Una

79 3 0
                                    

Naglalakad siya sa tabi ng daan upang pumasok sa unang araw ng kanyang trabaho. Natanggap kasi siya sa isang malaki at sikat na ospital rito sa kanilang bayan na kanyang in-apply-an. Ngunit hindi katulad ng iba na doktor o nurse ang kukuhaning trabaho, si Deyan ay natanggap bilang isang janitress lamang. Hindi kasi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil na rin sa kagipitan sa buhay.

Ilang sandali pa ang lumipas at nakarating na siya sa kanyang paroroonan at pumasok sa lobby ng ospital.

Alam na rin naman niya ang gagawin at kung saan unang pupunta dahil nasabi na ito sa kanya noong nakaraang araw pa.

May kumausap lamang sa kanyang isang babae at agad na ini-assign kung saan ang area na kanyang lilinisan sa buong maghapon na ito.

Kinuha niya ang mga kagamitang panlinis at naglakad na sa kanyang area.

Nagsisimula na siyang maglinis ng makarinig ng iyakan at usapan ng isang buong pamilya sa gilid niya.

"Ma! Kailangan ba talaga ng heart transplant ni papa?"

"Oo, Lei."

Humarap ang bata sa iba pa niyang kamag-anak.

"Pero... Tita! Maaaring mamatay si papa, puso niya iyon! Baka kapag napalitan ng ibang puso ang puso niya ay mag-iba na din ang pagmamahal niya sa atin!"

Niyakap ang bata ng kanyang mga pinsan.

"Hindi mangyayari iyan, Lei. Bata ka pa at inosente pa sa mundong ito. Alam ng mga doktor ang gagawin nila."

"Alam ko ang nasa isip mo, Lei. Na baka temporary lang ang pusong ipapalit sa tunay na puso ng tatay mo. Pero hindi, dahil kapag naging matagumpay ang heart transplant ni tito ay mas tatagal pa siya rito sa mundo."

Hindi na narinig pa ni Deyan ang ibang usapan nang pamilya dahil lumipat na siya ng lilinisan at saka ika nga, masama ang makinig ng ibang usapan na hindi ka naman kasali.

Mabilis na lumipas ang araw at nagpatuloy ang routine ni Deyan dito sa ospital.

Linis dito. Walis doon. Punas diyan. Linis doon.

Paulit-ulit ngunit kailangan niyang gawin mabuhay lang sila ng kanyang ina.

Nasa corridor siya noong mga oras na iyon ng makita niyang muli ang pamilyang nakita niya nakaraan.

Ngunit imbes na masaya ang mga mukha nito dahil matagumpay ang operasyon sa puso ng ama noong bata ay malulungkot ang ekspresyon na inihahayag ng kanilang mga mata.

Ano kayang nangyari?

Pinilig na lamang ni Deyan ang ulo at nagpatuloy na lang sa paglilinis. Sa hindi sinasadyang pagkakatao'y narinig niya na naman ang usapan ng pamilya.

Bumuntong hininga siya.

"Lei... Kaya mo ito. Kaya natin ito. Magpakatatag ka lamang. Nandito kami."

"Pero ma! Akala ko ba hindi lang temporary ang pusong ibibigay kay papa?! Akala ko ba... Akala ko ba pagkatapos niyon ay makakasama na ulit natin siya? 'Yong matagal... Pero... Iniwan pa rin niya tayo! Hindi ko matanggap! Lahat na lang pansamantala! Lahat na lang hindi permanente! Ayoko na!"

Tiim ang labing iniyuko niya ang kanyang ulo. Ngunit kalaunan ay sinundan niya ng tingin ang batang babaeng tumatakbo palayo sa kanyang pamilya.

Kung sana nga'y permanente na lang tayong lahat dito sa mundo. Ngunit kapag lumaki ka na Lei, alam kong hihilingin mong sana ay bumilis na lang ang takbo ng oras upang mabilis mo ring matakbuhan ang mga problemang maaaring dumating sa buhay mo.

TemporaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon