Si LOLA

45 11 11
                                    



Madilim ang paligid. Nasaan ba siya? Bakit ba palagi na lang siya napupunta sa lugar na iyon? At parang nakikini-kinita na niya ang susunod na mangyayari. Ano na nga ba? Ah, makikita niya ang isang napakapamilyar na larawan --- ang kanyang lola.
Mag-iisang taon na pala mula nang mamatay ang lola niya. Napakabait ng kanyang lola. Hindi niya malilimutan kung paano silang apat na magkakapatid ay inaruga ng kanilang lola. At siya ang pinakapaborito. Kaya ba sa kanya palagi nagpapakita ang kanyang lola?
Hindi alam ng kahit na sino sa kaniyang pamilya ang madalas niyang engkuwenro sa kanyang lola sa marami na niyang panaginip. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa kanila ang lahat. Isa pa ay hindi niya alam ang kahulugan ng panaginip. Hindi kaya sila matakot lamang kung mailahad ang mga napapaniginipan niya?
Paulit-ulit ang mga gabing natatagpuan niya ang sarili sa napakapamilyar na sitwasyon. Sa malamig at madilim na dakong iyon na hanggang sa kasalukuyang sandali ay hindi niya alam kung saan ang eksaktong lokasyon. Ang alam niya... sa huli ay muli niyang makikita ang mabait na lola.
Minsan pa ay nakita niyang nakatayo sa di-kalayuan ang lola. At sa pagkakataong iyon, lumingon ito sa kinaroroonan niya. At naglaho.
Kinabahan siya. Ang paglingon ng kanyang lola ay hindi naman dati nangyayari. May bago sa kanyang panaginip!
Kinabukasan, narinig niya ang bunsong kapatid na lalaki na nagkukuwento sa mama nila. Nasa kusina ang mga ito at tila seryosong nag-uusap. Sa kanilang magkakapatid, si Delo, ang bunso, ang pinakamasasakitin. Mahina daw ang puso nito sabi ng mga duktor.
"Nakita ko si Lola sa panaginip, Mama. Ilang ulit na. Nasa madilim kaming lugar, nakakatakot. Tapos, bigla siyang lilitaw sa malayo. Tapos mawawala na lang siya. Pero kagabi, lumingon siya sa akin."
Bakas ang takot sa tinig ng kanyang bunsong kapatid. Pero higit ang takot na naramdaman niya. Paanong nangyari na parehong-pareho pala sila ng panaginip? Nagpapakita din pala kay Delo ang kanilang lola!
Panahon na ba para sabihin niya sa kanila ang totoong nararanasan niya?
"Mama, natatakot na ako. Parang may nais sabihin si lola sa panaginip ko," sabi pa ni Delo.
"Anak, hayaan mo, tatawagin ko sina Nana Koreng para maipagpadasal ang lola mo. Baka kaya ganyan ay dahil malapit na ang anibersaryo ng kamatayan niya. Ang kuya mo?"
Nagulantang pa siya nang marinig na hinahanap siya ng kanilang mama. Mukhang kakausapin siya nito tungkol sa kanilang lola? Kinabahan siya sa kung anong dahilan at parang hindi makahinga. Bakit ba parang kailangan niyang lumayo ng bahay nila? Ang alam niya, ayaw muna niyang makipag-usap sa kahit kanino sa kanyang pamilya. May kakaiba talaga siyang nararamdaman at kailangan niyang maunawaan muna ito bago siya magkuwento.
Tatlong araw na ang nagdaan. Katulad ng kanyang panaginip, naging normal na tagpo na lamang ang pag-uusap ni Delo at ng kanilang mama sa paulit-ulit na panaginip. Ano kaya ang susunod na mangyayari? Sana naman ay hindi ito nagbabadya ng kapahamakan sa kahit kanino sa kanila.
Siyam na araw na lang pala at anibersaryo na ng kamatayan ng kanilang lola. Kanina ay nakita niya na dumating si Nana Koreng sa bahay nila. Isa ito sa mga matatanda sa kanilang lugar na tagapamuno sa mga dasalan. Noong nabubuhay pa ang kanilang lola at bata pa siya ay naisasama pa siya nito noon sa mga padasal para sa mga kaluluwa.
Pero aalis muna siya sa bahay nila. Nakakatawang napakarelihiyosa ng kanilang lola at siya ang palagi nitong kasa-kasama noong maliit pa siya pero hindi siya lumaking madasalin. Sabi nga niya noon sa lola noong nabubuhay pa ito, hindi para sa kanya ang pagiging relihiyoso. Gayunpaman, siya pa rin ang paborito nito.
Simula nang magpadasal sa kanilang bahay ang kanyang ina ay hindi na nagkuwekuwento si Delo tungkol sa panaginip na may kinalaman ang lola. Mukhang mabisa nga yata ang pananalangin ni Nana Koreng. Kahit siya ay hindi na nananaginip tungkol sa kanilang lola.
Mabuti naman, wala na siyang aalalahanin. Hindi na magugulo ang utak niya at ng kanyang kapatid.
"Hindi ko na po napapanaginipan si Lola, Mama," narinig niyang sabi ni Delo isang araw bago ang anibersaryo ng kamatayan ng lola.
"Mabuti naman, mukhang humihingi lamang ng panalangin sa atin ang kanyang kaluluwa. Nasa tahimik na lugar na siya ngayon, " masayang sagot ng kanilang mama.
Maaliwalas ang pakiramdam na lumabas siya ng bahay. Natutuwa siyang makumprima na hindi na ginugulo ng mga panaginip ang kapatid na bunso. Magpapalipas muna siya ng oras sa bahay ng pinsan niya. Matagal na rin pala siyang hindi doon nakakabisita.
Magdadapit-hapon na nang umuwi siya ng bahay. Naabutan pa niya sa may labas ng bahay ang kanilang mama na pinapakain ang alaga nilang aso na si Brownie. Kapapasok pa lamang niya sa loob ng bahay nang marinig niyang umaalulong na si Brownie. Sinasaway ito ng kanyang mama.
Gusto niyang lumabas ulit ng bahay at tulungan ang mama pero matindi ang kilabot na naramdaman niya. Ang sabi noon ng kanyang lola, kapag umaalulong daw ang aso ay may kakaiba itong nakikita, mga elementong nakakubli daw sa paningin ng mga ordinaryong tao. Kung minsan naman daw ay nagbabadya ito ng isang masamang pangyayari --- maaaring trahedya o kamatayan ng mahal sa buhay.
Ang pumasok kaagad sa isip niya ay ang sakiting kapatid na si Delo. Huwag naman po, usal niya.
Nang gabing iyon ay hindi siya mapalagay. Walang kamalay-malay ang kanyang mama sa kanyang plano. May sarili siyang kuwarto pero mamaya ay doon siya matutulog sa tabi ng kapatid na si Delo. Babantayan niya ito. Wala namang mawawala, mas mabuti na ang sigurado.
Natutulog na si Delo nang pumasok siya sa silid nito. Malaki naman ang kama kaya maingat na tinabihan niya ito. Ilang oras na din ang nakakalipas pero hindi pa siya dindalaw ng antok. Kung hindi tumunog ang de-alarmang orasan sa salas ay hindi niya malalamang alas-dose na pala ng hating-gabi.
Hindi niya sigurado kung inaagaw siya ng antok mula sa kamalayan pero para siyang nahuhulog sa isang madilim na kailaliman.
At nagdilim ang buong paligid.
Pamilyar ang lugar. Ang lugar na makailang ulit na niyang napuntahan.
Naririto na naman siya? Nawalan na ba ng bisa ang mga padasal ng kanyang mama para sa kaluluwa ng kanilang lola?
Mas natakot siya para kay Delo... Napapanaginipan kaya ni Delo ang eksaktong tagpo na kinaroroonan niya?
Alam niyang makikita niya ang lola kaya hindi na siya nagulat nang mula sa di-kalayuan ay lumitaw ito. Lumingon ang lola sa kanya, ang sabi sa malamig na tinig: "Si Delo..."
Napalunok siya. Bakit kaya inusal ng kanilang lola ang pangalan ni Delo?
At bago pa siya nakasagot sa lola ay nakita niya sa isang panig si Delo. Nakita niya ang takot sa mukha nito.
Gumalaw ang kanilang lola patungo sa direksyon ni Delo. Kukunin ba ng kanilang lola ang kanyang bunsong kapatid? Hindi maaari!
Nagsimula siyang gumalaw at tumakbo upang unahan ang lola kay Delo. Ramdam niyang mas mabilis siyang makakarating sa kapatid na tila hindi makagalaw sa matinding pagkasindak na nararamdaman.
Pero bago pa siya nakarating sa kapatid ay nakita niya ang pagbabagong anyo ng kanilang lola. Naging aso ito na kamukhang-kamukha ni Brownie. Abot-kamay na niya ang kapatid nang maramdaman ang pagsampa sa kaniyang likuran ng kanilang lola na nag-anyong si Brownie...
At mabilis na naglaho ang lahat...
Umaga na pala. Wala na sa kuwarto si Delo. Naiwan siyang mag-isa sa kama. Mabilis siyang bumangon at lumabas ng bahay. Malinaw na malinaw pa sa kanya ang mga nangyari sa panaginip. Nais niyang makitang nasa maayos na kalagayan si Delo.
Sa labas ng bahay ay naabutan niya si Delo kasama ang kanilang mama.
"Kawawa naman si Brownie, kaya pala umaalulong kahapon, nagpapaalam na pala siya sa atin," sabi ng kanilang mama habang nakaupo sa tabi ng walang buhay na asong alaga nila.
" Ma, si Lola naging si Brownie sa panaginip ko kagabi. Andoon din si Kuya, gusto daw akong kunin ni Kuya pero pinigilan siya ni Lola. Takot na takot ako nung malapit na si Kuya pero tinalon siya ni Brownie. Iniligtas ako ni Lola sa pamamagitan ni Brownie, Ma," malakas na sabi ni Delo.
Umiikot ang paligid sa kinatatayuan niya. Ano daw? Bakit tila siya pa ang may tangka sa buhay ng kapatid ayon sa kuwento nito?
"Ma, puwede na ba nating ipagpadasal ang Kuya? Wala siya noon sa katinuan nang patayin niya si Lola bago siya nagpakamatay. Mabait naman siya, kung hindi lang dahil sa droga, hindi siya magkakaganoon. Ma, patawarin na kaya natin si Kuya"
Hindi na niya kayang marinig pa ang susunod na sasabihin ni Delo.
Isang kaluluwa na lamang pala siyang luluha at magpapalabuy-laboy simula sa mga oras na ito.

TAKOT AKO TVTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon