Isang Paanyaya Para Maging Lingkod Ng Diyos

138 3 0
                                    

(Sipi mula sa Pasugo)

Ang mundo sa kabuuan, ay larawan ng isang malungkot at nakalulunos na trahedya—makikita rito sa araw-araw ang kahapisan, poot, pagdurusa, kaguluhan, karamdaman, at kamatayan sa iba’t-ibang di-mailarawang paraan. At walang ibang maaaring sisihin ang tao sa mga pangyayaring ito kundi ang kaniyang sarili.

Ipinahayag ng propetang si Isaias: “Ang lupain ay nagdurusa dahil sa kasalanan ng mga naninirahan dito. Ang daigdig ay natutuyo, ang mga pananim ay nalalanta… Ang lupain ay dinumhan ng krimen; binaluktot ng mga tao ang batas ng Diyos at sinira ang Kaniyang walang hanggang mga utos. Kaya naman ang sumpa ng Diyos ay sumasa kanila” (Isa. 24:4-6, Living Bible, isinalin sa Filipino).

Tunay nga, sinira ng tao ang mga banal na kautusan ng Diyos kaya siya naman ay tinakdaan ng hatol na kamatayan (Rom. 5:12) na itinaan sa Araw ng Paghuhukom (Apoc. 21:8), maliban na lamang kung matamo niya ang pagpapatawad ng Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig. Kaya, upang ang tao ay makaligtas sa mabigat na parusa dahil sa kaniyang kasalanan, buong pagkahabag na nagpanukala ang Diyos ng paraan para ang tao’y mapatawad nang ayon sa itinuturo ng ebanghelyo.

Bagama’t totoong hindi nakalulugod sa Diyos ang kapalaluan, kahalayan, pagmamataas, at kahambugan ng tao, makikita pa rin ang Kaniyang habag nang Kaniyang isugo ang Kaniyang Anak (Gawa 4:10-12) upang maging pampalubag-loob sa kasalanan ng tao—na pumayag na mamatay sa krus upang matupad ang kalooban ng Diyos—na siyang nagbibigay ng pagkakataon sa mga makasalanan upang muling makasundo ng Diyos.

Kaya, ano ang paanyaya ng Tagapaglitas sa lahat ng tao upang makabahagi sa dakilang habag na ito ng Diyos? Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesucristo. “Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan… Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa” (Juan 10:9, 7).

Ang paanyaya ng Tagapagligtas ay malinaw at magiliw: “pumasok sa Akin.” Pansinin din ang paanyaya ay para sa “sinoman” o kaninuman, na ang kahuluga’y para sa lahat—anumang nasyonalidad, kulay ng balat, kalagayan sa lipunan o antas ng pinag-aralan. Tiyak din ang pangako sa tutugon: “siya’y maliligtas.”

Hindi magagawa ng sinuman na literal na “pumasok kay Cristo yamang Siya ay nasa langit na at nakaupo sa kanan ng Diyos (Awit 80:17). Ang pagtugon sa panawagang ito ni Cristo ay sa pamamagitan ng pagsangkap o pag-anib sa Kaniyang katawan na ito nga ay ang Iglesia (Col. 1:18), na ang pangalan ay Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation). Ang nakatugon sa Kaniyang panawagang ito na umanib sa Iglesia ni Cristo ang tunay na nakinabang sa Kaniyang kamatayan.

Tandaan na ang pagkabuhos ng dugo ang kahayagan na ang parusang nakalaan para sa kasalanan ay nabayaran na; isang buhay ang isinakripisyo alang-alang sa buhay ng mga makasalanan bilang pagtugon sa paraang itinakda ng Diyos upang mapawalang-sala ang tao. Walang kapangyarihan ni karapatan ang tao na baguhin ang itinuturo ng Biblia ukol sa paraan ng pagtatamo ng kaligtasan.

Subalit bakit sa Iglesia ni Cristo dapat umanib ang tao upang maligtas? Ayon sa talinghaga ng Panginoong Jesucristo, sa ano itinulad ang kaharian ng langit o ang Iglesia ni Cristo? Ganito ang isinasaad ng talinghaga: “At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi, Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake, At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila’y ayaw magsidalo” (Mat. 22:1-3).

Ang kaharian ng langit ay inihalintulad sa isang hari na naghanda ng magarbong piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalake. Hindi matututulang ang tinutukoy na Anak ay ang Panginoong Jesucristo. Nakalulungkot, subalit may binabanggit din ang talinghaga na mga taong walang interes na tugunin ang paanyaya. Maraming panauhin ang inanyayahan—nagsugo pa nga ng mga alipin ang hari upang sabihan ang mga inanyayahan na panahon na para dumalo sa piging—subalit lahat sila ay nagsitanggi.

Basa- basa din Kapag May time :)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon