II. Patay na ang mga Bituin

8 0 0
                                    

"Na naman," bulong ni Nadela sa sarili. Pitong taon na ang nakakaraan ngunit patuloy pa ring nabubulabog ang dalaga ng mga alaalang nanakit sa kanya. Bihira siyang makatagpo ng mapayapang gabi.

Sinapo niya ang noong basa ng malamig na pawis. Naalala niyang Miyerkules na, at kinabukasan ay may binyag na magaganap sa simbahan. Alas otso na. Hindi pa niya nalalabhan ang sutana ng pari. Kung hindi lang talaga ako nakikitira dito sa simbahan, hindi na ako mag-aaksaya ng oras sa pang-aalipin nila sa 'kin, pag-iisip niya. Alam niyang kapag hindi na naman natuyo sa oras ang damit ng pari ay pagagalitan na naman siya at ipapahiya sa harap ni Jericho.

Labag sa kalooban siyang tumayo at tumungo sa likod ng kwartong tinutuluyan niya sa likod ng simbahan. Naroon at nakababad sa sabon ang sutana na iniwan niya noong tanghali para makapag-siesta. Ang dalawang oras na dapat ay itutulog niya sa hapon ay naging walo. Ibang klase ang kapaguran, sinalubong ang dilim ng gabi.

Padabog siyang umupo sa maliit na upuang pang-laba sa tabi ng dalawang maliliit na batya. Matagal niyang kinusot ang sutana ng pari sa tubig na puno ng bula at ibinagsak sa kabilang batya. Dinampot niya ang kasunod na piraso ng lalabhan nang may mahawakan siyang kakaiba.

"Yak!" Nabitawan ni Nadela ang polo sa gulat sa pagtaas ng sariling boses. Binalikan niya agad ito ng tingin at inusisa ang malagkit na basa sa itim na polo na nahawakan niya. Amoy Zonrox? Ammonia? Gamot? dinampi ulit niya ang daliri sa malagkit na basa. Sarsa ba ito? Ano'ng mga kinakain ni Father at may puting sarsa siya sa damit?

Inilublob na ni Nadela ang polo, kasabay ng pandidiri, sa tubig. Nang iangat ulit ito, may biglang kalansing na siyang hudyat ng isang bagay na tumalsik sa semento mula sa maliit na bulsa ng basang damit. Madilim ang paligid at ang tanging liwanag na nagagamit ng dalaga ay ang siyang nagmumula sa buwan. Sa kabila nito ay pinilit pa rin niyang lumuhod sa basang semento para abutin ang kung anuman ang tumalsik. Napa-irap siya sa dilim. Pagod na siya sa ganitong klaseng buhay.

"Nadela, bakit ngayon ka pa lang naglalaba?"

Biglang napa-diretso ng upo si Nadela sa pagsulpot ng anino mula sa likuran niya. "Manang Laila, nakatulog po ako nang matagal. Kailangan kong matapos 'tong labada kasi papagalitan na naman ako ni Father bukas kapag hindi natuyo nang maaga ang sutana nila ni Randi," mabilis niyang sabi.

Nasilayan ng dalaga ang ngiti sa mukha ng matanda sa gitna ng dilim. "Ako na ang tatapos. Head naman si Randi ng mga sakristan, may mahihiraman 'yon kung 'di man matuyo ang kanya. Bumalik ka na sa pagpapahinga at kung saan-saan ka na naman patatakbuhin ni Father bukas sa dami ng utos niya, panigurado," sabi ng matanda habang nakangiting tinaboy siya palayo. Walang nagawa si Nadela kundi sumunod sa hiling ni Manang Laila kaya kusa na lang siyang bumalik sa kanyang kwarto.

Nang lumapat ang katawan sa matigas na matres ng kama, nag-isip isip si Nadela. Sa halos pitong taon ng pangungulila sa ina ay nanatili ang matanda sa tabi niya. Dahil pareho silang nagtatrabaho sa simbahan kapalit ng libreng paninirahan sa kumbento natutukan ni Laila ang pag-aalaga sa dalaga. Bilang matalik na kaibigan ng yumaong lola ni Nadela, malapit sa puso ng matanda ang pamilya nito. Bagamat hindi nalaman kung nasaan (o sino) ang ama nito ay sinubukan niyang magpaka-magulang sa dalaga sa kawalan ng kanyang ina.

Naisip niya si Randi. Kinse anyos pa lang siya ay may gusto na siya sa binata. Ang tatlong taong pagitan ng mga edad nila ay nakapagbigay kay Randi ng kalamangan sa tangkad, at 'yon ang paboritong bahagi ni Nadela sa kanya. Malapit naman silang magkaibigan, at minsan, kapag nahuhuli niya ang binata na nakatingin sa kanya ay napapaisip na siya kung gano'n din ba ang tingin nito sa kanya. Posible kayang magkaroon ng romansa? Kahit alagad ng simbahan si Randi at pwedeng pangarap nitong mag-pari, posible kayang magkaroon ng tensyon ng pag-ibig sa pagitan nila?

Isa sa mga dahilan kung bakit hindi na nagugustuhan ni Nadela ang paninirahan sa kumbento ay dahil kay Randi. Madalas kasi silang magkita. Mula noong namatay ang ina, nagsimula na ang dalaga sa pagsiyasat sa sekswalidad niya. Kapag nasa katinuan, hindi niya nagugustuhan ang mga pagkakataong nais niyang galugarin ang sarili kaya naman ang atraksiyon sa binata ay hindi nakakatulong sa kagustuhan niyang itigil ito.

Naiinis siya sa sarili niya dahil sa pagkakagusto sa isang taong posibleng mag-pari. Isang paring hinding hindi mag-aasawa. Alam niyang kapag lumalim ang nararamdaman niya ay masasaktan siya, tulad ng mga nakikita niya sa mga teleserye.

Sa hinaba-haba ng gabi ay walang ibang inisip si Nadela kundi ang mahabang listahan ng mga bumabagabag sa isipan niya. Bukod kay Randi at ang sala-sa-init-sala-sa-lamig na pakiramdam nito sa pag-aaral sa sariling sekswalidad ay nariyan ang inggit sa mga nakapag-aral, ang trauma sa pagkawala ng ina, at ang kagustuhang makawala sa simbahan (at ang kahinaan para gawin ito). Sa mga panahong mulat siya sa kadiliman ng gabi ay napupunan niya ng isang problema ang bawat tala sa kalangitan, at base sa mga napanood sa telebisyon ay alam niyang patay na ang mga bituin; pero binubuhay ito ng mga problema niyang hindi natatapos sa paghikahos. 

BalikwasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon