1. Present

17.6K 233 27
                                    

SANA BUKAS TAYO PA RIN

(Dedicated to @ xerdenx )


HAWAK ANG kamay ng estudyante niyang umiiyak, lumakad si Evangeline sa ilalim ng tirik na tirik na araw sa dirt road patungo sa nag-iisang dental clinic sa kanilang barangay.

Umaalimbukay ang alikabok tuwing umiihip ang pabugsu-bugsong hanging amihan. Nahihinto lang sa pag-iyak ang bata kapag napupuwing. Kinukusot nito ang mga mata at pagkatapos ay tuloy na naman sa pagngalngal.

"Sandali na lang Mykah. Konting tiis pa. Malapit na tayo sa clinic ni Doctor Del Pilar."

Lalong lumakas ang iyak nito. Wala lang itong mapagpiliin. Alam iyon ni Evangeline. Nahihirapan ito sa matinding sakit ng ngipin, at takot din sa dentista.

Nang matanaw na ni Evangeline ang matatayog na puno ng Caballero sa harapan ng kanilang bahay, siya naman ngayon ang parang nasa kalagayan ni Mykah. Kailangang madala ang kanyang estudyante sa dental clinic, pero ayaw niyang makaharap si Doctor Gideon Del Pilar.

Binagalan niya ang lakad nang mapatapat sa bahay nila. Wala sa harapan ang kanyang ina. Wala rin doon ang nag-uulyanin na niyang lolo na si Lolo Jose.

Pero matanda na siya. Hindi na niya kailangan ang padrino na makakasama sa pagtungtong sa klinika ni Gideon. Kadikit ng bakod nila ang dental clinic dahil kapitbahay lang nila ang mga Del Pilar. Magkatabing nakatirik doon ang dalawang bahay mula noong hindi pa sila naipapanganak ni Gideon. Pero ngayon lang siya makakapasok sa klinika.

Tumapat sila sa dental clinic. Hinagod ni Evangeline ang hanggang baywang niyang buhok na nagulo sa hangin. Conscious na niyuko niya kung may dumi o gusot ang kanyang uniporme.

Naudlot sandali ang kanilang pagpasok sa paglabas ng isang pasyente. Pinauna niya si Mykah sa pagpasok. Mahina na noon ang iyak nito.

Biglang napaharap ang nakatalikod na si Gideon pagkarinig sa iyak ni Mykah.

"Masakit ang ngipin mo, ano?" sabi nito sa bata bago itinuon ang tingin sa kanya.

Napalunok si Evangeline pagkakitang hindi pa rin nababawasa ang kaguwapuhan ni Gideon. Bumagay sa makinis nitong mukha ang suot na rimless eyeglasses. Nagsasalamin na pala ito.

"K-kaya nga napilitan ako na i-dismiss ang klase at dalhin siya dito."

Bumaling uli si Gideon sa bata. "Don't worry. Sandali lang at aalisin natin ang sakit ng ngipin mo."

Pero nagulat sila nang lalong lumakas ang iyak ng bata. "Ayoko po! Ayokong bunutin ang 'ipin ko!"

Walang anuman na nginitian lang ito ni Gideon. "Hindi ko naman bubunutin ang ngipin mo. Sabi ko aalisin natin ang sakit, di ba?"

Mukhang naunawaan ito ng bata, huminto na sa pag-iyak. Nagkusa na itong maupo sa dental chair.

Tumingin sa kanya si Gideon, pinanlakihan siya ng mga mata sa conspiratorial na paraan. Napangiti na si Evangeline, nawala ang pagkaasiwa.

"Maupo ka muna," sabi nito, itinuro ang upholstered bench na katapat ng desk.

"Thanks."

Tinatrato nila ngayon ang isa't isa na parang kaswal lang silang magkakilala. Parang hindi dumaan ang panahon na higit pa sa pagkakaibigan ang pinagsamahan nila. Pilit binabale-wala ni Evangeline ang kumakalat na hapdi sa dibdib niya.

Habang ginagamot si Mykah, malaya niyang pinagmamasdan ang kabuuan ni Gideon. Malapad ang noo nito na hindi naman mataas para magmukhang nakakalbo. Katamtaman ang lago ng mga kilay nito at may katangusan ang ilong. Bukod sa mga mata, ang shapely lips na minana nito sa ina ang madalas niyang mapansin kay Gideon.

Malaki ang pagkakahawig nito kay Tiya Romana. Namana naman ni Gideon ang katangkaran at morenong kulay sa ama. Mabuti na lang. Hindi sa pamimintas, hindi rin kasi guwapo ang kanyang ama. Nawawala lang ang kapangitan ng ama nitong si Tiyo Antero kapag ngumingiti.

Hindi pa tapos mag-usyoso si Evangeline sa kabuuan ni Gideon ay natapos nang gamutin si Mykah.
Iginala niya ang tingin sa kabuuan ng klinika habang nagsusulat ito sa reseta. Katamtaman lang ang laki ng silid. Kulay-krema ang pinta ng kisame at ng dingding. Nakasabit sa isang panig ang naka-frame na diploma ni Gideon mula sa pinagtapusang university ng kursong dentistry.

Sa dingding na kaharap ng dental chair ay may malaking poster ng mga ngipin sa nakabukang bibig. Malapit sa desk ay may isang bagong cabinet na ang ibaba ay mga drawers. Nakapatong sa ibabaw niyon ang picture ni Gideon na nakapaloob sa isang brass-gilded photo frame. Abot-tainga ang ngiti nito roon. Kahit sino magsasabi na napakaguwapo talaga nito, sa picture man o sa personal.

Katabi ng photo frame ay may isang mas maliit pa. Kumislot ang dibdib ni Evangeline nang makita kung sino ang dalawang batang nasa larawan. Malinaw pa rin kahit medyo kupas na ang kulay. Magkaakbay ang dalawang bata sa picture. Sila iyon ni Gideon.

Kasing edad lang siguro siya doon ni Mykah.

Hinding-hindi niya makakalimutan ang kuhang iyon. Matapos kasi silang kunan ng kanyang ama ng picture ay may ginawa sa kanya si Gideon na hindi na mabubura pa sa isip niya kahit kailan.

"Ipabili mo 'to sa mama mo, ha?" dinig niyang sabi ni Gideon sa bata.

Inalis na ni Evangeline ang tingin sa larawan.

"Lagi kang magtu-toothbrush pagkatapos kumain para hindi mabulok ang iba mo pang ngipin."

"Opo."

Magkasabay pa silang tumayo ni Gideon.

Sa kanya nito iniabot ang reseta. "Pakisabi sa mama niya na kung hindi na namamaga ang gilagid ng bata, ibalik kaagad dito para mabunot na ang bulok na ngipin."

Tumango siya kasabay ng bahagyang ngiti. Pagdukot niya sa bulsa ng kanyang uniporme, nawala ang kanyang ngiti. Wala nga pala siyang dalang wallet.


....................

Sana Bukas Tayo Pa RinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon