Kumain ako ng marami nang umuwi ako ng bahay. Alam ko kailangan ko ng matinding resistensya kung magdo-donate ako ng dugo. Dapat din ay hindi ako pagod oh puyat. Mas pinili ko nalang dumeretso sa bahay at magpahinga kesa puntahan ang buong barkada. Alam narin naman siguro nila ang sitwasyon ko ngayon. Sana naiintindihan nila ako sa gagawin ko.
"Ayos ka lang ba Froylan?" Tanong ni mama nang mapansin niyang matamlay ako matapos maghugas ng pinagkainan.
"A-ah ok lang naman po ma. Walang problema." Sabi ko. Nagpunas ako ng kamay at papasok na sana ng kwarto ko.
"Tumawag si Camille kanina, nakauwi na pala siya ano? At nasa ospital pala siya." Napatigil ako nang marinig ko iyon. Napatingin ako kay mama.
"Malubha na pala siya. Kinakamusta nya pa ako pero siya na pala itong may sakit. Bakit hindi mo sinabi saakin?" Tanong ni mama. Napailing na lang ako ng bahagya at pumasok sa kwarto ko.
"May taning na ang buhay niya. Anong balak mong gawin?" Pahabol na tanong ni mama. Pati pala iyon ay alam niya rin. Isasara ko na sana ang pinto ng kwarto ko pero agad akong kinapitan ni mama sa balikat.
"Roy? Alam kong mabigat yang dinadala mo. Sana kaya mo."
"K-kakayanin ko ma. Gagawin ko ang lahat, para sakanya. Para maging masaya siya sa huling pagkakataon." Sabi ko nalang. Tumulo na noon ang luha sa kaliwa kong mata. Tumalikod ako at isinara ang pinto. Si mama naman ay naiwan sa labas na malungkot lamang ang ekspresyon. Umupo ako sa kama ko at bumuntong hininga. Itinaas ko ang mga paa ko at niyakap ko ang binti ko. Napapikit na lang ako habang umiiling-iling. Ayoko sana mangyari ang bagay na iyon. Ang pagkawala ni Camille. Ayokong mangyari. Pero eto na lang ang magagawa ko sa ngayon.
Ginising ako ng sinag ng araw mula sa bintana ng aking kwarto. Tumunog narin ang alarm ko noon ng alas nuwebe ng umaga. Sa ngayon ay papasok muna ako, sa isang araw na pag-absent ko alam ko marami akong namiss. Nag-asikaso ako at kumain at sa unang pagkakataon ay uminom ako ng vitamins na binili ko kagabi. Kailangang pumasa ako sa mga tests kung gusto kong tulungan si Camille.
Nang makarating ako sa school ay nakita ko nanaman ang relo na nakasabit sa pader. Hindi na umaandar ang relo na iyon na kailan lang ay ikinabit ng janitor. Napansin ko na nakatigil ang oras ng relong iyon sa 10:20. Naalala ko bigla ang nangyari dati. Nung 10:30 pa ang pasok ko at kaklase ko si Camille. Bakit kaya hindi na umaandar ang relong iyon? Lalong bumigat ang pakiramdam ko, sinusumpong nanaman ako at napaluha na lang habang nakatingin sa relong iyon. Pinunasan ko na lang ng daliri ko ang luhang pumatak saaking pisngi. Naglakad na ako patungo sa hagdan. Umakyat ako ng 4th floor at sa dulo noon ay nakita ko si April. Nakatigil lang siya sa harap ng pinto nila nang makita ako. Malungkot ang muka niya habang nakatingin saakin. Parehas kaming nakatigil sa harap ng pintuan ng kanya-kanya naming kwarto. Parehas mabigat ang aura namin. Yumuko siya matapos niya akong tingnan ng ilang segundo at saka pumasok sa kwarto niya. Pumasok na ako sa classroom namin nang makita kong wala na siya. Umupo ako sa hulihang bahagi ng classroom na iyon. Tiningnan naman ako ng mga kaklase ko. Mabigat din ang aura nilang lahat habang nakasulyap saakin. Marahil ay nasabi narin ni sir Vera ang lahat sa mga kaklase ko noong kinausap niya ako.
"Kaya mo yan bro." Tinapik naman ako ni Tony sa balikat sabay ngiti ng matipid. Tumunga na lang ako ng matipid at napatulala sa white board.
"Good morning class." Isang mababa at malungkot na boses ang sinalubong ni sir Vera saamin. Agad niya akong nakita at tumunga saakin. Ngumiti naman ako ng matipid. Inasikaso niya ang mga gamit niya sa mesa at naglabas ng isang papel na tila test paper.
"Froylan...come here." Sabi niya. Agad naman akong tumayo at lumapit sakanya.
"Advance itong test na ito para sayo. Baka kasi maisipan mong umabsent bukas, may test tayo. But I don't want any leakage ok?" Sabi ni sir. Alam niya narin pala na baka umabsent nga ako bukas para asikasuhin si Camille.
BINABASA MO ANG
Abot Langit
Non-FictionAng sequel ng Patunayan. Kapag mapait ang buhay kailangan ng chaser. Matuto tayong lumangoy kapag nalulunod na tayo sa alak at pag-ibig mga bro! :-) -EMPriel