Prologue: Ang Kwento ni Ford

5.8K 167 16
                                    

-Ford-

Isinilang akong walang kinilalang ama. Bunga ako ng pagiging disgrasyada ni Inay noong siya ay dalaga pa. Nagtatrabaho raw siya noon sa isang club sa Subic bilang mang-aawit. Sa panahong iyon, maraming turistang dayuhan ang nagagawi roon at iyon ang kadalasang parokyano sa club na pinapasukan niya.

May pinagpalang boses si Inay. Bukod doon, taglay niya ang gandang Pilipina na kinahuhumalingan ng mga lalaki sa loob at labas ng club. Maraming gustong makipag-table sa kanya. Subalit hindi naman siya G.R.O sa club na iyon kung kaya't wala siyang ni isang pinagbigyan kahit pa ang mismong manager na niya ang nakiusap na pagbigyan na lang ang mga dayuhang iyon dahil tiyak na may malaking perang maiuuwi siya sa kanyang pamilya.

Kahit maprinsipyo si Inay, nagawa rin niyang pagbigyan ang hiling ng kanyang amo at baka ipatanggal siya nito sa trabaho. Sayang din kasi ang malaking kumisyon na ibinibigay sa kanya. Tatlong daang piso ang bawat gabi niya. Sa panahong iyon ng dekada 90, malayo na ang nararating ng tatlong daang piso. Makakabili na siya nito ng limang kilo ng bigas, ulam at gamot na maintainace ni Lolo. At iyong maiiwan ay iniipon niya.

Mga grupo ng mga Amerikanong marino ang unang napagbigyan niya. At doon niya nakilala ang aking ama na isang Brazilian-American na miyembro ng US Marine. Halatang patay na patay sa kanya ang marinong iyon ngunit hindi niya hinayaan na mapormahan siya nito. May kasintahan na kasi si Inay sa panahong iyon at mahal na mahal niya. Iyong pakikipagtable niya sa mga marino ay dala lamang sa udyok ng kanyang amo at pakonswelo narin sa pagiging kustomer ng mga ito hindi ng kung ano paman.

Ngunit ang hindi alam ni Inay, may masamang binabalak ang isa sa mga marino sa kanya. Iyong may lahing Latino na patay na patay sa kanya.

Madaling araw na iyon habang papauwi si Inay sa kanilang bahay nang hinarang siya ng isang pick-up. Sapilitan siyang pinasakay rito at dinala sa masukal na bahagi ng Subic. Namukhaan niya ang mga iyon. Iyon iyong mga dayuhang marino. Kahit malalakas ang mga ito ay pinilit niya pa ring manglaban. Ngunit sa laki ng mga bulas nito at mga lalaki pa, wala rin siyang nagawa kundi ang umiyak na lamang at magpaubaya.

Binusalan ang kanyang bibig para hindi siya makasigaw. May dalawang lalaking humawak sa mga kamay niya habang pinahiga siya sa damuhan. At iyong Brazilian-American ang namukhaan niyang lumapastangan sa kanya. Tuwang-tuwa pa raw ito nang mapag-alamang virgin pa si Inay at siya ang unang nakadonselya nito. Nang matapos ay hinambalos siya nito ng pera sa mukha bilang kabayaran sa sapilitang pagamit sa kanya. Nagtatawanan pa ang mga ito na iniwan siya sa damuhan.

Hindi nagawang magreport ni Inay sa pulisya gawa ng sobrang takot na baka balikan siya ng mga ito at patayin kasama ng pamilya niya. Nagresign na lamang siya sa trabaho para makaiwas. Kahit nakakababa ng puri, pinuhonan niya sa isang maliit na negosyo sa palengke ang perang iniwan sa kanya ng marinong na nagwalang-hiya sa kanya dahil wala rin naman siyang ibang mapagpipilian. Kailangan niyang lunukin ang pride para matustusan ang mga pangangailangan nila sa araw-araw.

Nanatiling lihim sa lahat ang nangyari sa kanya lalo na sa kanyang kasintahan ng panahong iyon. Ngunit ng lumubo ang kanyang tiyan ay hindi na niya iyon nakayang itago pa.

Ipinagtapat niya sa kanyang nobyo ang nangyaring panggagahasa sa kanya ngunit naging dahilan iyon para pandirihan siya nito at iwanan. Hindi na ito nagpakita pa sa kanya at nabalitaan na lamang niya isang araw na ikinasal na ito sa ibang babae. Halos mawalan ng katinuan si Inay sa sobrang sakit na kanyang dinanas. Sabi ni Lola, tinangka pa raw niya akong ipalaglag ngunit napigil niya ito sa balak gawin. Kaya hayun, naisilang ako. Walang ama. Kinamumuhian pa ako ng sarili kong ina.

Hindi naging madali ang buhay ko sa piling ni Inay. Lahat ng galit niya sa mundo sa akin niya naibunton. Ako ang sinisisi niya sa lahat ng kamalasan niya sa buhay. Isa na roon ang pang-iwan sa kanya ng lalaking pinakamamahal niya. Ni kailanman hindi ko nararamdaman ang pagiging ina niya sa akin. Naiingit ako sa mga kalaro ko kapag tinatawag silang "Anak" ng kanilang mga magulang.

Till My Last Breath (BXB On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon