Naalimpungatan na lang ako sa busina ng trak ng basura mula sa labas. Umismid na lang ako dahil nasira na ang tulog ko, nabali ang kuwento sa panaginip ko. Nakakainis lang dahil halos isang araw na akong wala halos tulog dahil sa kakaisip sa pasukan mamaya. Nakakabaliw man kung iisipin, pero hindi pa rin ako makapaniwalang kaklase ko na rin siya, sa wakas!
Alejandro Elizalde. Iyan ang pangalan niya.
Fourth year college na rin pala ako. Nakakatawang isipin na pumapasok lang ako dahil sa kaniya. Pero ngayon, ito na talaga ang labanan dahil ang taong ito ang magdidikta ng hiniharap ko (kung mayroon man ako). Basta, ang alam ko ay masaya ako dahil malapit na akong makalabas sa kolehiyong ito.
"Bumangon ka na, Aqui," bulong ko sa sarili ko matapos kong humikab.
Tumayo na ako at saka lumabas sa pinto. Bawat yabag ng paa ko na lang ang nagbibigay-ingay sa paligid kong nakakabingi na ang katahimikan. Napalingon na lang ako sa isang sulok ng sala na palagi kong pinagtataguan kapag nakikipaglaro ako ng taguan sa mga magulang ko noong bata pa ako. Ngayong halos para wala na rin akong magulang kahit nasa medical mission lang naman sila. Pero bakit gano'n? Nakalimutan na yata nila ako?
Pinilit ko na lang na hindi maluha sa labis na katahimikan. Parang may makikinig din naman ba. Wala naman.
Hinilamos ko na lang ang mukhang kong nagmamantika na dahil sa labis ng init. Tiningnan ko na lang ang sarili ko sa salamin at saka ngumiti nang pilit.
Nagprito na lang ako ng itlog at hotdog mula sa ref. Isinangag ko na rin ang kaning tira ko pa kagabi. Matapos 'yon ay kumain na ako. Naghanda para sa eskuwela. Lumabas sa bahay at saka naglakad papunta sa istasyon ng jeep. Mabuti na lamang at walang masyadong tao. Sumakay na ako at naglagay ako ng bayad sa isang malaking baul ni Manong Drayber. Nang makarating ako sa eskuwela ay agad akong pumunta sa college ko – Arts and Letters.
Confirmed na kaklase ko nga siya. Napalingat lang ako saglit dahil narinig ko na ang tunog ng alarm. Hanggang sa may naamoy na lang akong eau de toilette na Varonil – sikat na pabango sa siyudad na ito at iilan lang ang nakakapag-pull off nito. Isa na nga roon si... Alejandro.
Magkadikit ang mga braso namin at wala man lang siyang napapansin na iba kun'di ang pagiging abala niya sa pagtingin sa class list sa bulletin board. Halos pumutok na yata ang mukha ko dahil mainit na naman ang mga pisngi ko. Halos mahimatay na ako dahil pakiramdam ko ay nagsabog ang langit ng pagpapalala sa akin. Kahit na atheist ako, magbabalik-loob talaga ako para lang kay Alejandro.
Sinuong ko ang karagatan ng mga tao para lang ialis ang sarili ko mula sa further self-destruction. Bakit? Alam kong hindi niya rin naman magugustuhan ang tulad ko. Malamang sa malamang, kung naririnig lang ng katrabaho kong si Lola ang nasa isip ko, bugbog sarado na ako sa savagery niya dahil alam na alam ko ang mga sasabihin niya sa akin.
Ano'ng pangit sa'yo? Lahat!
Masyado ka na namang nega-star, Sharon Cubeta!
Mukmok ka nang mukmok d'yan! Wala ka namang love life, to begin with.
Naririnig ko na naman ang boses niyang kokak, pero walang tatalo sa kaniya pagdating sa matinding usapan.
Napabuntong-hininga na lang ako.
Pumasok na ako sa klase at saka ko natanto na masyado na pala akong nadadala ng mga kadramahan ko sa buhay. Maingay ang paligid ngayon dahil nagdadaldalan na naman ang mga kaklase ko. May ibang nagyayabangan kung ilang babae ang na-vetsin nila nitong bakasyon. May iba naman na naglalabanan kung sino ang mas makipot. Ang matindi, may mga essay pa sila tungkol sa mga kagaguhan nila.
Walang ano-ano ay napansin ko na lang na katabi ko na pala si Alejandro at mahimbing na natutulog. Parang anghel talaga ang mukha niya. Mula sa peripheral vision ko, nakikita ko pa rin ang mahaba niyang pilikmata, ang ilong niyang tila nililok ni Miss Cherie Hill Sheridan. Ang braso niyang tila bakal na kung titingnan dahil mukhang matigas na ang mga ito. At sumuko na ako sa tanawing ito. Wala na.

BINABASA MO ANG
Siya
De TodoSa Ciudad Cuadrada, isang binatang nagngangalang Aqui ang iniwan ng kaniyang mga magulang noon, at ngayo'y namumuhay nang mag-isa. Si Al naman ang kaniyang nagugustuhang lalake. Ang pangarap niya sa tuwina at ang nag-iisang dahilan kung bakit pumapa...