Chapter 5: Meet The Parents (7/25/2018)

219 10 1
                                    


Chapter 5: Meet The Parents

Written By: Cristina_deLeon

ISANG HINDI inaasahang bisita ang bumulaga kay Zoey. Walang iba kundi si Angelo na nasa labas ng bahay nila!

"May naghahanap sa 'yo, Zoey! Naku, kanina pa paikot-ikot 'yan do'n sa labas, bakit hindi mo man lang ibinigay ang cellphone number mo para tinawagan ka na lang niya?" paninisi pa ni Manang Tessy na nilapitan siya sa loob ng bahay.

Napatingin tuloy siya kay Angelo na ngiting-ngiti. Kumakaway pa ito at itinaas ang hawak nitong supot na parang may laman na maraming pagkain.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya rito nang malapitan niya ito.

"May naiwan ka kasing notebook sa library. Naisip ko na baka kailangan mo 'yon kaya ihahatid ko lang sana sa 'yo. Mabuti na lang at may address kaya nahanap kita agad," nakangiting sabi nito.

Iniabot na sa kanya ni Angelo ang notebook na kinuha nito mula sa bag nito.

"Salamat. Sige, alis ka na," sabi niya.

"Alis agad? Hindi mo man lang ba ako papapasukin?" nakangiting tanong ni Angelo.

Sasagot pa sana siya nang bigla na lang siyang nakarinig ng nagsalita. Si Aling Gelay iyon. Ang landlady ng tinitirhan nila.

"Nasaan na ang bayad mo sa upa ng bahay, ha, Zoey? Kayo, kung hindi ninyo kayang magbayad ay magsilayas na lang kayo!" Galit agad si Aling Gelay nang lumapit ito.

"Ibinigay ko na po kay mama ang bayad namin para sa upa ng bahay, hindi pa po ba niya naibibigay sa inyo?" nagtatakang tanong niya.

"Walang ibinibigay ni singkong duling ang nanay mong unano!"

Doon na dumating si Aling Amor. Mukhang kagagaling lang sa palengke.

"O, ayan na pala ang nanay mo, bakit hindi mo sa kanya itanong?"


----------------

NANLAKI ang mga mata ni Angelo nang makita kung sino ang itinutukoy na ina ni Zoey. Ang akala niya kanina ay batang babae ang papalapit sa kanila pero nang makita niyang maigi ang mukha nito ay napatunayan niya na isa iyong may edad na babae!

"Mama, totoo po ba ang sinabi ni Aling Gelay na hindi pa po tayo bayad sa upa rito sa bahay?" nagtatakang tanong ni Zoey.

"Anak, pasensya ka na. Kinailangan ko kasing ipacheck up ang papa mo sa clinic no'ng nakaraang araw para malaman kung parehas pa rin ba iyong mga gamot na dapat niyang inumin. Kung may improvement ba sa sakit niya. E, biglang nagtaas ang singil ni doktora, e. Kaya ayun, napunta sa kanya iyong pambayad sana sa bahay," sabi ng maliit na babae.

"Bakit hindi po ninyo sinabi sa akin agad, mama? Para sana nagawan ko ng paraan," nag-aalalang tanong ni Zoey.

"Para mag-ot ka na naman at pagurin mo na naman ang sarili mo? Kapag puro ka trabaho, kahit na nag-aaral ka pa ay baka ikaw naman ang magkasakit, anak. Isa pa, mas marami pa akong kinuhang labada ngayong week kaya sigurado ako na makakabayad din ako sa kanya. Ako na lang ang bahala," sabi ng babae.

"Ma—"

"Aling Gelay, pasensya na po pero sana ay mabigyan pa po ninyo ako ng palugit kahit na isang linggo lang. Pangako, mababayaran ko na kayo next week." Bumaling na sa bungangerang kapitbahay si Amor.

"Next week, next week, puro na lang next week! Kung hindi ninyo kayang magbayad ngayong araw ay magsialis na lang kayo sa bahay ko! Aba, ang daming ibang tao riyan na naghahanap ng murang mauupahan, hindi ko kailangang magtiyaga sa inyo, 'no!" patuloy na pagtatalak ng babae.

1. Ang Lihim Ng Kahapon (SELF PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon