Chapter 18

2.1K 70 15
                                    


"HINDI KO INAKALANG MAHILIG KA RIN SA BASKETBALL," ani Karina, papunta sila sa MOA Arena. Plano nilang manood ng basketball game nina Carlos. Si Jeremy ang magyaya sa kanya na manood nang makita nito ang ticket sa bag niya. Ibinigay iyon ng kuya niya sa kanya. Galing daw ang mga ticket kay Carlos.

"Not really, Love. Mas mahilig ako sa soccer kaysa sa basketball. Mas gusto ko yung pisikal, sipaan, banggaan," anito, ngumiti sa kanya.

Alam niya iyon, pero once a month na lang nakakapaglaro ng soccer ang binata ngayon dahil sa dami ng trabaho sa mga negosyo. Naisama na rin siya noon ng binata sa paglalaro, at habang naglalaro si Jeremy ay ninenerbiyos siya. Natakot siyang baka mabalian ito. Pero natural lang daw na pisikal ang larong iyon.

Naipakita na rin sa kanya ng mommy ni Jeremy ang photo album nito noong bata pa. Isinama siya ni Jeremy sa Bohol noong nakaraang linggo para ipakilala sa pamilya nito. Una na niyang nakilala ang ama ni Jeremy nang minsang nagkaroon ng meeting sa Maynila. Pero ang ina at kapatid nito ay nakabase sa Bohol kaya hindi pa niya nakikilala.

Napangiti si Karina, "Bakit ikaw pa ang nagyayang manuod ng basketball? Gusto mong kasama kita? Why? Nag-aalala ka na masyado akong humanga kay Carlos? Selos ka?"

Sa ilang buwang relasyon nila ay hindi pa niya nakitang magselos man lang si Jeremy. Kahit may mga lalaking nagpapakita ng interes sa kanya, hindi man lang nagpapakita ng pagkabahala ang lalaki. Minsan ay tinanong niya ito kung bakit hindi ito nagseselos man lang. Ang sagot nito, "Wala naman akong dapat pagselosan."

Samantalang siya, naiinis sa tuwing may mga babaing nagpapacute dito. Iniiwasan niyang magpakita ng selos pero lagi pa ring nahahalata ni Jeremy sa tuwing nagseselos siya. Lagi naman siya nitong nilalambing. Wala raw siyang dapat ipagselos dahil siya lang ang mahal nito.

At ramdan naman niya iyon.
Maliban sa pagiging polite ay hindi ito nagpapakita ng interes sa mga babaing iyon.

"Bakit ako magseselos?" anito, nakahanap na ito ng slot na pagpaparadahan nila.

"Dahil ex-boyfriend ko ang papanuorin natin. You know, baka ma-impress na naman ako sa kanya," pinaseryoso niya ang mukha, pinag-aaralan niya ang reaksyon ni Jeremy.

"At anong dapat kong ipagselos doon?"

"Wala ka talagang nararamdamang selos?" napakunot-noo si Karina.

"Wala naman akong nakikitang dapat kong ipagselos. Sure, alam kong may nakaraan kayo, hindi ko na iyon maaalis at mababago. At kaya nagkaroon kayo ng nakaraan dahil na-impress ka sa kanya dati. Pero hindi ko naman dapat pagselosan yung tao dahil doon. Ako na ang fiance mo ngayon, ibig sabihin mas na-impress ka sa akin," anito, halata ang kompiyansa sa sarili sa lapad ng pagkakangiti.

Napangiti siya. Napahanga siyang lalo ni Jeremy. Bago sila pumunta sa Bohol ay hindi niya alam na pumunta ito sa kanila at nagpaalam sa mga magulang niya. Hiningi nito ang blessing ng mga magulang niya bago ito nagpropose habang kumakanta sa isang gig nito.

Pero gusto pa rin niya itong subukan, "Baka naman kaya hindi ka nagseselos ngayon kasi kasama kita? Eh paano kung ako lang mag-isa at hindi kita isinama?"

Matapos maiparada ang kotse ay humarap sa kanya si Jeremy, nginitian lang siya ulit, "Hindi pa rin, Love. May tiwala ako sa iyon. Kung gusto mo siyang panoorin at nagkataong hindi ako pwede, okay lang na manuod kang mag-isa. Walang kaso sa akin."

"Papayagan mo ako?" napakunot-noo siya.

"Alam mo naman na hindi mo kailangang laging humingi ng approval ko. You just have to let me know. I trust you and I trust our relationship. Importante ang together time natin pero importante rin ang alone time nating dalawa. May set of friends ka, may set of friends ako. Kung may lakad ka o gagawing mag-isa, okay lang sa akin. Basta ipaalam mo lang."

Noong una ay nanibago siya sa rule na iyon sa kanila ni Jeremy. Kapag nahingi siya ng approval sa mga pupuntahan niya ay sinasagot ng lalaki na makakapunta siya kung saan niya gusto. Hindi to nagdedamand ng oras nang alis at dating niya sa bahay. Ang sinasabi lang nito ay ipaalam niya kapag nakarating na siya sa pupuntahan at kapag nakauwi na siya.

"Really, hindi ka magdedemand na sumama sa akin?"

Isa pa iyon sa ugali ng binata na ipinagtaka niya noong una, hindi ito nagdedemand na sumama kahit hindi nito kilala ang kasama niya.

"Kung gusto mong sumama ako, tiyak sasabihin mo," mabilis siya nitong hinalikan sa labi. "Relationship is give and take, Karina. Love, communication and trust go hand and hand. Kapag ang isa sa kanila ay nawala, mahihirapan na tayong iayos ang lahat. Hindi kita rerendahan, Love. Mahal kita. I vow to respect and understand you. I will help you every step of the way. I will help in every way I can. That's my promise to your parents. I love the woman in front of me, and I vow to love the woman that you will become."

Namasa ang mga mata ni Karina, "And I will do my best to be the very best version of me. I'll do all that I can to be the right woman for you."

"You are the right woman for me, Love," anito hinawakan siya sa baba, nasa mga mata nito ang pagsuyo.
Hinalikan muna nito ang tungki ng ilong niya bago pinaglapat ang kanilang mga labi. Yumapos siya sa batok ng binata at gumanti sa halik nito.

Ngayon nauunawaan na niya ang sinasabi nilang 'be the person you wish to marry'. Nagpaikot-ikot lang siya sa paghahanap ng Mr. Right pero ang unang dapat niyang ginawa ay gawing Ms. Right ang sarili.

Hindi pa siya kasing tolerant ni Jeremy pero papunta na siya roon. Alam niya dahil hindi na niya pinagseselosan si Bambie. Well, hindi naman talaga si Bambie ang pinagseselosan niya dahil wala namang indikasyon na may espesyal pang pagtingin ang dalawa sa isa't isa. Ang pinagseselosan niya ay ang isiping minsang naging espesyal ito sa binata.

Pero dahil sa sinabi ni Jeremy ay narealize niyang hindi na niya mababago ang nakaraan. Pero hindi siya dapat makulong doon. Gagayahin niya ang sinabi ni Jeremy. Siya na ang fiancee nito ngayon, ibig sabihin, mas na-impress ang binata sa kanya. Well, hindi lang basta na-impress, inlove na inlove ito sa kanya.

May ngiti sa mga labi, magkahawak ang kamay silang pumasok sa loob ng arena. Nag-uumpisa na ang laro nang pumasok sila. Pero napakunod ang noo ni Karina nang makitang parang pamilyar sa kanya ang isa sa mga babaing nakaupo sa likuran ng bench ng mga player.

Si Beth.

Lumapad ang ngiti ni Karina. Mukhang hindi lang siya ang nakatagpo ng "the right one."

Wakas

🎉 Tapos mo nang basahin ang The Rightful Mr. Right (PUBLISHED @ EBookware) 🎉
The Rightful Mr. Right (PUBLISHED @ EBookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon