PROLOGUE

839 18 0
                                    



PROLOGUE

Walang buhay—iyon ang tamang deskripsiyon sa anyo ni Script habang minamasdan ang sarili sa malaki't lumang salamin ng silid niya. Dinampot niya ang kutsilyo sa mesang nasa harapan at minasdan ang talim niyon na sa paningin niya ay napakatalas. Muli niyang minasdan ang sarili sa salamin bago iniangat ang kutsilyo at pinutol ang mahaba't diretsong buhok na umaabot kanina sa baywang niya pero hindi na aabot ngayon sa kanyang balikat.

"Magbabayad sila. Hinding-hindi ko sila mapapatawad." Mariing aniya sa sarili.

"Script—"

Kusang bumukas ang pintuan nang silid niya. Isang lalaking nakabaluti ang nakita niya sa salamin na tinitingnan. May pilat ito sa bahagi ng kaliwang pisngi. Kamukhang-kamukha ito ng kapatid nitong kamamatay lang—ang mapapangasawa na sana niyang si Ross.

"Hindi kita hahayaan na sumali sa sandatahan, Script! Babae ka pa rin at kung magiging bihag ka ng kalaban natin puwede ka nilang pagsamantalahan!"

"Kailangan kong sumali para makapaghiganti! Iyon na lang 'yung dahilan na p'wede kong panghawakan ngayon!" Galit na galit niya 'tong hinarap. "Kailangan kong maging miyembro ng sandatahan, kahit ikamatay ko pa 'yon!" Pigil na pigil niya ang luha pero tinraydor siya ng mga 'yon sa mabilis na pagbabagsakan.

"Script." Halatang nagulat 'to sa kanya.

"Kinakaya ko pang tumayo dahil kailangan kong maghiganti. Hinding-hindi ako uupo at maghihintay sa pangako ninuman na ipaghihiganti nila ang pagkamatay ni Ross! Ako mismo ang papatay sa kanila!" Pinunasan niya ang luha pero walang awat ang mga 'yon. Sa t'wing babalik sa alaala niya ang ngiti ng lalaking nangakong magpapakasal sa kanya sa pagbabalik nito daig pang pinipiga ng puso niya.

Sobrang sakit.

Hindi niya alam kung may katapusan pa ang sakit na nararamdaman.

"Kung mananatili ako sa araw-araw kong gawain, unti-unti lang akong babagsak sa depresyon. Ayokong mamatay sa kalungkutan, Ron. Gusto kong may gawin para kay Ross, at para sa sarili ko." Turo niya sa sarili. "Ayokong maging katulad ni ina na umiyak lang nang mamatay ang ama ko. Ayokong iasa sa iba ang paghihiganti para sa buhay nang minamahal ko. Ayokong manatiling mahina..."

"Naiintindihan ko."

Pinahid niya ang luha. Gusto niya 'tong ngitian pero hindi niya 'yon nagawang iguhit sa mga labi.

Ang pagpayag nito ay nakapagpagaan nang loob niya. Kahit hindi niya makita sa mga mata nito ang tunay na suporta sa napiling desisyon.

"Princess Endless, tama na, tigilan mo na ang pag-iyak. Alam mo naman na may kaganapan sa palasyo, hindi ba? Tama na, sige na..." Naaalarma si Lady Amelia sa pagtingin sa dalagitang prinsesa. Maaaring masaktan 'to mismo ng hari o mabigyang leksiyon kung lalabas 'to na namumugto ang mga mata.

"Lady Amelia, paano ako hindi iiyak? Nakita ko kung paano namatay lahat ng kalaban! Ginawa ng hari na ipain ako na sarili niyang anak para sa pakikipagkasundo sa kabilang lugar. Pagkatapos, hindi naman pala siya totoo sa salita niya! Dahil naro'n ako, inisip ng kalaban na seryoso siya sa pakikipagkasundo, pero ginawa niya 'yon para pilayan ang kabilang bayan!" Muli siyang umiyak habang pilit niyayakap ang unan sa kandungan.

Kanina, nakalma siya ni Amelia at napintahan ng mga kolorete ang mukha. Pero nang bumalik sa alaala niya ang mga katawang walang buhay, mga dugong nagkalat, hindi niya mapigil ang mga luha. Malaking respeto sa ama ang nawala sa kanya. Paano nito nagawang ipain siyang sarili nitong anak?

"Hindi ko matanggap na ganoon ang ama ko. Akala ko kapag nagsalita ang hari dapat totoo—" gusto niyang dugtungan na sinungaling 'to pero daig pang pinipiga ng puso niya, ama niya pa rin 'to kahit aminado siyang sakim 'to.

"Pakiusap, 'wag mong sasabihin 'yan sa hari, lahat ng ginagawa niya ay para sa Damia." Mapang-unawang hinaplos ni Amelia ang buhok niya.

"Hindi ko gusto ang ganitong buhay. Ayoko nang maging prinsesa!"

Tila nanghilakbot 'to sa sinabi niya.

Hindi niya matanggap na ginamit siya ng ama, tuwang-tuwa pa siya habang sakay ng karwahe sa unahan ng mga Knight nila na nasa itim na baluti habang pasalubong sa kanila ang Prinsesa rin ng kabilang lugar—ang Goldia—kalabang mortal ng lugar nila dahil sa mabilis na pag-angat ng buhay ng mga ito na dati ay nasa laylayan lang ng mga Lupain pero pumapangalawa na ngayon sa kanila.

Napakaganda ng mga pulang baluti nito, gusto niya rin makapasyal sa lugar ng mga ito. Pinag-usapan na walang labanan na magaganap, ama niya ang nagbigay ng sulat pakikipagkasundo sa mga ito, at siya na walang kaalam-alam ang representatibo sa kasinungalingan ng kanyang ama. Laking gulat niya nang biglang maglabas ng sandata ang mga Black Knights nila at naglabasan pa ang iba sa kabilang daanan kaya napaligiran ang mga 'to. Dinala na siya sa dulo at ibinalik ng mabilisan sa palasyo. Pilit niyang inaalam kung anong nangyayari ang pinipigilan pa niya ang mga 'to pero walang nakinig sa kanya—sino ba siya? Isang prinsesa, ano ang magagawa ng salita niya laban sa salita ng isang Hari?

Marami siyang dugong nakita, habang pilit pino-protektahan ng kabilang grupo na nasa isangdaan lang ang karwahe kung nasaan ang prinsesa ng mga ito.

Sa kabutihang palad, nakaligtas ang prinsesa na tila isang milagro. Isang Red Knight, ang nakapag-uwi rito, pero ayon sa balita, namatay rin ang Knight na 'yon sa bukana ng bayan pero napakalaking karangalan ang igagawad sa pamilya nito sa pagkakaroon ng isang anak na naging bayani sa pamantayan ng mga ito.

Lahat ng napatay na Knight ay pinutulan pa ng ulo at itinusok sa naglalakihang mga kahoy na kinagigiliwan ng bayan nila. Hindi niya makuha kung anong klaseng mga tao ang nabubuhay sa lugar nila o totoo na kung ano ang hari, ganoon din ang nasasakupan.

Mga demonyo.




READ. VOTE. COMMENT

MISA_CRAYOLA


NOT MY KNIGHT ( GXG ) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon