Kabisado niya man ang madilim at mabatong daan pauwi sa kanila, nagulat na lang si Anise nang matisod siya. Naramdaman niya ang hapdi na kumakalat mula sa kaniyang tuhod, kasabay ang amoy ng kalawang na umabot sa kaniyang mga ilong. Para bang may bubog na bumaon sa kaniyang balat.
Umihip nang malakas ang hangin. Naramdaman ni Anise ang basang tumutulo mula sa kaniyang tuhod - dugo.
Nagtago ang mga bituin at mga alitaptap na kaninang umiilaw sa kaniyang dinadaanan at ang tanging nagbibigay liwanag na lang ay maliit na kapiraso ng buwan na sumisilip mula sa langit. Bumalot sa kaniya ang dilim at biglang nanikip ang kaniyang dibdib. Anong nangyayari? isip ni Anise.
Tumingin siya sa paligid, sa dilim na bumabalot sa kaniya at sa 'di kalayuan ay may nakita siyang mga dalawang pulang bituin na kumikislap. Sinubukan niyang aninagin ang mga ito ngunit napatigil siya nang may isang puting ngiti na nagpakita sa ilalim ng mga ito.
Dali-dali siyang tumayo pero kumirot ang kaniyang tuhod at napasigaw siya sa sakit. Bumigat ang paghinga ni Anise at nagbubutil ang pawis sa kaniyang noo pero malakas ang boses sa isipan niyang nagsasabi na kailangan niyang tumahimik. Sa nais na magpumilit tumayo ay nakagat niya ang kaniyang dila at kumalat ang lasa ng kalawang - lasa ng dugo - sa kaniyang bibig. Lumakas ang boses na ngayo'y sumisigaw na sa kaniyang isipan, "Bilisan mo na Anise!"
Parang pinipilipit ang binti ni Anise sa sobrang sakit. Sa kalagitnaan ng kaniyang taranta, nakaramdam siya ng hiningang napakalapit sa kaniyang batok. May bumulong sa kaniyang tainga, "Magtago ka."
YOU ARE READING
Mga Rebisadong Ehersisyo
General FictionBilang pagtugon sa huling pangangailangan sa kursong FIL150, ang aming klase ay inatasang baguhin ang aming mga naunang ehersisyo sa klase. Ang mga sumusunod ay mga rebisadong salin ng aming mga ehersisyo sa nasabing kurso.