarasal.

Tahimik silang kumain. Nakikiramdam pa rin siya sa ama. Muli nitong ipinahiwatig ang pagtutol sa pagkanta niya, at hindi niya alam kung ano ba ang totoong saloobin nito sa pagpasok niya sa culinary school. Tuwing magkausap silang mag-ina sa telepono ay hindi niya itinatanong iyon. Hindi rin naman kusang sinasabi ng mommy niya.

"Masarap, anak. Namana mo ang talento ng Lola Katarina mo sa pagluluto," anang mommy niya. Pero kung nakangiti ang ina, ang ama niya ay nanatiling seryoso. "Kumuha pa ako ng tagaluto, sa loob pala ng bahay natin may roon nang magaling magluto."

Ngumiti si Karina, "Salamat, Mommy."

Ang tahimik na pagkain nila ay naabala ng mga katok sa pintuan. Matapos mag-excuse ay tumayo siya at binuksan iyon. 

The Rightful Mr. Right (PUBLISHED @ EBookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon