KABANATA - II: HONTAHAN SA PAMILIHANG BAYAN

152 4 0
                                    

BALINTATAW

ANG PEREZ, ANG HASENDERO, AT ANG TULISAN

Kabanata – II

Hontahan sa pamilihang bayan

Dama ang init sa banayad na hampas ng hangin sa paligid, karaniwan na sa panahon ng tag-araw, gayun pa man, may kakaibang init din ang namumutawi sa mga dila ng mga mamamayan ng Perez, lalo’t higit sa pamilihang bayan, na kung saan karaniwang tanawin na ang mga taong nag hohontahan patungkol sa sari-saring mga bagay at pangyayari, isang gawaing nakaugalian na habang namimili, at ang paksa sa araw na ito, ay ang mga naganap sa himpilan ng kapulisan at ang pananalakay sa kalakal ni don Benigno Simeon ng nakalipas na araw. Kahit saan mapalingon, bukang bibig si Bao, at ang kanyang mga tulisan, laman ng bawat kwento ay ang kung paano pinagmukhang katawa-tawa ang mga opisyal ng kapulisan at kung papaanong muli sila ay nilagay sa kahihiyan ng mga tinaguriang tulisan, at hindi mapapalampas ng matandang si Gorio ang mga usaping gaya nito; si Gorio ay pinagkakapitaganan ng kanyang mga kababayan, bayani ang turing sa kanya pagkat minsan din sya nagsilbi sa katipunan bilang mensahero sa kainitan ng rebulusyon laban sa mga kastila. Ang mga opinion ni Gorio patungkol sa usaping panlipunan at pulitika ay iginagalang ng kanyang mga kababayan.

At noong araw nga din na yaon, nag tungo ang mag amang Gorio at ang anak na babaeng si Miriam patungo sa pamilihang bayan upang mamalengke at sumagap narin ng kwento, at nang matanaw sila ng kaibigang tindera, malayo pa lamang ay agad sila nitong kinawayan at tinawag.

“Mang Gorio! Mang Gorio! Suki, halika at may itinabi ako sayong paburito mo, sariwang hito!” At agad din naman nilapitan ng mag ama ang kaibigang tindera.

“Magandang umaga aling Puring!”

Bagbati ni Miriam na agad din namang tinugunan,

“Magandang umaga din naman sa iyo Miriam. Aba! Habang tumatagal sa bawat araw na lumilipas lalo ka yatang gumaganda iha.”

Pagsambit pa ng ginang na buong giliw sa dalaga. Na tinugunan naman ng ngiti ng dalaga.

“Hoy Puring, alam kong bukod sa magagandang pagbati sa aking anak ay mayroon ka ring balita patungkol sa tugon ni don Benigno sa trahedyang nangyari kahapon?”

Pagsingit  naman ng ama.

“Hay, ano pa ba naman ang magiging tugon ng don sa pangyayari kahapon?... kung hindi masidhing galit! Maaring naipasibak na nya ang sariling pinsan sa pagiging hepe nito kung hindi lang dahil sa isang tulisan na nagawang mahuli sa nangyaring pananambang; sinasabing ang tulisan na yaon ay kasalukuyang inuusisa sa himpilan ngayon, kalunos lunos marahil ang kasasapitan niya, kawa-awang binata.”

Sagot ng tindera; Napangiti naman ang matanda, at nagwikang…

“tunay ngang maituturing na mahusay na pinagplanuhan ang kaganapan kahapon, isang bato para sa dalawang bunga, nagawa nilang hamakin ang don gayun din ang kapulisan, ganoon pa man, maswerte pa din maituturing si don Benigno at ang kapanalig nito, pagkat may nadakip silang bihag na maari ding maging susi sa pag sawata sa mga tulisan.”

Ngunit bago pa man makapagpatuloy ang matanda, agad itong natigilan sa pag sabat ng isa pang kakilala sa pamilihang nakikinig din sa kanila.

“Naku Mang Gorio, ingat lamang ho sa pagkokomento ukol sa pangyayaring iyan, alam nating maraming makakating dila ang naglipana diyan na nais sumipsip sa don, baka ho kayo ay maparatangang kasabwat ng mga tulisan.”

Na agad din sinundan nang pahayag ng dalagang si Miriam…

“Siya nga ho itay, tama ho si aling Torya.”

Sabay sulyap sa ama ng may bahid pag-aalala sa mga mata, na daglian din namang tinugunan ng ama sa pag tapik nito sa kamay ng anak, paraan upang ipadama ang pag sang-ayon at pagpawi sa alalahanin ng dalaga.

“Ang mabuti pang pagusapan natin ay ang nalalapit na santacruzan sa ating bayan. At sa nakikita ko, itong si Miriam ay mainam na maging Reyna Elena,”

pagsambit ng ginang na si Torya nito, tumugon naman ang lahat ng nakarinig ng pagsang-ayon. Habang batid din ang pasasalamat sa mga mata ng ama ni Miriam na sinulyapan ang mukha ng anak at sinabing…

“tunay nga siyang anak ng kanyang ina hindi ba? Siya ay taga pagpa-alala din kung gaano kaganda ang nasira kong asawa. Maraming salamat sa inyong mga papuri sa aking anak, hindi ko siya pipigilan kung nais niyang lumahok sa santacruzan, maliban nalang kung siya mismo ang tumangi.”

Sabay tingin sa dalaga matapos sambitin ang mga kataga.

“Gaya ng aking ama, lubos ang aking pasasalamat sa inyo, ngunit, sa tingin ko, marami pang ibang dalaga diyan ang mas higit na karapat-dapat para pagukulan ng pansin…”

At bago pa makapagpatuloy ang dalaga agad itong naputol pagkat may tinig na biglang nadinig mula sa paligid...

“Ngunit, wala na ngang iba pang higit na karapat dapat binibini, sa aking paningin, tila ikaw na nga ang pinaka-magandang dilag sa Perez.”

Tinig ito ni Tupas, ang nagiisang tagapagmana ng lahat ng pagmamay-ari ng pinaka mayamang tao sa bayan ng Perez, si don Benigno Simeon, kasama ang kanyang mga alipores, dahan-dahan itong lumapit sa nag kinaroroonan ng dalaga kasama ang naguumpukang grupo ng mamimili at tindera. Nabigla ang lahat at napatahimik. Kilala ang pamilya ni Tupas sa lugar, makapangyarihan at ma-impluwensya, kabaligtaran ang turing sa ama ni Tupas, kung para sa marami ang matandang si Gorio ay bayani, ang amang hasendero naman ni Tupas ay kinatatakutan at kinamumuhian. Unti unting nagpulasan sa hontahan ang mga ginang at naiwan ang mag ama sa piling ng mayamang binata at mga alipores nito. Agad din naman bumati si Tupas kay Gorio,

“Magandang umaga ho sa inyo mang Gorio”

Tumungo ang matanda at agad din niyaya ang dalagang anak at nag muwestra na magpatuloy na sila sa pamimili…

“Magandang umaga din sayo senyorito, salamat sa inyo pong papuri sa aking anak ngunit, magpapa-alam na kami, malapit na magtanghalian at wala pa kami napapamili.”

Agad din naman bingyang daan ni Tupas ang mag-ama, habang patuloy sinusundan ng titig ang dalaga.Bahagyang huminto ang matanda at lumingon sa binata,

“kung inyo pong nais sinyorito, maari ninyo po kami saluhan nalamang sa tanghalian mamaya matapos kami ay makapamili.”

Magalang na sinambit ng matanda, marahil minarapat nya itong gawin upang ipakita ang kanyang pag galang batang hasendero sa kanilang lugar. Ngunit tumangi na ang binata at sinabing

“Salamat nalamang ho mang Gorio, pero kami ay may mahalaga ring lakad sa himpilan, may nakapagsabi kasi na may nahuling tulisan sa himpilan at minarapat ng aking amang tunguhin ko ang lugar na iyon para sya ay aming mausisa.”

Agad din lumakad ang binata at ang mga kasama nito, kasabay nito ang pabulong na sinambit ng isa sa mga tao sa pamilihan na nakarinig ng balitang hingil sa nahuling tulisan…

“Kung tutuusin, ang tunay na tulisan dito ay ang kanialng angkan…” 

BALINTATAW: Ang Perez Ang Hesendero at Ang Tulisan (onhold for revisions)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon