Chapter One

1.2K 52 12
                                    

"SIGURADO po ba kayo sir na eto ang kukunin ninyo?" tanong ng nagtitinda ng DVD sa kanya. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Naka-polo shirt siya ng itim, naka-maong saka itim na sapatos. Naka-shades din siya. 

Katatapos lang magsimba ni Spike sa Quiapo at ngayon ay nasa tindahan siya ng mga DVD. Kapag lumuluwas talaga siya ng Maynila mula sa San Miguel, Bulacan kung saan siya naka-assign ay talagang bumibili na siya ng maraming DVD na mapapanood sa kampo dahil iyun lang ang tanging libangan niya doon maliban sa pagbabasa ng pocketbooks. Kung malakas lang sana ang signal or kung mabilis lang sana ang internet connection nila, sa online na siya manonood. Wala din namang problema kahit magbayad siya ng monthly subscription sa mga movie at entertainment sites, ang kaso usad pagong ang kanilang internet kaya nakakainit ng ulo. Ni hindi niya halos magamit ang Netflix niya dahil hirap nga siyang mag-download. Kaya naman wala siyang choice kundi bumili ng mga DVDs. 

"Siyempre sigurado akong kukunin ko ang mga yan. Ako mismo ang pumili e." 

Inisa-isang tingnan ng tindera ang halos trenta ka-dvd na napili niya. 

"Weightlifting Fairy? Uncontrollably Fond? Hwarang? Strong Woman Do Bong Soon? Lovers in the Moonlight---" Napatingin uli ito sa kanya, tila hindi makapaniwala. "Mga Korean drama series ho ito boss ha? Sure kayo?"

"May problema ba tayo miss sa Korean drama?" direkta niyang tanong sa pakialamerang tindera. 

"Wala naman sir," napakamot ng ulo ang tindera. "Ahh.... baka pinabili po sa inyo ng kapatid nyo no?"

"Hindi. Ako mismo ang manonood niyan," pag-amin niya. 

"Talaga po?" Nanlaki pa ang mga mata ng tindera, halatang shocked. 

"May issue ka ba sa panonood ko ng Korean drama? Sa kabila na lang ako bibili kung ayaw--" 

"Naku sir wala! Eto na po. Dadagdagan ko pa ng isa-- libre na! Maganda po yan!" Nakita niyang inilagay ng tindera ang DVD ng Goblin sa plastic bag. Kinuha niya uli yun at ibinalik sa tindera. 

"Huwag na miss. Meron na ako niyan. Napanood ko na." Iniabot niya ang pera saka kinuha ang mga napamili mula sa na-shock na tindera. Then mabilis siyang lumayo dun at bumalik sa kotseng naka-park sa kabilang kanto pa. 

Ano naman ang masama kung nanonood ako ng mga 'to? Sa loob-loob niya habang binubuksan ang pinto ng kotse. 

Simula pa naman talaga noon ay mahilig na siyang manood ng mga pelikula at drama. Impluwensiya na din ng lola niyang namayapa na mahilig manood ng sine at babad lagi sa TV. Kaya naman kahit ngayong opisyal na siya ng army, hindi na nawala sa kanya ang pagkahilig niya sa panonood ng kilig movies at tv drama. 

"SNATCHER!!! Tulungan nyo ako may snatcher!!!"

Nagulat siya nang marinig iyun. Paglingon niya ay nakita niya ang isang payat na lalakeng tumatakbo sa direksyon niya at may bitbit itong shoulder bag. Kasunod ng lalake ay isang babaeng tumatakbo at humahabol- eto ang sumisigaw. Agad siyang umalerto dahil dadaan sa harap niya ang snatcher. Pero nahalata yata ng snatcher na nakaabang siya kaya mukhang iiwas ito sa kanya. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon- mabilis niya itong hinablot and in one swift move ay napatumba niya ito. Ang problema ay sumabog din ang hawak niyang plastic ng mga KDrama DVDs! Nagkalat tuloy yun sa kalsada. 

"Yung bag ko," wika ng babae na hinihingal. Agad nitong kinuha ang shoulder bag na hawak ng snatcher na mahilo-hilong nakatihaya sa kalsada. 

"Yung mga DVD ko!" nasabi naman niya nang makitang muntik nang maapakan ng babae ang isa. Mabilis niyang pinulot ang mga DVD at ibinalik sa plastic. 

"Kuya, thank you ha. Naku... importante pa naman ang laman ng bag ko." 

"Walang anuman." Nakita niyang parating ang dalawang pulis. Sumenyas siya. "Boss, snatcher," aniya. 

"Ikaw ba ang gumawa nito sa kanya?" tanong ng pulis sa kanya habang pinapatayo ang snatcher. 

Tumango siya saka pasimpleng ipinakita ang kanyang military ID. Katabi nun ang kanyang special ID bilang Scout Ranger. 

"Naku sir, kaya pala hindi nakaligtas sa inyo itong snatcher. Matindi pala kayo," wika ng pulis na obvious na humanga sa kanya. Bigla tuloy siyang nahiya.

"Naka-chamba lang," bulong niya. Nakaramdam siya ng pamumula ng pisngi. 

Hindi naman niya usually ipinagsasabi sa iba na Scout Ranger siya - ang elite force ng Philippine Army. Ang totoo ay sinanay silang maging almost invisible lalo na kapag nasa bundok para hindi madaling makita ng mga kalaban. Kaya nga hindi siya naninigarilyo dahil ayaw niyang madala ang habit sa bundok. Kapag may misyon kasi ay ultimo usok mula sa sigarilyo hindi dapat makita. They always have to move swiftly and silently in the darkness. 

"Sir, kailangan nyo pong sumama sa presinto para magbigay ng statement," pahayag ng isang pulis. "Lalo na at kayo ang nakahuli sa snatcher."

"Ha?" Natigilan siya. Dapat kasi ay babalik din siya agad sa San Miguel pero kung dadaan pa siya ng presinto, malamang na matagalan siya. "Baka naman puwedeng hindi na?"

"Naku alam nyo naman ang procedure sa ganito, sir."

Tumango siya. Alam naman niya, nagbakasali lang siya. "Sige, saan ba?"

"Sa Station 3 na lang po kayo sumunod sir." 


NGAYON lang niya napansin na may itsura pala ang babaeng biktima ng snatcher. Maputi ito at mukhang doll. Umalon-alon ang mahabang buhok na may head band. Napag-alaman niyang Yumi ang name ng babae. Sa tantiya niya ay mas bata ito sa kanya ng limang taon.

So what. Age doesn't matter, agad niyang naisip. 

"Mahilig ka rin pala sa Korean drama?" narinig niyang tanong ni Yumi. 

Napatingin siya sa babae na nakaupo sa tapat niya. Nakatingin ang babae sa bitbit niyang mga DVD saka tumingin sa kanya. Tumango siya at ngumiti. 

"Paborito ko din ang mga Korean drama kaso lagi akong pinapagalitan ng kapatid ko. Huwag daw akong manood."

"Naku, pabasbasan mo ang kapatid mo," biro niya. "Kumbinsihin mo siya na manood."

"Pinagbibintangan na nga ako na miyembro ng kulto ng Korean drama," sumbong pa ni Yumi. 

Gusto na niyang yakapin at i-comfort ang babae. Sa ganito nagsisimula ang mga love story, sa loob-loob niya. Napangiti tuloy siya sa naisip. 

"Kinakabahan nga ako ngayon e. Kasi kapag nalaman niyang nabiktima ako ng snatcher, patay talaga ako."

"Kahit naman sino puwedeng mabiktima. Hindi ka niya dapat sisihin kasi hindi mo naman kasalanan," mahinahon niyang wika kay Yumi. 

"Kabilin-bilinan niya kasing huwag na akong pumunta dito sa area dahil nga baka mahablot daw ang bag ko. Kaso wala naman akong choice. Nandito ang supplier ko e."

"Supplier ng ano?" bigla siyang na-curious. 

"Ng mga KPOP merchandise. E nabalitaan ko kasi kagabi na maglalabas siya ng mga bagong merchandise ng BTS, yung paborito kong boy band kaya nagmadali akong pumunta dito."

"Ahh...." Lihim siyang nagpasalamat na hindi pa naman siya umaabot sa ganung punto. Hanggang KDrama lang siya. 

"MAYUMI! ANO NA NAMAN ANG NANGYARI SAYO??!!" 

Nagulat si Spike sa lakas ng boses ng babaeng dumating. Nabitawan tuloy niya ang hawak na plastic.

"A-ate... sorry... " Nahalata niya ang panginginig ng boses ni Yumi.

Pagtingin niya sa bagong dating ay siya naman ang nanginig. Dahil ang nakatayo sa may pinto ay walang iba kundi si Malaya! 




The Cavaliers: SPIKETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon