“Ayun. Bale, hindi na rin naman niya nakita ‘yung bata pagkatapos. Mabuti na lang,” wika ni Nadela. “Ang kaso, lahat daw ng nakabasa o nakaalam ng kuwento ng batang babae na laging nagpapakita doon sa estudyante ay pinapakitaan din niya.”
“Hindi ba ‘yan ‘yung pinost sa Facebook? ‘Yung galing sa—”
Sigaw ang tanging naisunod ni Carmen sa sinasabi. Napayakap siya kay Nadela na nasa tapat niya. “PUTEK! ANO ‘YUNG NALAGLAG!”
Nanginginig na nilingon ni Nadela ang likuran niya. Marahang kinapa nito ang paligid at ilalim ng patungan ng mga sapatos na nakasandal sa dingding, patuloy na hinahanap kung saan nagmula ang tunog ng kalansing ng bakal na gumulat sa kanila. “Wala naman. Baka may natabig lang ako,” wika niya.“Pero teka, imposible kasing may mahulog na susi o ‘di kaya’y singsing dahil wala namang—AAAAH!”
Nagdilim ang paligid. Katahimikan ang sumunod sa sabay nilang pagsigaw. Nawala rin ang malamig na hangin mula sa bentilador. Ang tanging tunog na naririnig ng mga pader ay ang malalim na paghinga ng tatlo. “Sandali lang, natatakot ako,” sabi ni Nadela. “Brown out na naman, tsk. May kandila at posporo yata sa shoerack, teka at kukunin ko,” dagdag niya.
Tumango si Carmen sa dilim at sa aktong pag-abot ni Nadela sa shoerack sa likod ay ang pagpukaw sa kanyang atensyon ng isa pang kalansing. "Huwag nga kayong magbiro!" sigaw niya.
Hinagilap ni Nadela ang posporo at kandila at sa paglalakbay ng kamay sa ilalim ng shoerack ay may nahawakan itong kamay. "AKO NA ANG MAGHAHANAP SABI EH!" sigaw ng dalaga sa gulat.
"Pinagsasabi mo?" sagot ni Carmen. Biglang bumalik ang kuryente at sa pagdapo ng ilaw sa paligid ay nakita ni Nadela na sa sulok na ng shoerack nakalapat ang kamay niya.
BINABASA MO ANG
Mga Pagsasanay
RandomIlang pagsasanay sa daan patungo sa pagkakabuo ng pagkatao ni Nadela.