11. Pangahas

5.9K 160 30
                                    


“UMUWI NA lang tayo, Gellie. Please,” sabi kay Evangeline ng nag-aalala na si Gideon nang lumalakad na sila patungo sa bungalow. Ilang minuto rin siyang kinalma nito sa tabi ng isang nakasarang computer shop bago siya nagpasya na bumalik.

“Hindi. Huwag kang mag-alala, kaya ko ‘to,” nagngangalit ang mga bagang na sabi niya. May gusto pa siyang gawin. Tiyak na hindi siya matatahimik kapag hindi niya iyon nagawa.

“Baka iniisip mo na mag-eskandalo dito—”

“Hindi ako mag-eeskandalo,” agaw niya. “’Ne!” tawag niya sa batang nakasakay na sa bisikleta.

Gamit ang bike, lumapit ang bata sa kanila. Maganda ito. Nakuha nito ang mga mata ng kanyang ama, na mga mata rin niya. “Bakit po?”

“Anak ka ba ni Valentin Bonifacio?”

“Opo.”

“Ilang taon ka na?”

“Six po.”

“Ang ganda naman ng bike na ‘yan. Sa iyo ba iyan?”

“Opo.”

“Gellie, please,” tawag na naman ni Gideon.

Sasagot sana siya kung hindi lang nakita niya ang taong papalapit: ang kanyang ama.

“E-Evangeline?” Halatang nagulat ang papa niya. Hindi makapaniwala ang ekspresyon nito.

“Hindi kami mamimiyesta sa inyo, Papa.” Nagbabaga ang mga mata ni Evangeline habang nakatitig sa nakatulala niyang ama. “Maganda pala ang bahay n’yo.”

“Anak, huwag—”

“Hindi ako mag-eeskandalo kung ibibigay n’yo sa akin ang pambili ko ng bike, Papa,” kontrolado pero mariin ang bigkas ni Evangeline ng mga salita. “It was seven years late pero kailangan ko ‘yon ngayon.” Sumagap siya ng hangin para paluwagin kahit paano ang dibdib niya. “Napapaniwala n’yo kasi ako noon na hindi pambabae ang pagbibisikleta. Naniwala naman ako… Hanggang sa makita ko ang anak n’yo na nakasakay sa bisikleta niya. Binilhan mo siya ng bike, Papa. Pinapayagan mo siyang mag-bike. Hindi n’yo ‘yon ginawa sa akin noon.”

“Papa, sino po siya?” usisa ni Valerie nang sandaling tumigil sa pagsasalita si Evangeline. Nagsisikip pa rin ang dibdib niya.

“Ang pambili ko ng bisikleta, Papa,” singit niya. Inilahad niya sa ama ang isang palad. Nararamdaman na niya ang pagsungaw ng mapapait na luha sa kanyang mga mata. Oh, no! Huwag ngayon, please! Inilapit pa niya ang kamay sa kanyang papa.

Wala itong nagawa kundi ang maglabas ng wallet sa bulsa. Inilabas nitong lahat ang pera doon.

Pahablot na kinuha ni Evangeline ang mga perang papel sa kamay ng ama. “Salamat, ha?” patuya na sabi niya rito bago ito talikuran. Mabibilis ang mga hakbang na umalis na siya sa lugar na iyon.

Napasunod na lang si Gideon. Umalalay pa rin ito sa kanya.

“Papa, bakit mo po siya binigyan ng pera?” Dinig pa ni Evangeline na sabi ng bata sa kanilang ama.

“PAANO NA?”

Hindi sumagot si Evangeline sa tanong ni Gideon. Hindi rin niya alam ang sagot sa tanong nito. Nagpapasalamat siya at silang dalawa na lang ang sakay ng pampasaherong jeep na biyaheng Mabayo. Nasa pamimista pa ang karamihan ng tao kaya bihira ang mga sumasakay palabas ng bayan. Nagpaalam lang si Gideon sa mga magulang nito na uuwi na sila. Nagtataka man, pumayag na lang ang mga ito nang makita ang kanyang ayos.

Nakakahiya ang hitsura niya sa makakakita. Tiyak na namumula na ang kanyang mga mata sa tahimik na pag-iyak. Gusot ang lampas-balikat niyang buhok na hindi na niya pinagkaabalahan pang hagurin man lang ng mga daliri.

Sana Bukas Tayo Pa RinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon