CHAPTER SEVEN

5.2K 125 1
                                    

PARANG gustong magsisi ni Freya na sumama-sama pa siya sa gig ng banda ni Ziggy. Naa-out of place kasi siya sa porma ng mga tao roon. Paano ba naman, black slacks at red blouse na pinaresan niya ng black shoes ang suot niya habang ang ibang mga kababaihang nandoon ay naka-party clothes—maiiksi, maninipis, at kumikislap.

Nararamdaman na nga niya ang mga tinging ipinupukol ng mga tao roon sa kanya na parang nagsasabing: "What the hell is with the outfit?", "You call that clothes?" o "You got the wrong place, Miss."

Para kasi siyang pupunta sa opisina sa suot niya. Ngayon parang pinagsisihan niyang hindi niya piniling suotin ang nag-iisang minidress niya. She's definitely invading the wrong crowd at the wrong place. Samantalang ang kasama niya, walang ka-effort-effort na nagmukhang "in" sa crowd.

Hindi nga niya alam kung magiging masaya ba siya o hindi na nasa tabi niya si Ziggy nang mga oras na iyon. Panaka-naka kasi siyang tinatapunan ng mga matatalim na tingin ng mga fans nito. Kulang na lang ay itapon siya ng mga ito palabas ng bar. Pero dahil na rin nandoon si Ziggy sa tabi niya ay sa lalaki na napunta ang lahat ng attention ng mga babae at mga bakla sa loob ng bar.

Paano ba naman, kahit simpleng "I Hate War" T-shirt at ripped jeans lang ang suot nito ay parang ang bongga na niyon sa mga mata ng mga die-hard fans nito na nagsitilian pa nang pumasok ito sa loob ng bar. Kaya hindi na siya masyadong pinansin ng mga ito at pinagnasaan na lang ang anyo ni Ziggy.

Magulo ang pagkakaayos ng buhok nito na umabot na sa batok nito. Tila sinadya talaga nitong magmukha rakista sa porma nito—minus the hair color, piercings, hardcore accessories at eyeliner. He just simply looked ruggedly handsome. At talaga namang mababanaag ang excitement sa anyo nito. Nagniningning ang mga mata nito sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Tila excited ito sa kung anong mangyayari. Baka ganoon talaga ang anyo nito tuwing magpe-perform ito sa entablado.

Hindi mo alam kasi first time mo namang pumunta sa gig niya, 'no, isip-isip niya. Bakit nga ba hindi siya dumalo sa ibang mga gig nito? Sana noon pa niya nakita ang ganitong side ni Ziggy.

Lumakas ang tilian nang umakyat na ang banda ni Ziggy sa entablado. Para itong artista na pinagkakaguluhan ng mga fans nito. Hindi naman niya masisisi ang mga fans nito dahil may dahilan naman kasi ang banda ni Ziggy. Hindi lang magagaling ang mga itong tumugtog, may mga hitsura din kasi ang mga ito. May kanya-kanyang dating 'ika nga. Pero kahit ganoon parang napako lang ang tingin niya sa iisang direksiyon—kay Ziggy.

Matapos ang dalawang kanta at sa kabila ng tilian ay biglang tumikhim si Ziggy na tila pinapatahimik ang lahat. Tumahimik naman ang mga ito at naghintay ng sasabihin ni Ziggy.

"Good evening, ladies and gents. Are you having fun?" Malakas na tilian at hiyawan ang naging sagot na sinuklian ni Ziggy ng isang makalaglag panty na ngiti. "Thank you. But tonight, I would like to sing a song that would express my feelings for a certain woman." Agad na may nagreklamo sa sinabi nito. Meron pang bading na sumigaw ng isang dramatic na "No!" habang may paluha-luha pa. Pigil-pigil niya ang kanyang hininga nang mga oras na iyon. Parang biglang sumikip ang dibdib niya at nanuyo ang kanyang lalamunan.

"I'm so sorry, everyone, but human as I am, I also fall in love with a special person. Kaya lang, sa kamalas-malasan, ilang taon na siyang nasa puso ko at lahat na yata ng pagpapapansin nagawa ko, eh, wala pa ring effect sa kanya..."

"Akin ka na lang, Papa Ziggy!" sigaw ng kung sino sa loob ng bar.

Kinindatan ni Ziggy ang direksiyon ng kung sino mang sumigaw na iyon. "I'm sorry, baby, but she got to me first." Ang mga reklamo at hindi pagsang-ayon ng mga fans nito ay biglang naging kilig na tilian. Tila kinikilig na ang mga ito sa mga pinagsasasabi ni Ziggy. "Anyway, this is for that special girl somewhere who's been blind to all my efforts... Kaya magle-level-up na ako ngayon." Pumalatak ito. "Parati mo na lang akong pinapahirapan, honey..." Nagsigawan ang mga tao at may ibang nagsipulan pa.

The Prude Damsel (published/unedited)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon