9. Muli

4.9K 140 25
                                    



TAPOS NA ng third year sa high school si Evangeline nang muling magbakasyon si Gideon sa Mabayo. Lalong tumangkad ito. Ilang pulgada na lang siguro at anim na talampakan na ang taas nito. Mas malapad na ang mga balikat nito at unti-unti na ring nagkakalaman ang mga braso nito at dibdib. Naging matured na rin ang mukha ni Gideon. Natatabunan na ng maturity ang boyish look nito. Napansin niya na ahit na ang balungos nito at baba. Binata na nga si Gideon.

Si Evangeline man hindi na rin pahuhuli kung pisikal na development sa sarili ang pag-uusapan. Five feet-five inches na ang taas niya at may hubog na ang kanyang katawan. Nagkaroon na rin ng hubog ang dating mapapayat at mahahaba niyang binti. Kaya hindi na siya nagtaka na sa muli nilang paghaharap ng kababata ay nag-iba na ang pagkakatingin nito sa kanya. Hindi na iyon basta paghanga. May kasama nang isang uri ng tingin na hindi niya mabigyan ng pangalan.

“Paganda nang paganda ang girlfriend ko, ah,” pabirong sabi ni Gideon nang yakapin siya.

Napansin ni Evangeline na maging ang uri ng pagyakap nito sa kanya ay kakaiba. Hindi iyon kasing higpit ng mga nauna. Pakiramdam niya mas dumadama ang mga kamay nito sa pagkakayakap sa kanya.

Hindi rin niya maunawaan sa sarili kung bakit may kakaiba siyang naramdaman nang yakapin siya ni Gideon. Nag-alsahan ang mga balahibo niya sa katawan.

“Wala ka bang sasabihin man lang sa akin,” nakangiting pukaw nito sa pananahimik niya. Hindi humihiwalay sa kanya ang mga mata nito. “Sobrang tagal na hindi tayo nagkita.”

“Sinasabi ko naman sa iyo lahat sa sulat, ah.”

“Halika, doon tayo sa aplaya,” aya nito mayamaya at hinawakan pa ang kamay niya. “Mamaya ko na lang ibibigay sa ‘yo ang pasalubong mo.”

“Buti naman naalala mong magdala ng pasalubong sa ‘kin.”

Tumawa ito. “Nagrereklamo yata ang magandang girlfriend ko? Kelan ko ba nakalimutan na dalhan ka ng pasalubong? Hindi mangyayari ‘yon. Kasi alam ko, magtatampo ka sa ‘kin ‘pag hindi ko naalala na pasalubungan ka kahit buntong pakwan.”

“Nahihiya nga ako, eh. Wala akong maipasalubong sa ‘yo.”

Pinisil nito ang palad ni Evangeline. Naglabasan ang goose bumps niya sa katawan. “Solb na ako doon pa lang sa mga sulat mo sa akin.”

Lumapit pang lalo si Gideon sa kanya nang nakaupo na sila sa kambal na troso. Nagkadikit ang mga tagiliran nila. Ayaw nang paawat ng kilabot na nararamdaman ni Evangeline.

Lalayo sana siya pero inakbayan siya nito at hinapit palapit sa katawan nito. Nagkadikit ang mga tagiliran nila.

“I missed you, Gellie,” paanas na sabi nito na parang nahihirapan. Napakalapit ng mukha nito sa kanya. Simusumpit ang mainit na hininga nito sa pisngi niya. Alam niya, kung lilingon lang siya kay Gideon, magdidikit ang mga labi nila. “Na-miss mo din ba ako?”

“H-hindi mo na kailangan na itanong pa ‘yan sa ‘kin. Alam mong kung puwede nga lang, gusto ko na habang-buhay na nasa malapit ka lang… ‘Yong habang-buhay na magkapitbahay lang tayo.”

Napahalakhak si Gideon. “Gellie, hindi puwedeng mangyari ang sinasabi mo. Hindi ako papayag.”

Napatitig siya sa mga mata nito. Nagsasayaw iyon sa katuwaan.

“Hindi puwede na maging magkapitbahay na lang tayo. Dahil ‘pag puwede na kitang ipagpaalam sa mama at papa mo, magpapakasal na tayo. At sa amin ka na titira.”

Siniko niya ito sa tiyan. “Puro ka naman biro.”

Natigil ito sa pagtawa. “Bakit, sino ba ang nagbibiro?”

“Bata pa po tayo, Mr. Del Pilar.”

“Hindi ko naman sinabi na ngayon na, ah.”

Saglit na tinitigan ni Evangeline ang peaceful depths sa mga mata nito. Kapag katabi niya si Gideon at nananalamin siya sa mga mata nito, nawawala ang bigat ng mga problema niya. “Talaga ba na mahal mo pa din ako hanggang ngayon?”

Biglang sumeryoso si Gideon. “Bakit, nagbago na ba ang feelings mo sa akin? Ini-entertain mo na ba ang panliligaw ni Rey ngayon?”

“Bakit ba nasingit na naman si Rey sa usapan?” May iba na siyang girlfriend ngayon, ‘no?”

“Baka naman hindi nga si Rey pero may iba nang nanliligaw sa iyo?”

“Maiiwasan ko ba sila?”

Bigla na lang tumayo si Gideon. “Sinasabi ko na nga ba!”

Hinatak niya ang braso nito para muling mapaupo. “Ikaw naman, hindi na mabiro.”

Sumunod ito pero hindi pa rin kumbinsido ang hitsura. “Tapos ngayon babawiin mo dahil nagagalit ako?”

Niyakap ni Evangeline ang braso nito. “Makinig ka nga muna sa akin, puwede?”

Hindi umimik si Gideon pero pinakatitigan siya. Malamang na pinipilit nitong aninagin sa mga mata niya kung nagsisinungaling siya.

“Aaminin ko, madaming nanliligaw sa ‘kin. Pero maniwala ka sa akin. Lahat sila binasted ko. Sa simula pa lang ng panliligaw, binabasted ko na. Sinasabi ko na taken na ‘ko. Na may boyfriend na.”

“Malay ko ba kung totoo,” nang-aarok na sabi nito. “Wala naman ako dito.”

Wala na bang tiwala sa kanya si Gideon? “Bale-wala lang pala ang pagsasabi ko sa ‘yo kung hindi mo ko papaniwalaan,” nagtatampo na sabi niya. Gusto na niyang umiyak.

Muli siyang inakbayan ni Gideon. “Sorry na. Insecure lang siguro ako kasi ang ganda-ganda mo na lalo ngayon.”

Nag-init ang pisngi ni Evangeline kahit napakasimple lang ng papuri nito.

Hindi siya umiwas nang hawakan ni Gideon ang baba niya. Nagtagpo ang kanilang mga mata. Napalunok siya sa nakitang intensity sa titig nito. Sumusumpa si Evangeline na ngayon lang siya tinitigan nang ganoon ni Gideon.

Lalo nitong inilapit ang sarili sa kanya. Napapikit siya. Hindi na nagbungguan ang mga ilong nila katulad noong una. Maingat at tiyak ang destinasyon ng mga labi nito sa pagkakataong iyon.

Naghalo ang panginginig at kilabot ni Evangeline nang maramdaman ang dantay ng mga labi ni Gideon sa mga labi niya. Lalo na nang sumimsim ang mga labi nito.

“Kiss me back, Gellie…” anas nito.

Ginaya ni Evangeline ang bawat ituro ni Gideon. And it pleased him so much.

Hindi na niya naisip na baka magalit ang guardian angels nila, kagaya noong una siyang halikan nito noong pitong taon na ang nakakaraan. Natabunan na ng maraming taon ng pagkatuto ang pambata nilang paniniwala. Walang mahalaga ngayon kundi ang pagkagising ng mga damdamin na ngayon lang niya natuklasan.

Ayaw pa sana ni Evangeline na matapos ang halik, pero tumigil na si Gideon.

“’Yan lang muna sa ngayon, mahal…” humihingal na sabi nito. “Baka hindi natin matupad ang plans natin ‘pag sumobra pa tayo sa ganito.”

Nahihiya na nagyuko ng ulo si Evangeline. Pero itinaas ni Gideon ang baba niya at marahan na dinampian ng halik ang noo niya. At pagkatapos, iniyakap nito ang kamay niya sa katawan nito. Nang muli siyang akbayan ni Gideon, naihilig niya ang ulo sa dibdib nito.

Matagal sila sa ganoong ayos. Walang nagsasalita sino man sa kanila. Ninamnam lang nila ang pagkakalapit sa isa’t isa. It felt like pure heaven.

Sa dagat, unti-unti nang humahalik ang papalubog na araw sa laot. Nasasalamin sa mukha nina Gideon at Evangeline ang makukulay na liwanag niyon. Nakasabog maging sa tubig sa karagatan, at sa balumbon ng mga ulap sa langit, ang repleksiyon ng pinagsama-samang kulay pula, rosas, at kahel na tanging mga kamay lang ng Diyos ang makakagawa.

……………….

Sana Bukas Tayo Pa RinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon