HINDI mapakali si Zardou nang lisanin ang bahay ni Azenith. Nababagabag siya dahil sa mga binitiwan niyang salita. Hindi man intensiyong sabihin ang mga iyon pero nakita, nabasa niya sa mga mata ni Azenith kung paano iyon lumatay sa puso nito.
Walang dudang nasaktan si Azenith sa mga sinabi niya. At ganoon din siya, nasasaktan siya.
Nalilito na siya kung ano ba talaga ang gusto niyang mangyari. Noong araw na magkita sila sa bahay ni Lawrence, hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Kumilos kaagad siya upang masagot ang maraming katanungang naipon sa kanyang isip.
At sa pamamagitan nga ng kaibigan ni Zardou, madali siyang nakakuha ng mga impormasyon kagaya ng kung saan konektado o nagtatrabaho si Azenith. May natuklasan pa siyang nagpatindi lalo sa kanyang kuryusidad. Sa nakalipas na mahigit tatlong taon ay hindi pala ito umalis ng bansa at walang naging asawa gayong nagkaroon ng anak. Dahil doon ay may umahong hinala sa kanyang dibdib.
Nang komprontahin ni Zardou si Azenith, lalong tumibay ang hinalang anak niya nga si Lian. Unang kita pa lang niya sa bata ay may kakaiba na siyang naramdaman para dito. Iyon nga yata ang tinatawag nilang lukso ng dugo.
Gayunpaman, pilit pa ring itinatanggi sa kanya ni Azenith ang tungkol sa totoong pagkatao ng bata kaya naman determinado siyang mapalitaw ang katotohanan. Nais niyang ipamukha sa dating nobya na may karapatan din siya kay Lian.
Ngunit hindi maalis sa isip niya ang pagsusumamo ni Azenith, humihingi ng katahimikan. Nais daw nitong maging normal ang pamilyang kalalakihan ng anak nito. At ang naiisip nitong solusyon ay ang magpakasal sa nobyo.
Hindi niya matatanggap na ibang lalaki ang kikilalaning ama ng kanyang anak. Kung kinakailangang iparating sa korte ang usapin ay hindi siya magdadalawang-isip na gawin iyon.
Ngunit ano ba talaga ang habol niya?
Si Lian nga lang ba?
Damn!
Naroroon si Zardou sa pribadong silid ng kanyang ama sa ospital. Tulog na tulog ito nang lapitan niya kaninang dumating siya. Maging ang kanyang kapatid ay mahimbing din ang tulog sa couch.
Tahimik siyang nag-isip sa receiving area. Sa mga susunod na araw ay maaari na nilang iuwi ang kanyang ama. Sa bahay ng kanyang tita sa Alabang muna nila iuuwi ang ama para makapagpahinga pa kahit ilang araw bago bumiyahe nang malayo.
Alam ng nakatatandang kapatid niya ang kinakaharap niyang dilemma. Pinayuhan siya nito na alukin ng kasal si Azenith. Pero paano niya gagawin iyon kung committed na si Azenith sa ibang lalaki?
Minsan na siyang nakagawa ng malaking pagkakamali—noong hayaan niya itong umalis. Oo nga at naging mababaw ang pang-unawa niya nang mga panahong iyon. Hindi niya ito sinuportahan samantalang ang hangad lang nito ay umangat ang kalagayan sa buhay.
Maaaring wala siya sa katwiran nang sabihin kay Azenith na ibabaling niya ang atensiyon kay Eliza. Pero batid ng Diyos na wala lang siyang maisip noon na paraan upang pigilan ang nobya.
Sinubukan niyang alukin si Azenith ng kasal pero tumanggi ito. Masyado pa raw maaga para sa ganoong bagay. Napahiya siya. Nasaktan. Labis na nagdamdam. Gayunpaman, pilit na inunawa ang nobya, inisip niyang baka nga hindi pa handa si Azenith sa mabigat na responsibilidad.
Kaya naman naisip niyang solusyon ay alukin ang nobya ng malaking puhunan upang makapagtayo ito ng negosyo. Subalit hindi rin iyon tinanggap ni Azenith. Mas lalo raw itong mawawalan ng dignidad kapag tinanggap ang iniaalok niyang pera.
Gulung-gulo ang isip niya nang mga panahong iyon, kaya kahit labag sa kalooban niyang hindi magpakita rito nang araw na umalis ito ng bayan nila ay nagawa niyang tiisin ang nobya.
BINABASA MO ANG
THE STORY OF US 2: AZENITH & ZARDOU (published under PHR1847)
RomanceAng akala ni Azenith ay tahimik na ang mundo niya. Sa kabila ng mga nangyari sa kanya ay maraming oportunidad ang kumatok sa pinto niya. Subalit nang makarating sa kanya ang balita na nasa Maynila rin si Zardou-- ang lalaking pinakaiiwasan niya -- a...