12. The Morning After

4.5K 124 17
                                    


PAPADILIM na nang magising si Evangeline. Nanumbalik sa kanya ang mga nangyari matapos makitang katabi niya sa kama ang himbing pa na si Gideon. Nakahiga itong pataob, nakabaling sa kanya ang mukha. Yakap ng isang kamay nito ang baywang niya.

Payapa ang mukha ni Gideon habang natutulog—kapayapaan na kabaligtaran ng nararamdaman niya ngayon. Ano bang nagawa niya at humantong sila sa ganito?

Maingat niyang inalis ang kamay nito sa kanyang katawan. Maingat din siyang bumangon. Marahan niyang kinumutan ang kahubaran nito. Kinuha niya ang tuwalya na suot kanina at muling itinapis sa sarili.

Sa laundry area siya nagtuloy. Doon na rin siya nagbihis. Gusot-gusot at mahalumigmig pa ang mga damit na kinuha niya mula sa spin dryer ng washing machine ngunit hindi na niya pinansin.

Nakapa niya ang namumukol na perang papel sa kanyang bulsa. Medyo basa ang mga iyon at lukot din. Napakagat-labi siya pagkaalala sa pinagmulan niyon.

Naging padalos-dalos siya ng disisyon dahil sa paglukob sa kanya ng poot sa nalaman tungkol sa kanyang ama. Heto ang napala niya ngayon.

Basag na siya. Hindi na siya muling mabubuo.

Sinikap na pigilin ni Evangeline ang namumuong luha sa mga mata niya. Maingat siyang bumaba ng bahay ng mga Del Pilar.

HINDI INAASAHAN ni Evangeline na mabubungaran niya ang kanyang ama pagpasok niya sa sala. Sumulak na naman ang galit niya pagkakita rito.

“Saan ka nanggaling? Bakit ganyan ang ayos mo?” sita nito pagkakita sa hitsura niya na walang kaayusan.

Sinuklian niya ito ng isang nang nang-uuyam na ngiti. “Hulaan mo, Papa.”

Lumitaw ang galit sa mukha ng papa niya. “Huwag mo akong sagutin nang pabalang!”

“Sige, sasagutin kita. Diretso. Galing ako sa kama ng lalaking nag-divirginize sa akin.”

Sa narinig, lalong tumingkad ang galit sa mukha ng kanyang ama. Mabilis na lumapit ito, akmang sasampalin siya pero sinilag niya ang kamay nito.

“Oops, huwag ka nang mag-aksaya ng pagod na saktan ako.” Humakbang siya agad palayo rito. Masarap pala sa pakiramdam na tahasang sumalungat dito habang wala itong magawa. “Hindi na maibabalik ng sampal mo ang nasira sa akin. Isa pa, ano pa ba ang ikakatakot mo, Papa? Dati naman na akong sira. Mula pa no’ng sirain mo ang pamilyang ito.”

“Sinong tarantadong lalaki ang pinatulan mo?” nagngangalit ang mga bagang na tanong nito. “Si Gideon?”

Biglang kinabahan si Evangeline. Hindi niya gusto na madamay sa kagagawan niya ang kababata. “Masyadong mabait si Gideon para patulan ko,” kaila niya. “Isa pa, kawawa naman siya kung idadamay ko pa sa gulo ng pamilya natin. Matinong lalaki siya. May integrity.”

Nakita niya ang pag-iigtingan ng mga kalamnan sa mukha ng ama dahil sa huling sinabi niya.

“Hindi si Gideon, Papa. Ni hindi ko nga alam ang pangalan ng lalaking sinamahan ko. Bale-wala naman kung mabuo man ito. Hindi lang naman ngayon magkakaroon ng bastardong Bonifacio, di ba?”

Hindi na nakapagpigil ang kanyang ama. Ubod-lakas na sinampal siya nito. Bumiling ang mukha niya pero pinigilan niya na mapahiyaw sa sakit na naramdaman. Para siyang pinanlakihan ng ulo nang makita ang lalaking nakakuwadro sa hamba ng pinto na pinasukan niya kanina. Gideon!

Puno ng galit ang nang nangungutya na anyo nito. Nakatingin ito sa kanya, nakalatay sa mga mata ang poot. Kung dati kapayapaan sa isip ang hatid ng mga mata nito para sa kanya, ngayon ay takot na at guilt ang naramdaman niya.

“Anong gulo ito?”

Nalipat sa ina ni Evangeline ang pansin niya. Napahangos ito sa tabi niya nang makita na inaagusan ng dugo ang putok sa sulok ng kanyang bibig.

“Anong ginawa mo sa anak mo, Valentin?!”

Hindi na nakasagot pa ang kanyang ama. Sapo nito ang dibdib at parang nauupos na kandilang napaupo na lang sa sahig.

“Diyos ko! Valentin!”

MILD STROKE ang tumama sa ama ni Evangeline. Hindi nga ito nagkaroon ng speech impediment pero nawalan ng puwersa ang kaliwang bahagi ng katawan nito. Kakailanganin daw nito ang regular therapy para manumbalik sa dati ang lakas at kilos.

Sa panahon na nasa ospital ito hanggang sa makauwi na sa kanila, hindi humihiwalay ang guilt kay Evangeline. Hindi niya ipinagtapat sa ina ang tunay na nangyari sa kanya. Ayaw niya na mas lalo pa itong masaktan.

Iniwasan na niya si Gideon mula nang may mangyari sa kanila. Hindi naman siya nahirapan na gawin iyon kahit na magkapitbahay sila. Kahit ito ay parang umiiwas na rin sa kanya. Nasasaktan siya dahil doon pero mabuti na nga siguro ang ganoon. Magiging komplikado lang ang lahat kapag may nakaalam ng nangyari sa kanila.

Tahimik na pinagsisilbihan ni Evangeline ang ama.

Hindi siya nito iniimik. At nitong mga huling araw, napapansin niya na palagi itong nakatingin sa kawalan.

“Kung nag-aalala kayo sa pamilya ninyo, hayaan n’yo, ipapalam ko sa kanila ang nangyari sa inyo,” lakas loob na sabi niya sa ama.

Tiningnan siya nito na parang tinitiyak kung sinsero siya sa sinasabi. Hindi man lang ito umimik.

Tinalikuran na ni Evangeline ang ama. Nagpaalam siya sa kanyang ina na papasyal lang sa kanyang Tita Violeta sa bayan.

Paglabas niya ng bahay, nakita niya si Gideon na nag-aabang ng sasakyan. May bitbit itong traveling bag at mukhang pabalik na sa Maynila.

Uurong sana si Evangeline pero nakita na siya nito.

Katulad noong huli silang magkita, puno ng pang-uusig at poot ang tingin na ibinato nito sa kanya. Nag-iwas na lang siya ng tingin. Mabuti na lang na magkaiba sila ng ruta ng jeep na sasakyan. Kung hindi, mas magiging awkward para sa kanya na makipag-usap dito.

Si Evangeline ang unang nakasakay. Lihim na pinagmasdan niya ang kabuuan ni Gideon habang mabagal pang tumatakbo ang sinasakyan niya. Itatago na lang niya sa kanyang alaala ang anyo nito. Alam niya, matapos niyang akitin ito, nasira na ang napakatagal na nilang pagkakaibigan. Natabunan na rin ng poot ang pagmamahal sa kanya ng kababata.

Nakadama siya ng lungkot at panghihinayang.


…………………

Sana Bukas Tayo Pa RinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon