PROLOGUE

15.1K 210 1
                                    

"BILISAN mo na at kanina pa naghihintay sina Colette," sigaw ni Freya sa papaakyat na si Jaeda.

"Oo na, oo na. Kumuha ka na lang ng juice sa ref habang naghihintay ka diyan," wika nito bago nagmamadaling pumasok sa kuwarto nito sa ikalawang palapag ng bahay.

Magkikita silang magkakaibigan dahil malapit nang matapos ang summer vacation at sa susunod na pasukan ay magse-second year na sila sa kani-kanilang kurso sa kolehiyo. Accounting ang kursong kinuha niya samantalang Business Administration ang kinuha ni Jaeda kasama nina Elise at Aika. Si Colette naman ay Masscomm ang kinuhang kurso.

Dinaanan na niya si Jaeda dahil malapit lang naman ang bahay nito sa kanila. At tama lang ang naging desisyon niya dahil mukhang hindi pa ito kikilos kung hindi pa niya ito pinuntahan. Matagal pa naman itong mag-ayos.

Umupo na lang siya sa sofa at nagbasa ng mga housekeeping magazine na nakapatong sa katabing rack ng sofa.

Nasa kalagitnaan siya ng pagbabasa nang may narinig siyang kotseng huminto sa garahe. Naisip niyang baka ang kuya nito iyon dahil ang mga magulang nito ay nagbakasyon abroad at sa makalawa pa ang uwi.

Ang mga magulang kasi ni Jaeda ang may-ari ng paaralang pinapasukan nila pero kahit hectic ang schedule ay sinusulit ng mga ito ang bakasyon kahit pa sandali lang iyon.

Nakita niyang papasok ng bahay si Jorick. Binati siya nito nang makita siyang nakaupo sa sofa. "O Freya, nandito ka pala. Kumain ka na ba?"

"Tapos na ako. Hinihintay ko lang si Jaeda na matapos mag-ayos. May lakad kasi kami."

Tumango ito. "May lakad na naman pala kayong magkakaibigan. By the way, you know Ziggy, right?" Lumingon ito sa lalaking nasa likod nito na hindi niya namalayang kasama pala nito sa pagpasok.

Napatingin siya sa lalaking kasama nito na nakangiting nakatitig sa kanya. Si Zigmundo "Ziggy" Gatchalian. Sino ba naman ang hindi makakakilala sa lalaking ito? Ang mga magulang at mga kapatid lang naman nito ang isa sa mga pinakamagagaling na abogado sa buong bansa. Sa pagkakaalam niya ay wala pang naitatalong kaso ang mga iyon. It's a good thing they work for the good side. They strongly believe on justice and they want to bring that justice to those na talagang kailangan iyon.

Well, hindi lang naman ang mga magulang at mga kapatid nito ang sikat. Sa katunayan ay popular din ito sa campus—kasama ng buong barkada nito. They were known as the "Dream Lovers". Masagwa mang pakinggan, iyon talaga ang bansag sa mga ito mainly because they were hot, rich, and gorgeous—definitely the type of guy any girl would dream of as their lover.

Sa grupo, sina Jorick at Rieley ang may pinakamaraming head count ng mga fans, lalung-lalo na ng female population dahil hindi naman tinatanggihan ng mga ito ang mga kababaihang lumalapit sa kanila. In short, mga numero-unong playboy ng grupo ang mga ito. Si Caleb naman ang pinakasuplado sa grupo, pero kahit ganoon ay hindi pa rin maiwasan ng mga babae na lumapit dito dahil hinahangaan ng mga ito ang pagiging guwapo, matalino at pagiging seryoso nito na kung minsan ay nauuwi sa pagiging suplado. Kung ano ang nagustuhan ng mga kababaihan doon ay isa iyong malaking palaisipan sa kanya. Si Jared naman ang pinaka-loyal na type, a one-woman type of guy. Hindi kasi nito pinagsasabay ang mga babaeng nakaka-date nito. Ito na siguro ang lesser evil sa grupo. At kung ito ang lesser evil, si Ziggy naman ang greater evil.

Kung sila na lang siguro ni Ziggy ang natitirang nilalang sa mundo ay hinding-hindi niya pa rin ito papatulan. Mas sikat nga ito kumpara sa iba pero hindi kasi siya mapalagay kapag nasa paligid ito. Guwapo naman ito, matangkad, mestiso, palabiro, medyo pilyo, gitarista sa isang banda, at may pagka-playboy ang aura. O marahil dahil alam niyang playboy sina Jorick kaya somehow parang nahawa na rin ito sa aura ng mga kaibigan.

The Prude Damsel (published/unedited)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon