Chapter 3

241 13 58
                                    

Panay ang subo ko ng aking pagkain, dahil sa marami kaming hinahabol na trabaho ngayon kaya medyo late na ang aming tanghalian. Nandito kami ngayon sa canteen at kasama kong kumakain ang best friend kong si Jenny. Halos magkasabay lang kaming nag-apply rito sa company, sa awa ng Diyos ay pareho rin kaming natanggap. Mula nga noon, naging malapit na kaming magkaibigan, partner in crime eka nga nila. Sa lahat ng mga kaibigan ko siya ang pinaka-close ko. Magkaugali kasi kaming dalawa, parehong kalog.

"Best, birthday na ni Florence next week, sa'n ba tayo?" tanong ni Jen habang tuloy lang sa pagnguya ng pagkain.

"Oo nga noh, malapit na nga ang birthday nang isang 'yon," sagot ko naman sa kanya. "Ba't ba ako ang tinatanong mo kung saan tayo, hindi naman ako ang magi-birthday?"

Napangiti si Jen. "Nagkasabay kami kahapon at nabanggit niya sa akin na kung gusto mo raw ay magdisco na lang tayo?"

Ibang klase talaga itong mga kaibigan ko. Bakit mukhang ako ang kailangan magdisesyon samantalang hindi nga ako ang may birthday?

"Ako ba ang may birthday? Bakit naman ako ang tatanungin n'ya? Hindi naman ako ang celebrant, ah!" Natawa na lang ako.

"Sus! Syempre naman, ikaw kaya ang tagaplano ng lakad ng barkadahan natin, sa madaling salita... ikaw ang promotor!" malakas na sabi ni Best at sinundan ng malutong na tawa.

Jusko! Ano daw? lakas makatawa ni Best, napapalingon tuloy sa amin iyong ibang kumakain dito sa canteen.

"Ako lang ba? Hindi ba't ikaw rin naman!" Oo, kami talagang dalawa ang tagaplano nang mga gala ng barkada. Kapag wala kaming trabaho, imbes na nasa bahay at magpahinga ay nasa galaan kaming magbabarkada. Game naman silang lahat, palibhasa mga single pa. Except sa akin, may boyfriend na kasi ako, eh. Kaya lang nasa province siya, long distance relationship ang mayroon kami kaya malaya pa rin akong maggala.

"Sa boarding house n'yo na lang kaya best? Para naman mabinyagan natin iyong bahay n'yo. Hindi pa kami nakakapunta roon, e," sabi ni Jen. Ngiting-ngiti pa siya habang nakatingin sa akin. Ilang beses na rin akong kinukulit nito dahil gusto niyang matulog sa bahay, kaya lang ayoko dahil nahihiya naman ako kay Ate Tina.

"May pasok tayo no'n kaya hindi pwede. Saka 'wag nang magplano, kadalasan naman kapag ganyan e hindi natutuloy."

"Tuloy 'yon, best. Hindi ka siguro uma-attend ng incoming meeting, ano? Tatlong araw tayong walang pasok next week dahil biglang bumaba ang demand," sabi ni Best habang pinanlalakihan ako ng mga mata.

"Gano'n ba?" Late ako kanina kaya wala akong alam, best!" Napakamot na lang ako sa aking ulo. Mabuti na lang talaga at walang nakapansin sa akin kanina na late ako, kung hindi baka masamang tingin na naman ang inabot ko sa mga tsismosang palaka. Naglipana kasi iyon dito sa kompanyang pinapasukan namin.

Isang irap ang natanggap ko mula kay best kasabay nang pagpalatak niya. "Kaya naman pala!"

"Sige. Try ko munang magpaalam kay ate Tina kung pwede tayo sa bahay."

"Okay. Text mo na lang kami, hah?" Pagkasabi noon ay bigla siyang tumayo. "Tara na pasok na tayo. Back to work na naman tayo, beshy!" aniya. Ang bilis talaga ng oras. Dahil sa kadaldalan ni Jen, hindi ko namalayang ubos na ang isang oras na breaktime namin.

Tumango na lang ako kay best bago kami naghiwalay sa canteen.

                                              * * *

Alas siete na ng gabi nang dumating ako rito sa bahay. Napakunot ang aking noo habang ipinapasok ang susi sa doorknob, madilim ang buong paligid pati ang buong kabahayan ay walang ilaw. Indikasyon na wala pa si Ate Tina. Saan na naman kaya nagpunta iyon? Dapat ay nakauwi na iyon dahil hanggang ala singko lang ng hapon ang pasok niya.

Agad kong binuksan ang ilaw at halos hilahin ko na ang aking mga paa palapit sa mahabang sofa, pabagsak akong umupo roon. Nakakapagod naman ang araw na ito.

Ilang sandali akong nanatiling nakaupo sa sofa, kung pwede lang na humilata na lang ako roon para makapagpahinga na. Kaya lang hindi, e. Wala pa si Ate Tina, kaya wala pa kaming pagkain. Isa sa rules naming magpinsan ay kung sino ang maunang umuwi, siya ang magluluto. Kadalasan naman ay si Ate ang palaging nauuna kaya palagi akong nakakalibre sa pagluluto.

Kahit tinatamad ay pumasok na ako sa kwarto habang bitbit ang aking bag. Magbibihis muna ako bago magtungo sa kusina para makapagluto ng hapunan namin ni Ate Tina.

Matapos kong makapagpalit ng pambahay na damit ay agad na akong lumabas ng kwarto at nagtungo sa kusina. Hinalungkat ko ang laman ng pridyider at tiningnan kung ano ang pwede kong iluto. Tuwing sahod namin ni Ate Tina ay naglalaan talaga kami ng budget para sa groceries, at mga pagkain, share kami sa madaling salita. Kaya naman wala kaming problema pagdating sa mga iluluto at mga sangkap dahil hindi nawawalan ng laman itong refrigerator. Food is life eka nga nila, lalo na si Ate dahil iyon talaga ang motto niya.

Sa huli ay napagdesisyonan kong adobo na lang ang iluto, total ito ang paborito kong ulam. Pagdating naman kay ate, kahit ano naman ay kinakain niya, basta pagkain, 'wag lang damo.

Naghuhugas ako ng kaserola na gagamitin ko nang bigla akong makarinig ng mga yabag sa salas. Alam kong si Ate Tina na iyon kaya agad kong binilisan ang kilos ko. Nandito na si Ate pero wala pa rin akong nailuluto.

Mayamaya ay narinig ko ang malakas na pagsara ng pinto sa kuwarto. Napailing na lamang ako habang isinasalang ko ang kaserola sa ibabaw ng kalan.

Hay! Mukhang mainit na naman ang ulo ng pinsan ko. Isa iyan sa ayaw ko sa kanya, kapag may problema siya sa trabaho'y madalas dala-dala niya hanggang dito sa bahay! Ano ba ang kasalanan ng pinto? Bakit kailangang pabalibag pa ang pagsasara? Napailing na lamang ako.

"Ate! Kung may kaaway ka na naman sa work mo... 'wag mong idamay 'yang pinto. Baka masira 'yan, wala tayong pamalit!" sigaw ko sa kanya. Wala akong narinig na sagot kaya hinila ko na lang ang upuan saka umupo roon, inabot ko ang cellphone kong nasa ibabaw ng lamesa.

Hmpt! wala man lang sagot. Bahala nga siya riyan! Mainitin talaga ang ulo, highblood na naman!

Habang nakasalang sa kalan iyong adobong iniluluto ko, ay nagsaing na rin ako nang sa ganoon ay magkasabay lang silang maluluto. Tiyak na mamaya pa iyan lalabas si Ate kapag hindi na mainit ang ulo niya. Ganoon naman iyan, e, sanay na ako sa kanya. Tatawagin ko na lang siya kapag kakain na kami.

Habang naghihintay ay nagtungo  muna ako sa salas at saka binuksan ang telebisyon. Hindi ako makakatulog mamaya kapag hindi ko nakita si Coco Martin sa ang probinsyano. Isa ito sa inaabangan kong palabas tuwing gabi pagkatapos ng mga balita.

Natapos na ang pinapanood ko at naihanda ko na rin ang pagkain sa mesa pero hanggang ngayon ay hindi pa rin lumalabas si Ate Tina. Pambihira talaga.

"YAHHOO, ate, labas na d'yan at kakain na tayo... Pagnatikman mo ang adobo ko siguradong tanggal 'yang init ng ulo mo!" Walang sumagot, nakatulog na yata. Muli kong kinatok ang pinto ng kwarto, bahagya ko itong naitulak kaya biglang bumukas.

"Ate, halika na, kain na tayo. Naguguto---" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang mabistahan ko ang loob ng kwarto. Walang tao roon, kahit anino ni Ate Tina ay wala akong nakita. Agad na tumayo ang mga balahibo sa aking buong katawan. Nag-umpisa na ring tumibok nang mabilis ang puso ko, animo'y may mga pusang naghahabulan doon.

Jusko! Sino iyong narinig ko kanina?

Mabilis akong tumakbo palabas ng kwarto. Halos mag-umpugan na ang mga tuhod ko dahil sa panginginig. Tila nawala rin ang gutom na kanina lang ay nararamdaman ko.

Biglang nag-vibrate ang hawak kong cellphone. Nanlalamig ang mga kamay ko nang tingnan ko ang screen at nakita ang pangalan ni Ate Tina roon.

1 massage received

Ate Tina

Insan, 'wag mo muna akong antayin, a. Kasama ko Kuya Rick mo, bday kc ng kapatid niya ngaun kaya late na akong makakauwi mamaya. Yung pinto, ilock mo, a, may susi naman ako. Cge, insan. Luv u.

Shittee! Hindi ko alam kung tatakbo ba ako palabas ng bahay o susuot na lang sa ilalim ng lamesa.

Ano na naman ito? Pinaglalaruan ba ako?

ITUTULOY...

BOARDING HOUSE (completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon