UPOS
ni: CorrectionFluid
Hithit.
Buga.
Subo.
Luwa.
Hithit.
Buga.
Subo.
Luw(h)a.
"I NOW pronounce you, man and wife."
Nagpalakpakan ang mga taong dumalo sa kasalan. Dinig na dinig ko ang marahas na pagkiskisan ng ibat ibang mga kamay sa lugar na pinagdausan nito. Bawat tunog na maririnig ko, mistulang sigaw na umaalingawngaw sa loob ng bulwagang kinaroroonan namin ngayon.
Kitang – kita ng mga mata ko yung kislap na bumabalot sa mga mata ng bagong – kasal. Siguro, yung sayang nararamdaman nila hindi kayang ipaliwanag ng kahit na anong salitang mahuhugot ko mula sa aking isipan. Halatang tuwang – tuwa sila dahil sa araw na ito, sa mata ng Diyos at ng tao, ganap na silang iisa.
Mahihinuhang pinagkagastusan ang kasal ng husto. Mula sa mga materyales na ginamit hanggang sa damit mismo nong mag – asawa, hindi biro ang presyo. Mukhang mamahalin, hindi basta – basta at lalong hindi pipitsugin.
Marami rin ang bisita.
Liban sa mga kamag – anak at malalapit na kaibigan, nandoon din ang mga kasabayan naming alumni sa minamahal naming eskwelahan.
Dumalo rin yung iba naming propesor at mga propesora. Bakas din sa mga mukha nila ang kagalakang nadarama para sa dalawang estudyanteng may magandang kinahinatnan.
Sabagay, sino ba naman ang hindi matutuwa kung ang batch Magna at Summa Cum Laude ng klase namin ang siyang nagkatuluyan? Akalain mo nga naman, sa hinaba – haba ng bangayan nilang dalawa, hahantong din pala sila sa kasalan.
Kumpleto rin ang buong klase. Nagkita – kitang muli ang magkakatropa.
Buong - buo ang dati naming barkada. Nagkasama – sama ang dati – rating magkakasangga.
Pero hindi ako interesado sa kanila.
Isang tao lang ang pinagmamasdan ng mga mata ko pagkatuntong na pagkatuntong ng mga paa ko sa lugar na 'to.
Isang tao lang.
Siya, na pinakamatalik kong kaibigan noong kolehiyo.
Siya, na tanging taong pinagkatiwalaan ko.
Siya, na hanggang ngayon—
"Abby, grabe 'no? Hindi ko akalain na si Jolo ..."
"Oo nga e, 'kala ko ba, nakapag – usap kayo no'ng graduation?"
Putang'na.
Nakakairita. Heto na naman sila. Paulit – ulit lang.
Nakakasawa na.
"Hayaan niyo na nga siya. 'Yan ang gusto niya e. D'yan sa masaya, e 'di suportahan niyo na lang."
Umalis muna 'ko sa lamesa namin. Baka lang kasi hindi ko na matantiya yung mga makukulit na bunganga ng mga kaibigan—dating kaibigan ko. Lumabas muna 'ko ng bulwagang 'yon at matamang pinagmasdan ang mga taong dumaraan.
Oo, Nakita ko na nga siya. Makalipas ang walong taon. Mukha naman siyang masaya na. Samantalang ako, Mula noon ... Hanggang ngayon ...
Miserable pa.