"Anak naman! Bakit ka ba nagkakaganiyan?! Ano bang problema mo?!" Sigaw ni mama. Nakikita kong nakakuyom ang mga kamao niya at tila ba pinipigilan ang sarili na saktan ako.
"Wala, mama. Okay lang po ako. Akyat na po ako sa kwarto ko." Malumanay kong sagot kasi baka kapag tumagal ako dito, gugulo lang. Ganun naman kasi palagi yung nangyayari.
"Hindi! Makinig kang bata ka! Bakit ganiyan ka ha?! Palagi ka na lang nakakulong sa kwarto mo?! Tapos sabi ng guro mo wala ka na daw kinakausap sa mga kaklase mo?! Hindi ka man lang daw marunong ngumiti! Tapos dito sa bahay, palagi kang pagod! Tapos kapag uutusan kitang batiin ang mga bisita, nilalock mo agad 'yung kwarto mo?! Nanginig ka at umiyak dahil lang sa ayaw mong batiin ang mga bisita?! Napaka-OA mong bata ka! Tapos akala mo hindi ko naririnig mga pag-iyak mo kada gabi? Inaabot ka pa minsan ng umaga! Nakakarindi na! Ano bang problema mong bata ka ha?!" Patuloy na sigaw ni mama. Bawat salitang lumalabas sa bibig niya ay nagresulta sa panlalabo ng aking mata dahil nagbabadyang tumulo ang aking mga luha. Pinunasan ko ang mata ko gamit ang likod ng aking kamay at natigilan ako dahil napagtanto ko na nakita niya ang mga marka. Mabilis kong binaba ang kamay ko.
Nakita niya ang mga marka. Mga marka ng pighati. Mga tanda ng mga oras na sinubukan ko ng sumuko.
"A-anak? B-bakit may ganiyan ka? Anong problema, Ash..." Bigkas ng aking ina sa gitna ng pagkagulat.
"Ma, huwag. Huwag mo po 'kong tanungin kung anong problema ko. Hindi ko din po kasi maintindihan 'yung sarili ko, Ma. Sobrang hirap na, Ma. Pagod na pagod na ako sa lahat-lahat, Ma. Hindi ko lang masabi kasi natatakot akong balewalain ng iba. Sobrang hirap matulog kasi 'yung mga boses sa utak ko na nagsasabi na walang kwenta itong buhay na 'to hindi matigil-tigil hanggang sa iniiyak ko na lang lahat. Sobrang hirap pigilan 'yung pagtulo ng mga luha ko habang sinusubukang maging normal at masaya sa harap niyo. Sobrang hirap tumingin sa mga mata ng mga tinatawag kong kaibigan pero walang binigay sa akin kundi puro ngiti na puno ng kasinungalingan. Sobrang hirap na wala akong alam kung ano ba dapat 'kong maramdaman. Nakakapagod pilitin 'yung sarili ko. Nakakapagod ng umiyak, Ma. Nakakapagod dalhin 'tong samu't saring nararamdaman ko dahil sobrang bigat na nito na parang sasabog na ako. Nakakapagod, sobra..." Tumigil ako sandali para hayaang bumuhos ang luha ko. Napuno na ako. Pagod na ako. Sumabog na ako.
"Ma, sobrang hirap. Bakit kaya? Nakakatawang malaman na kahit anong pananakit ang gawin ko sa sarili ko, wala na akong maramdaman. Namanhid na ako ma. Sabay-sabay bumagsak eh. Nakakagago, Ma. Magiging blanko ulit ako tapos bubuhos sabay-sabay lahat ng emosyon sa dibdib ko hanggang sa bumigat. Sinong magugustuhan 'yon? Ewan ko, Ma. Kahit ngayon, hindi ko mahanap ang tamang salita para ipahiwatig sa'yo lahat ng nangyayari sa akin. Ubos na ubos na ako, Ma. Walang wala na ako. Sobrang hirap matulog pero sobrang hirap rin gumising. Sobrang hirap sagutin ang tanong na bakit nagising pa ako sa tuwing babangon mula sa pagkakatulog ko. Ang ewan ko po, diba? Basta ang alam ko po, hindi ko na alam ang gagawin ko. Sobrang blangko na lahat para sa akin. Nahihilo ako dahil dito. Ma, ang hirap po. Sobra." Patawad sa'yo aking ina. Alam kong nasasaktan ka na makita ako, na anak mo, na umiiyak pero Ma, puno na 'ko eh.
Napaluhod ako dahil sa pag-iyak. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
"Nakakagago na po. Palagi na lang po akong nakabilanggo sa sarili kong isipan. Hindi ko na rin alam kung normal pa ba ako. Siguro nalulungkot lang ako. Pero bakit?! Bakit nararamdaman ko 'to?! Wala akong alam. Wala. Wala na akong maramdaman. Ma, sorry. Sorry kung nahihirapan na rin kayo dahil sa sitwasyon ko. Pero noon pa man, Ma, sinubukan kong ayusin ang sarili ko, pero wala. Naubos na lahat ng pag-asa ko. Suko na ako. Magiging ganito na lang ako hanggang sa sumuko na pati katawan ko. Patawad po, Mama." Malakas kong ibinanggit ang mga ito sa gitna ng malalakas na paghikbi.
"Anak..." pagtawag ni Mama sa akin.
"Patawad, Ma. Wala ng makakapag-ayos sa akin. Suko na ako. Hayaan niyo na lang po ako. Sorry, Ma. Akyat na po ako."