Sa panahon ngayon, dalawa na lang ang sigurado – isang taon na lang ako sa college at may ulupong na magpapapangit ng alaala ko sa college. Masyado naman yatang dysptopic. Sa tingin ko ay kailangan ko na lang pasayahin ang sarili ko. Ngumingiti na nga lang ako sa mga lumalampas sa booth ng Literary Circle namin. Pero dahil sa president naming si Marya, may chance na naman kaming makapasok sa top 10 na maraming recruits this year. Paano ba namang hindi dadami? Sideline na yata niya ang pagiging umalohokan sa isang barangay. In fairness naman kasi sa kaniya, maboka siya. Buti pa siya.
Nakatanghod lang ako rito ngayon at ang daming sulat sa kahon. Ako kasi ang isa sa mga courier na maghahatid ng mga sulat na ito. Mantakin mo ba namang ako ang itinoka kina Darcy at Al? Napaismid na lang ako sa pagkadismaya.
"Sis, sis," pagtawag ng pansin sa akin ni Marya.
"O, bakit?"
"Cut off na. Puwede mo nang ibigay ang mga sulat na ito."
Napasinghal na lang ako.
"Bakit naman kasi ako pa ang napili mong magbigay ng mga 'to sa best friend ko at sa kumag na 'yon?"
"Kumag pala si Al, huh? Pero patay na patay ka pa rin. May pagkamasokista ka yata?" Pang-aasar niya na naman sa akin.
"Sis naman, puwede namang kina Donald at Julian na lang. Bakit sa kanila pa?"
"Sis naman. Ikaw lang naman ang nakakakilala sa dalawa. Unang-una, kapag sa 'yo nanggaling ang mga sulat, alam nila kung kanino sila magtatanong. Pangalawa, para naman magkaayos na kayo ng Kumag mo."
"Kumag niya mukha niya! Leche siya!"
"Hayaan mo na. Hindi naman mapapasamang record ang nangyari sa inyo two weeks ago. Sige na."
Lelempoy-lempoy pa akong tumayo at pinilit ko na lang ang sarili kong maglakad sa malaking quadrangle. Buti na lang at madaling mahanap ang booth nila. Paano ba naman? Hugs for 10 pesos ang pagganap nila. Ang masakit pa, kapag 30 pesos ang binigay mo, may kiss pa sa pisngi. Parang mga naging hosto lang sila e. Nakakainis!
Napakabigat pa ng dala kong bag dahil punung-puno pa ng mga sulat.
Habang naglalakad ako ay bigla na lang humarang sa harapan ko ang Bash and Friends – mga chakang bakla na putok ang blush on at mukhang mga miyembro ng Kyoshi warriors. Naisip pa talagang manggulo sa trabaho ko ngayon dito.
"Hi, Chaka Khan," pagbati sa akin ni Bash.
Binara ko na agad sila.
"Wala akong panahong makipagtarayan sa inyo. Umalis kayo sa daraanan ko," mariin kong pagkakasabi.
"Wow! Natakot ako!" Pang-uuyam pa ng isa sa mga alipores niya.
"Lintik naman talaga, Gervacio! Umalis ka sa harapan ko! Dadagukan kita!"
Nagtawanan ang mga nakarinig sa pangalan niya at nilasayan ko na nga sila. Kumaripas na ako ng takbo dahil pagkatapos nito ay makakaalis na rin ako.
Nang makita ko na ang stall ng football team ay agad kong tinanong ang isa sa mga players na nasa harapan at naghahasik na rin ng kakisigan kuno.
"Magandang umaga. Puwedeng magtanong?"
"Ano 'yon?" At ngumiti siya sa akin.
"Kasi may mga sulat na kailangan kong ibigay kina Darcy Spencer at Alejandro Elizalde."
"Ah. Magpaalam ka na lang kay Coach Saludares. Tatawagan niya na lang ang dalawa. Naka-break kasi ngayon."
Habang naglalakad ako papunta sa nakaupo nilang coach ay ang tatalas ng tingin ng mga bakla at babae rito ngayon. Inirapan ko nga rin. Ano naman ang akala ng mga dalhirang 'to sa akin? Nakakatawa lang.

BINABASA MO ANG
Siya
De TodoSa Ciudad Cuadrada, isang binatang nagngangalang Aqui ang iniwan ng kaniyang mga magulang noon, at ngayo'y namumuhay nang mag-isa. Si Al naman ang kaniyang nagugustuhang lalake. Ang pangarap niya sa tuwina at ang nag-iisang dahilan kung bakit pumapa...