Pagkakitang pagkakita ni Nadela kay Randi ay sinalubong agad niya ito ng tanong.
"Uy, saan kayo madalas pumunta ni Father sa mga lakad niyo?" mabalis niyang banggit.
Kahit medyo hinihingal pa mula sa pagtakbo papuntang simbahan ay nilingon siya ng binata. "Ha?" Dahan-dahan nitong inalis ang bag mula sa pagkakasukbit sa likod at inilapag sa mesa katabi ng mga gamit ng pari pang-binyag. Kumunot ang noo nito. "Bakit mo naitanong?"
Natulala nang sandali si Nadela sa maliit na ngiti na sinunod ni Randi. Ang gwapo niya, nakakainis. Heto na naman siya, tulo-laway na naman ang paghanga sa binata. 'Di na natapos.
"Huy," pangungulit ni Randi matapos ang ilang sandali.
"Ay," sagot ng dalaga, ramdam ang pamumula ng mukha dahil sa paunti-unting pag-init ng pakiramdam. Napagtanto niyang masyadong kahina-hinala ang pagtatanong niya. "Ah- ano, wala, wala. Gusto ko lang malaman." Ngumiti siya. Bakit kasi hindi na lang talaga teleserye ang buhay ko?
Nagpakawala ng buntong hininga si Randi. "Actually, kung magtatanong ka talaga ay sasabihin ko. Bawal ko sabihin pero... Karapatan mo kasing malaman, at medyo matagal na ring nangyayari." seryosong sabi niya. Sasagot pa lang si Nadela ay narinig na niya ang isa sa mga boses na kinaiiritahan niya.
"Nadela! Bakit dinadaldal mo na naman si Randi! Magtrabaho ka nga!"
Napa-irap ang dalaga sa boses ng pari. Hindi nito napigilan ang pagpapahayag ng inis. Tumawa ang binata sa tapat niya. "Tinatawa-tawa mo diyan?"
"Wala lang, cute mo." Ngumisi sa kanya ang lalaki at ginulo ang kanyang buhok. Tumakbo ito palayo papunta kay Father na malamang ay may iuutos. Naiwang mag-isa si Nadela sa harap ng simbahan.
Hinawakan niya ang mga pisngi gamit ang parehong kamay at mahigpit na ipinikit ang mga mata. Ito na naman, lumalakas na naman ang atraksyon niya sa binata.
Umiling si Nadela nang ilang beses dahil hindi niya gusto ang nararamdaman. Lalong lalo na ngayon kung kailan may gusto siyang malaman. Alam niyang hindi pwedeng magpagitna ang nararamdaman niya para kay Randi.
Mabilis na nagsimula ang seremonya ng binyag. Habang nakaabang sa mga iuutos ng pari, isang bagay lang ang namalagi sa isip niya: ang singsing ng ina. Kung nasa bulsa 'yon ng polo ng pari na pinalabhan noong isang gabi, malamang ay inilagay niya 'yon doon noong araw na sinuot niya 'yung damit. Ang malaking tanong ay bakit. At paanong nasa pari ang singsing ng ina kung ilang taon na itong patay.
"Anak." Napalingon si Nadela sa kanyang gilid mula sa sulok na kinauupuan. Si Manang Laila. "Manang?" Umupo ang matanda sa tabi niya.
"Nakausap mo na ba si Randi?" mahinhing tanong nito. Umiling ang dalaga. "Sa ilang taong pamamalagi ko rito," simula ng matanda. "ay nakapa ko na si Father. Sa lahat ng naging pari sa simbahan na 'to, siya lang hindi ko pinagkatiwalaan. Masyado siyang maraming ginagawa at pinupuntahan na hindi nalalaman ng mga tauhan dito. Masyado rin siyang bayolente. Bukod sa biglaan ang pagkawala ng mama mo ay nangyari pa ito. Ngayon ay hindi ko na alam kung ano ang totoo."
Tahimik lang na nakinig si Nadela. Matapos magsalita ng matanda ay tanging ang ingay lang mula sa seremonya ang naririnig nila. "Kailangan mong pagsalitain si Randi. Malakas ang pakiramdam ko na may alam siya," wika ng matanda.
Dahan-dahang tumango ang dalaga habang nakatungo. "Kanina ay sinabi niyang kung magtatanong naman daw ako ay sasabihin niya. Kahit bawal niyang sabihin." sagot niya. Ngiti ang sinagot sa kanya ng matanda.