#41
"Malay mo."
"Hanggang kailan ka magkakasya sa 'malay mo?'"
(2016)
#42
"Hindi ko kasi maintindihan, e."
"Isang araw, maiintindihan mo rin ako. Isang araw, maiintindihan mo rin kung bakit hindi ako."
(2016)
#43
"Akala namin hindi ka na babalik."
"Pasensya na po kung natagalan ang pagbalik ko. S-siguro, dahil natatakot akong mawasak muli kapag nasalubong ang mga alaala ng dating pag-ibig ko kung saan mismo naganap ang mga ito."
(2015)
#44
"Nakakapagod."
"Sinasabi mo lang naman na napapagod ka dahil hindi ka masaya."
(2016)
#45
"Mukhang naging maayos ka naman, parang hindi naapektuhan ng aking paglisan."
"Noong ako ay iyong iwanan, nakapagsulat ako ng napakaraming tula tungkol sa kalungkutan. Araw-araw akong nagsulat. Hanggang sa paunti-unti ay iwanan ako ng mga kataga. Hanggang sa napagtanto ko na, katulad mo, iniwan na rin pala ako ng pagmamahal ko sa iyo."
(2016)
#46
"Akala ko hindi mo pa alam."
"Hindi naman dahil wala kang reaksyon ay wala kang alam. Minsan, wala ka lang talagang pakialam."
(2013)
#47
"Sa kabila ng lahat ay nananatili pa rin ako sa kanya, binibigyan siya palagi ng pagkakataong itama ang pagkakamali niya kahit pa inuulit-ulit niya naman. Siguro dahil para ko na siyang bahay, sa kanya lamang ako nakararamdam ng kapanatagan."
"Ngunit kaya ka rin ilagay sa kapahamakan ng sarili mong bahay. Minsan kasalanan mo. Halimbawa, hindi mo naikandado ang pinto kaya ka nanakawan o kaya tinipid mo ang materyales kaya gumuho. Pero minsan hindi. Halimbawa, nabutas ang bubong kaya tinutuluan na kayo kapag umuulan o kaya inanay ang haligi nito o sadyang may pursigido lang na sirain ang kandado nito kaya nawala sa iyo ang mga bagay na pinahahalagahan ninyo."
(2016)
#48
"Alam kong kasalanan ko pero nalulungkot lang talaga ako na kinailangang matapos ng lahat sa atin."
"Nalulungkot ka ba na natapos ang lahat sa atin o sadyang hindi mo ikinatutuwa na nagsimulang muli ang buhay ko sa pagtatapos na iyon habang iyon na ang naging dulo ng sa iyo?"
(2016)
#49
"Akala ko tapos na siya sa kanya?"
"Sabi niya lang iyon. Hanggang ngayon, siya pa rin pala ang dahilan ng pagtatalik ng pluma at papel niya tuwing alas tres ng umaga. Siya pa rin ang dahilan kung bakit hindi siya makatulog sa mga gabing sinisisi niya ang insomya. At siya pa rin ang dahilan kung kaya siya bumabangon tuwing umaga – hindi ako o ang kahit sino sa kasalukuyan niya – dahil bawat panibagong araw ay pag-asa raw ng pagbabalik ng kaisa-isang inibig niya. Marahil ay hindi niya talaga ako mapapansin kailanman."
(2016)
#50
"Sayang, nagpaalam ka na."
"Sayang, gumawa ka ng mga dahilan para mapilitan akong magpaalam."
(2016)
© Charina Clarisse Echaluce
(Ang pagkopya ng anumang bahagi ng akdang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas. #PlagiarismIsACrime #PlagiaristsAreNotHeroes)
YOU ARE READING
The Yalogo
RandomAng "The Yalogo" ni Charina Clarisse Echaluce ay lumalabas sa kanyang Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page. "The Yalogo", mula sa salitang "dayalogo" o "dialogue". --- Book cover by Mark James Estonilo