Abot

29 7 21
                                    

First time ko na makarating sa lugar na iyon. Mula sa Manila, nag-eroplano pa ako.

Ang magaling na airline company na kilala sa paulit-ulit na delayed na flight pa naman ang sinakyan ko. Wala, hindi ko naman alam na may ganoon pala silang reputasyon. Hindi na ako makakaatras dahil nakapagbook na ako sa kanila ng flight. Sa madaling sabi, asahan na ang atrasadong dating ko sa aking destinasyon.

Ang susundo sa akin sa airport ay malapit na raw. Kaibigan ko iyon, umarkila daw siya ng tricycle at sa loob ng kalahating oras ay makakarating na daw sila.

Unti-unti ay numinipis ang bilang ng tao sa terminal. Marami sa aking mga kapwa pasahero ay malaon nang nakaalis. Sinundo ng mga kapamilya o di naman kaya ay sumakay na sa mga nakaantabay na van o tricycle o ng mga nangongontratang pribadong sasakyan.

Medyo naiinip na rin ako. Nagugutom, galing-galing, wala naman ako mabibilhan yata dito ng pagkain. Hindi katulad sa ibang airport, may mga food stalls na puwede mong bilhan kapag kailangan. Sabagay, medyo maliit na airport lamang naman kasi ito. 'Yun nga daw runway ay nagiging highway kapag tapos na ang iskedyul ng paglapag ng mga eroplano.

Pumuwesto na lamang ako sa may labasan ng arrival area. Doon ko hihintayin ang sundo ko.

Nakahimpil lamang ako sa isang banda. May kaladkad kasi akong de-gulong na bagahe. Isang linggo kasi ako magbabakasyon dito sa probinsya ng kaibigan ko.

Napansin ko ang isang matandang babae sa di-kalayuan. Nakatitig siya sa akin, parang pinagmamasdan ang hitsura ko. Baka tinatantiya niya kung kilala niya ako. Ewan, ipinagwalang-bahala ko na lang. Baka may hinihintay din siya.

May lumapit sa aking babae, siguro katulad ko rin ang edad, lagpas bente. Pamilyar na siya. Kung hindi ako nagkakamali ay nakasabay ko siya kaninang hinhintay ko ang aking bagahe. Posibleng kasabay ko din siya sa eroplano.

Ngumiti sa akin ang babae.

"Tagal ng sundo ko. Nagugutom na ako," aniya.

Ngumiti din ako. Parehas pa kami ng kapalaran. Kumakalam na rin ang aking sikmura.

"Mas okay 'yung isang airline, may complimentary meal," sabi ko.

"May food din naman sila, bibili ka nga lang," sabi naman ng babae. "At mahal."

"Tama," sang-ayon ko.

"Hindi ka tagarito?"

"Hindi. Taga-Manila talaga kami."

Tumangu-tango ang babae.

"Ako, dito ako lumaki. Maganda sa lugar na ito. Mag-eenjoy ka."

Nakareceive ako ng text. Pangdagdag sa bad trip. Nasiraan pa daw sa daan ang tricycle na sinasakyan. Mahusay!

"Ang tagal ng sundo ko," anang babae.

"Ako, nasa malapit na daw sila kaya lang ay nasiraan pa daw."

Naglakad palayo sa akin ang babae. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta.

Nahagip na naman ng aking paningin ang matanda. Nakatitig pa rin siya sa akin. Parang may kakaiba sa hitsura niya. Nakita ko na marahan siyang naglakad patungo sa aking direksyon.

Pahingkud-hingkod ang kanyang lakad. Tila nahihirapan siya sa paghakbang. May dala siyang bayong.

Hindi ako nagkakamali. Ako nga ang kanyang sadya.

"Iho, baka nagugutom ka. Sa iyo na lang itong natira kong paninda." May kinuha ang matanda sa bayong nito.
Dalawang piraso ng kakaning nakabalot sa dahon ng saging ang iniaabot niya.

"Suman po ba 'yan?" tanong ko.

"Suman ang tawag n'yo diyan, iba ang tawag namin dito," sagot ng matanda.

Nagugutom na nga ako at okay na rin ang kakanin.

"Magkano po ito?" tanong ko.

"Hindi na, sa 'yo na 'yan. Uuwi na rin ako," sabi ng matanda.

"Naku, nakakahiya naman po."

"Ayos lang, sa tingin ko ay nagugutom ka."

"Maraming salamat po."

Nagsimula nang lumakad palayo ang matanda. Nagtataka ako sa kabutihang ipinakita niya sa akin.

Hindi ko tuloy magawang buksan at kainin ang suman kahit nangangasim na ang sikmura ko.

Muling nagbalik ang babae.

"Gusto mo ng suman?" alok ko sa kanya. Alam kong nagugutom na rin siya. Dalawang piraso ang ibinigay sa akin ng matanda. Naisip kong mas mabuting kainin iyon na may kasabay.
Aywan ko ba kung bakit kinakabahan ako.

"Saan galing 'yan?" usisa ng babae.

"Binigay nung matanda." Sinubukan kong tanawin ang matanda sa kaninang nilalakaran nito ngunit hindi ko na siya nakita pang muli.

"Hala ka! Alam mo bang may kuwento dito sa lugar namin na huwag kang tatanggap basta-basta ng mga pagkain sa mga taong hindi mo kilala?" bulalas ng babae.

"Bakit naman?"

"Hindi ka na daw makakauwi kapag natipuhan ka nila."

"Me gano'n talaga?"

"Oo, marami ng nangyaring gano'n kaya ingat ka lalupa't dayuhan ka sa lugar na ito. Me hitsura ka pa naman."

Napangiti ako sa sinabi ng babae.

"Paano 'tong suman?" sabi ko, di ko sigurado kung maniniwala ako sa sinabi ng babae.

Hindi kasi ako mapaniwalain sa mga sabi-sabi. Saka parang kakatawa na may ganoon.

"Ikaw, bahala ka kung gusto mong kainin." Natawa din ang babae.

Hindi ko tuloy masabi kung seryoso ba siya.

Nagugutom pa rin ako pero parang nawalan naman ako ng gana sa sinabi niya. Hihintayin ko na lang ang kaibigan ko.

"Kung natatakot kang kainin 'yan dahil sa sinabi ko, mag-candy ka na lang," sabi ng babae, inabot sa akin ang isang kulay dilaw na plastic ng candy. Mint flavor iyon.

Tinanggap ko ang candy. Makakatulong na rin iyon.

"Thank you."

Kinain ko na ang candy.

"Naku, heto na ang sundo ko," sabi niya. "Ang tagal lang nila ha!"

Mabuti pa siya, makakauwi na.

Nagtext na rin naman ang kaibigan ko. Parating na rin daw sa wakas.

Tumigil sa harapan namin ang sundo ng babae. Nagulat ako na isang kalesa ang tumigil sa tapat namin.

Wow ha! Uso pala dito sa probinsya ang kalesa.

May bumabang dalawang matitipunong lalaki sa kalesa.

"Isasama natin siya. Napakain ko na siya," sabi ng babae sabay lumingon sa akin.

Ano daw?

Nagimbal ako nang lapitan ako ng dalawang lalaki. Napaatras ako.

Sinunggaban nila ako.

"Anong nangyayari? Bakit?" sigaw ko.

Nagwawala ako ngunit malakas ang dalawang lalaki at wala akong magawa nang hilahin nila ako.

Nakita ko nang parating ang tricycle at hindi ako magkakamali na ang kaibigan ko ang nasa loob noon.

"Ricky, tulungan mo ako!" sigaw ko.

Nagwawala pa din ako ngunit buhat na ako ng dalawang lalaki.

Bumaba si Ricky ng tricycle. Halos ilang dipa lamang ang distansya ko sa kanya.

"Saan nagpunta si Arthur?" Narinig kong sabi ni Ricky.

Sumisigaw ako ngunit hindi niya ako marinig. Nagwawala ako ngunit hindi niya ako makita.

Mangiyak-ngiyak na ako. Hindi ko maunawaan ang nangyayari.

Naisakay nila ako sa kalesa. Pigil-pigil pa rin ako ng dalawang lalaki.

"Huwag kang mag-alala. Mag-eenjoy ka sa aming mundo, pangako 'yan," sabi ng babae.

Hindi ko alam kung may nakarinig sa malakas na palahaw ko hanggang kainin ng karimlan ang kalesang aming sinasakyan patungo sa kawalan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 11, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

TAKOT AKO TVTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon