Sunmer Heartbreak
Written by: JheangLiitSa mainit na panahon, sa kalagitnaan ng buwan ng Abril, hinding hindi ko makakalimutan kung paano ko s’ya nakilala. Kung paano ko nakilala ang lalaking nagpatibok at nagpakirot ng puso ko.
Summer noon dito sa Pilipinas, at kapag summer, grabe talaga ang init. Animo’y niluluto ka sa gitna ng isang nagliliyab na kahoy, ganoon kainit!
My gosh, kailangan ko palagi ng sunblock! Kung hindi ay masusunog ang napakaganda kong balat!
Luminga ako sa paligid para tingnan kung may mga nakatingin ba sa gawi ko, pero wala kaya siguro ayos lang kung dito na lang ako sa waiting shed maglalagay ng sunblock. Pakiramdam ko kasi, nalusaw na lahat ng ipinahid ko sa katawan ko nang dahil sa sobrang init.
Nagpapahid na ako sa legs ko nang may lumapit sa aking isang lalaki, umupo s’ya sa tabi ko habang humihingal. Awtomatikong nag angat naman ako ng tingin sa kanya. Pawis na pawis s’ya at mukhang pagod na pagod. Ang buhok n’ya ay magulo pero kahit na ganon, kitang kita ko parin ang kagwapuhan sa kanyang mukha.
“Ayos ka lang?”
Hindi ko alam kung bakit bigla akong nagtanong, nakakahiya nga, eh. Pero kasi mukhang sobrang pagod s’ya.
“Ang lakas kasi ng ulan, nagsimula roon--”
Napalingon ako sa paligid, umulan na nga! Sobrang init kanina tapos biglang umulan! Nakakainis naman oh, wala talagang pinipiling oras at araw ang ulan!
“Biglang ulan?!” gulat na tanong ko na parang hindi ko pa alam.
Bahagyang natawa ang lalaking nasa tabi ko.
“Kaya tayo nagkakasakit, eh. Kasi ang init tapos biglang-- achoo!”
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko s’yang bumahing. Kinukuskos n’ya na ngayon ang ilong n’ya.
“Sabi ko na nga ba, eh.”
Iiling iling na tumayo ako at inilabas ang payong na nasa loob ng shoulder bag ko. Bakit ko nga ba kinakausap ang isang stranger?
“T-teka, saan ka pupunta?”
Tinaasan ko s’ya ng kilay. Bakit? Anong problema ng lalaking ‘to?
“Uuwi na ako sa bahay namin, bakit?”
Nahihiyang napakamot s’ya sa ulo n’ya bago nagsalita.
“Eh kasi, sasakay ka ba ng jeep? Wala kasi akong payong...”
Mas lalong tumaas ang kilay ko.
“Ayoko nga, kung makikisabay ka, ayoko. Hindi ko masasabi kung anong klaseng tao ka, I mean, hindi kita inaakusahang masamang tao pero ganoon na nga, kahit pa gwapo ka--”
“Okay miss, naiintindihan ko kung hindi mo ako pasisilungin. Pasensya na,” sabi n’ya.
Lumungkot ang mukha n’ya at saka umayos ng upo. Yumuko s’ya at pinagsalikop ang mga daliri.
Nakakaawa naman ‘tong si kuya... pero kasi, hindi ko talaga masabi kung masamang tao ba s’ya o hindi. Pero... Nakakaawa talaga! Bakit kasi ang gwapo nito?
Iwinaksi ko sa utak ko ang awa na nararamdaman ko at saka pumara na ng jeep pero bago ako sumakay ng jeep, hindi talaga nawala ang awa ko at pakiramdam ko, lalamunin ako ng konsensya kung hindi ko s’ya papasilungin.
“Kuya, sabay ka na sa akin.”
Akala ko, iyon na ang una’t huling pagkikita naming dalawa. Matapos nang araw na iyon, ilang beses pa kaming nagkita sa kaparehong waiting shed na iyon. Nakasanayan na nga naming dalawa, eh. Kapag nagkikita kami, nagkakamustahan at nag-uusap pa kami kahit na saglit.