V. Paalam; patawad

10 0 0
                                    

Higpit. Higpit pa. Ipinako ni Nadela ang puwit sa batong kinauupuan. 'Wag ngayon, Nadela, sigaw niya sa kanyang isipan. Pilit niyang inipit ang kawalan ng espasyo sa pagitan ng kanyang mga binti. Maaliwalas ang paligid ngunit naglalagablab ang sensasyon sa sikmura niya. Katawan ni Kristo, amen.

Tinitigan niya si Randi. Sinubukan ng mga sakristan na itayo ang krus na kinalalagayan niya na siyang gaganap na si Kristo sa senakulo. Lumawlaw ang shorts ng lalaki. Napabulong si Nadela sa sarili, "Katawan ni Kristo, amen." Napalunok siya at kinulong pa lalo ang pagbasa sa pagitan ng mga hita. Napakapit siya nang mahigpit sa laylayan ng kanyang palda, pilit na kinukulong ang gustong kumawala sa tinatagong kulungan sa ibaba. Kinagat niya ang labi. Katawan ni Kristo, akin.

Napapikit siya nang mahigpit. "Nadela," tawag ng boses 'di kalayuan.

Ang sensasyon. Hindi niya mapigilan ang sensasyon. "Nadela, gising."

Napadilat siya. Likod ay nakalapat sa kama. Noo ay basa ng pawis. Ang kaninang tinititigan na si Randi ay ngayon pagmumukha na ni Manang Laila. "Anak, pawis na pawis ka. Napanaginipan mo na naman ba ang mama mo?" tanong ng matanda.

"Ah, eh, o-opo." Nilingon niya ang orasan. Maga-alas dos na ng madaling araw. "Bakit ho kayo nandito, Manang?"

"Mag-empake ka, si Randi ay nasa labas."

Kumabog ang dibdib ni Nadela sa pagkakarinig sa pangalan ng lalaki. Naalala niya ang panaginip. "Bakit daw ho?"

"Basta gawin mo na lang," wika ng matanda. "Siya na ang magpapaliwanag sa 'yo. At bilisan mo, pero 'wag kang maingay, baka magising si Father."

Tumango si Nadela at kahit nagtataka'y sinunod ang utos ng matanda. Kinakabahan siya kung bakit sinusundo siya ng binata sa dos oras ng madaling araw. Dahil ba mag-aalok ito ng tanan? Dahil ba ipapasyal siya nito?

Biglang 'di mapigilan ng dalaga ang kanyang ngiti. Sa tinagal tagal ng pagkakagusto niya sa binata ay sa wakas, aamin na rin ito sa kanya.

Sinukbit niya ang bag sa likod at saka lumabas at sinalubong sina Manang Laila at si Randi na nagbubulungan. Lumawak ang ngiti niya pagkakita sa binata. "Randi," pagbati niya.

"Dalian mo, dadalhin kita sa mama mo." seryosong sabi ng lalaki.

Nablangko ang utak ng dalaga. Bumaliktad ang kanyang ngiti. Hindi niya alam ang isasagot. Sa mama niya? Alam ni Randi kung saan ito nakalibing?

"Alam mo kung saan siya nilibing?" pagtatanong niya. Hindi niya mawari ang nararamdaman. Mabuti pa ang isang sakristan, mas alam ang kinalalagyan ng patay na ina kaysa sa kanyang mismong anak ng namayapa.

"Anak, buhay pa ang mama mo," dahan-dahang sagot ni Manang Laila. Binuka ni Nadela ang bibig upang sumagot pero hindi niya magawang magsalita. "Kapag nagkita kayo ay baka hindi ka na makabalik dito, kaya baka ito na ang huling pagkikita natin, anak."

Gulong gulo na si Nadela. Masyadong sunod-sunod ang mga nangyayari sa paligid niya. Isang buwan na mula noong huli nilang napag-usapan ang kaniyang ina sa binyag na ginanap sa simbahan at medyo napayapa na ang utak ng dalaga rito, ngunit heto ngayon ang balita, binabagabag ulit siya.

Niyakap siya ng matanda. Ramdam na ramdam niya ang lungkot nito sa katahimikan sa pagitan nilang tatlo. "Mahal na mahal kita kahit hindi kita kadugo, lagi't lagi mong tatandaan 'yan."

"Manang..." isang nanginginig na boses ang naipakawala ni Nadela. "Manang ano ba 'tong nangyayari, 'wag niyo naman po akong pinagbibiruan nang ganito." Nagbabadyang bumuhos ang luha ng dalaga. Ilang minuto pa lang mula nang magising siya pero samu't saring emosyon na ang naramdaman niya.

"Hindi kami nagbibiro. Sumama ka na kay Randi para mahanap mo na ang mama mo." Isang malungkot na ngiti ang binigay ng matanda sa kanya.

"Nadela, wala na tayong oras," mahinang sabi ni Randi. "Medyo malayo pa ang pupuntahan natin at sa oras na ito, walang sasakyan papunta roon." Hindi sumagot si Nadela at sa halip ay liningon muli ang matanda. Tinanguan siya nito. "Sumama ka na. Sa ikapapayapa mo at ng mama mo," paninigurado nito.

"Halika na," paghatak ni Randi kay Nadela sa braso. Hindi na nakapagsalita ang dalaga at hindi na nakapagpaalam nang maayos sa matanda. Muli itong lumingon at nasilayan ang nakangiting mukha ni Manang Laila sa ilalim ng madilim na liwanag ng buwan.

Matagal silang naglakad. Tahimik ang paligid dahil sa kawalan ng mga tao. Malamig ang simoy ng hangin. Nagpapadala lang si Nadela sa binata dahil sa dami ng iniisip. Sa loob ng iisang gabi ay nabungaran siya ng samu't saring impormasyong hindi niya mawari kung paniniwalaan ba niya o hindi. "Nagtanong sa akin si Manang Laila kanina," paninira ni Randi sa katahimikan sa pagitan nilang dalawa. "Pinaliwanag niya ang nangyari sa inyo ng mama mo. Pinaliwanag din niya ang kwento ninyo. Nakumbinsi akong sabihin na sa 'yo ang totoo."

"Ano ba ang totoo?" tanong ni Nadela. Gulong gulo na siya, hindi na niya alam ang sasabihin.

"Ginawang katulong ang nanay mo. May kaibigang Intsik si Father na lumipat dito sa Pilipinas. Inalok ni Father ang mama mo na maging katulong nila, at sa kanya napupunta ang bayad. Kada buwan ay ako ang sumasama sa kanya para mapuntahan ang bahay ng kaibigan niyang Intsik para kunin ang bayad. Walong libo buwan-buwan. Ipinagmamaneho ko si Father gamit ang mobile ng simbahan kaya alam ko ang daan," dire-diretsong banggit ni Randi. "Alam din ng mama mo na pupunta tayo ngayon kaya't nakahanda rin siya," dagdag nito. "Tatakas kayo. Ngayong hapon ay hindi sumama si Father sa pagkuha ng bayad kaya nasa akin ang walong libo. Pwede niyong magamit sa paghahanap ng matitirhan pansamantala."

Huminto si Randi sa paglalakad sa isang kanto sa tapat ng palengke kaya't napahinto rin si Nadela. "Mag-aabang tayo ng jeep," wika ni Randi.

"Sandali," pagpupumiglas ni Nadela sa unang pagkakataon para sa gabing iyon. "Paano mo naman nalaman na siya ang mama ko? Paano ko malalaman kung iaalok mo lang din ako?"

Bumuntong hininga ang lalaki. Gusto niyang sabihin na hindi dapat siya pagdudahan pero naiintindihan niya ang pinanggagalingan ng dalaga. "Nakausap ko isang beses ang mama mo. Medyo matagal na. Kinwento niyang may naiwan siyang anak sa simbahan na dati niyang tinutuluyan. Nadela ang pangalan. Hindi niya alam na sakristan ako sa simbahang tinutukoy niya kaya matagal niyang hindi nalamang kilala kita," pagpapaliwanag nito.

Wala pa rin silang masakyan. Natabunan na ng ingay ng mga maagang mamimili ang katahimikan saa pagitan nila. Lumakas lalo ang buga ng hangin sa paligid at unti-unting nakaramdam si Nadela ng ginaw.

'Di nagtagal ay hindi na napigilan ng dalaga ang sarili. Pinagkiskis niya ang dalawang palad upang makagawa ng konting init. Napansin ito ng binata. "Isuot mo na lang muna 'yung isang sweater dito," banggit ni Randi habang tinuturo ang sariling bag na nakasabit sa kanyang likod. Umiling si Nadela. Patuloy niyang pinagkiskis ang dalawang palad habang pilit itong binubugahan ng mainit na hininga.

Tiningnan siya ng binatang kasama. "Giniginaw ka ba talaga?" buong pagtatakang tanong nito. Sa kabila ng ingay ng palengke sa kanilang likuran ay nangibabaw kay Nadela ang boses ng lalaki. Tumango siya sa dilim ng madaling-araw.

Nalingat ang dalaga sa maingay na kalsada nang maramdamang may humablot sa kanang kamay niya. Bago pa man niya masulyapan, tinatalian na ni Randi ang plastic bag na nakabalot dito. "Hindi masyadong nakakatulong, pero mainit naman sa kamay, 'di ba?" sabi ng lalaki.

Kasabay ng paghingi ng tawad ng mga mamimili sa presyo ng bangus ay ang paghingi rin ni Nadela ng tawad sa isip niya. Marami nang masamang mangyayari sa paligid niya at tila mali ang magpadala sa damdamin para sa lalaki pero... Kahit isinisigaw ng isip sa ibabaw ng pagharurot ng mga motor sa daan ang kamalian ng damdamin ay pananalunin muna niya ang puso. Titibok magdamag para kay Randi.

BalikwasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon