"Mundo"

68 0 1
                                    

"Mundo"

by: @simply_author


Hilaga.

Silangan.

Timog.

Kanluran.

Saang parte ka ba ng mundo nabibilang?

Saan sa apat na sulok ng mundo ba kita matatagpuan?

Hindi kasi kita makita't maramdaman.

Hindi magkatagpo ang landas natin kahit iisang mundo lang naman ang ating ginagalawan.


Dati ikaw ang kaharap ko.

Ikaw ang mundo ko.

Ikaw lang ang nakikita ko.

Pero simula ng gumalaw ka, gumalaw din ako.

Simula ng makita mo ang ibang kulay ng mundo unti-unti kang nagbago at lumayo.

Umikot ka at ganu'n din ako.

Nakita ko rin kung anong nakita mo.

Natutunan ko ring malawak pala ang mundo at hindi lang ikaw ang bumubuo nito.


Dumating sila.

Dumating siya.

Nakilala mo siya.

Nakilala ko sila.

Ang dating kulay pula lang ngayon bahaghari na.

Ang dating tuwid na paningin ngayon lumiliko-liko na.

Dati masaya lang ako.

Ngayon nalulungkot, nagagalit, nagsisinungaling, nagkakasala na rin ako.

Ang dating kurbang pataas sa labi ko ngayon pababa nang dahil sa'yo.


Nasaan ka na ba?

Bakit hindi na kita makita?

Hindi ko na makita 'yung dating taong dahilan at nagdudulot sa'kin ng kaligayahang hindi ko makita sa iba.

Kahit bakas ng anino mo wala na, wala na, wala na kong makita.

Mata ko ba ang mali o sadyang wala ka na talaga?

Ramdam mo ba?

Nararamdaman mo pa ba 'yung dating mabilis na pagtibok ng puso mo kapag nakikita mo ako o baka hindi na dahil wala na nga ako.

Wala na ako sa paningin mo.

Hindi na ako ang nakikita mo.

Hindi na ako ang mundo mo.


May iba ka na ba?

May iba ka na bang kaharap at kinikilalang bagong mundo?

Sabihin mo para makahanap na rin ako.

Sabihin mo para makalakad na ako palayo sa'yo, palayo sa dati kong mundo.

Kahit masakit tatanggapin ko dahil para sa'kin naman ang gagawin ko at hindi para sa'yo.

Hindi na magiging para sa'yo, hetong puso kong tinalikuran mo.


Nakatalikod ka sa akin at ganu'n din ako.

Tinamad na tayong umikot pabalik para magkaharap ulit tayo.

Tinamad ng umikot at ulitin ulit ang paulit-ulit na takbo at senaryo.

Nakakatamad na.

Nakakapagod na.

Pero bakit nandito pa rin tayo?

Bakit hindi ka lumalayo at bumitaw sa pagkakahawak mo?

Gusto mo pa ba?

Gusto mo pa ba o natatakot ka lang bitawan ako dahil natatakot kang mauna akong makalimot at bumuo ng sarili kong mundo?

Sabihin mo.

Makikinig ako.

Huwag kang matakot na baka magalit ako.

Tatanggapin ko ng buong-buo.

Kung gusto mong lumayo, bibitaw ako.

Simulan mo nang humakbang palayo.

At huwag kang mag-alala dahil handa akong maghintay sa pagbalik mo kahit hindi ako sigurado.

Tatayo lang ako dito habang nakatalikod sa'yo.

Maghihintay sa isang pursyentong pagbabalik mo.


Oo, maghihintay ako.

Kahit malabo, magsasalamin ako para sa'yo.

Dahil alam ko at napagtanto ko.

Kaya siguro hindi tayo magkatagpo.

Kaya siguro hindi kita makita sa sulok ng mundo kasi wala naman talagang sulok ang mundo.

Bilog ang mundo at walang apat na kanto ang meron dito.

Kapag naglakad ka, mananatili ako.

Kapag umikot ka, dito pa rin ako.

Kapag umalis ka at iwan ako, maghihintay pa rin ako.

Dahil alam ko sa dulo ng paghahanap at paglalakbay mo.

Muli tayong magtatagpo.

At makikita mo ulit ang mundong minsang tinalikuran mo.





"Mundo"

By: @simply_author


You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 06, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ako At Ang Aking Mga Salita {Spoken Word Poetry}Where stories live. Discover now