Bakuna ang Kailangan!

27 0 0
                                    


Matapos ang isang linggong pamimigay ng libreng bakuna ng departamento, bumula ang bibig ng mga bata sa barangay Bola-bola. Sinugod ng mga magulang ang plaza kung saan nasa kalagitnaan nang pagturok sa isang batang estudyante ang direktor ng programang 'Kontra-kahirapan, bakuna ang kailangan!'

"Ser! Yung anak ko po bumula yung bibig," sabay tusok ng direktor ng karayom sa braso ng bata na parang lobong hindi nito natanggap noong huling ika-labindalawang kaarawan nito. "'Di kaya dahil po sa bakuna niyo po 'yun? Tulungan niyo po kami, 'ku po, kawawa naman ang anak ko parang nalason na ata. Paano na po kami niyan? Ser, tulungan niyo po kami."

"Teka lang po, a," tiningnan niya ang batang may karayom sa braso, nagpipigil itong umiyak, sinenyasan niyang lumapit ang kanyang sekretarya at inabot ang heringgilyang nakaturok sa batang naghihintay nang pumutok ano mang oras. "Ikaw muna dito. Kailangan ko lang kausapin sina misis."

"Pero sir, hindi po ako authorized mag-handle nito," dumulas sa kamay ng sekretarya ang pinasa sa kanyang trabaho kaya 'di napigilan ng batang mapakagat sa kanyang mga labi.

"E, 'di hawakan mo na lang muna," biglang napalingon ang bata na gusto pa sanang magreklamo kaso mas mabilis siyang tinalikuran ng direktor. "Magandang tanghali po, ano po ba'ng problema?"

"Yung mga anak po namin bumula yung bibig. Kagagawan 'to ng bakuna niyo, e. Baka expired na yung bakuna. Tinitignan niyo ba kung kailan ang expiration date niyan?"

"Kalma lang po tayo, onting distansya lang po," inabot ng Direktor ang panyo niya sa bulsa at ipinantakip ito sa ilong at bibig habang hindi magkandaugaga sa 'pag layo ang mga kausap nito. "Alam niyo po Misis, imposible po 'yun, 2016 pa po 'yung expiration ng mga makabagong bakuna na tinatawag nating Kontra-12. Ito pong mga bakunang ito ay galing pang Amerika, wala po kayong dapat ikabahala. Hindi po 'to tulad ng mga pipitsuging gamot natin dito sa Pilipinas. De-kalidad po ang bakunang itinurok namin sa mga anak niyo. 'Yan din po ang bakuna na ginagamit ng mga eskwelahan sa mga mayayamang bansa para masiguradong kahit kailan ay 'di madadapuan ng kahirapan ang mga estudyante nila. Kaya imposible pong 'yung bakuna namin ang rason ng pagbula ng bibig ng anak niyo."

"Bakit po ganun? Pati rin po yung mga anak ng mga kapit-bahay ko na nagpabakuna rin dito, bumula rin po ang bibig?"

"Baka naman po matindi na ang kahirapan ng mga anak niyo. Malamang ay umeepekto na ho yung gamot. Kayo rin naman po kasi Misis, hindi niyo inaalagaang mabuti ang mga anak niyo. Baka nga hinawaan niyo lang po sila. Nabakunahan na po ba kayo? Ay, malamang hindi pa. Ang mga bakuna po kasing 'to ay para lamang sa mga batang labindalawang taong gulang kaya tayong matatanda ay 'di na tatablan nito. Kaya kailangan mag-ingat tayo. Dahil, kung 'di niyo pa alam, 'yang kahirapan na 'yan po kasi, nakakahawa at ang mas nakakatakot pa po ay mabilis po itong kumalat. Buti na lang at may mga libreng programa ang ating gobyerno tulad nito. Pasalamat na lang po kayo Misis at maisasalba pa ho ang anak niyo."

"Ibig mong sabihin wala kaming dapat alalahanin kahit na bumubula na ang bibig ng mga anak namin?"

"Punasan niyo na lang po muna 'yung bibig nila. Ganun po talaga, e. At least misis, mapupurga na ang anak niyo sa kahirapan."

"E, gaano ba kabilis yung epekto niyan? Kailan kami yayaman?"

"'Wag po kayong atat Misis," kinalabit siya ng kanyang sekretarya. "Ay, teka lang po mga misis. Saglit lang po."

Hindi na naghintay ng pagbalik ng direktor ang mga inang nagmamadaling umuwi ng kani-kanilang bahay para mapunasan ang mga bula sa bibig ng mga anak nila. Hinila ng sekretarya ang direktor sa likod ng trak na nagsisilbing laboratoryo ng mga kasama nilang volunteers sa departamento.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 15, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bakuna ang Kailangan!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon