Chapter 2

543 12 1
                                    

“Bilisan mo naman Antonette. Baka ma-late tayo sa laro nila Chuck.” Nagmamadaling pumanaog ng hagdan si Maxene ng mapansing wala pa ring balak umalis sa harap ng salamin ang pinsan. Halos puno na ng kolorete ang mukha nito bago lumingon sa kanya.

“Am I gorgeous cousin?” nakangiting tanong nito at nagpose pa sa harap niya.

Iniikot niya ang eyeballs ng makitang napakakapal ng make-up nito na para bang may dadaluhan silang party.

“Ano ka ba naman Tonette, soccer game ang pupuntahan natin, hindi party.” Hindi niya napigilang mapaismid ng sumimangot ito.

“Ano ka ba naman Tonette.” Maarteng ulit nito sa sinabi niya bago nagmartsa palabas ng silid. Nauna na itong nakalabas ng bahay bago pa man niya nahabol ito. Ayaw nito ang tinatawag sa ganoong palayaw dahil masyado na raw iyong common. Mas gusto nitong tinatawag na Tony tulad ng paborito nitong artista na si Toni Gonzaga na kung tutuusin ay common na ring pangalan ng babae. Masyado lang talagang maarte ang pinsan niya.  At kaya ito kuntodo make-up ay dahil gusto nitong magpapansin sa bestfriend niyang si Chuck. Isa ang lalaki sa pinakamagaling na manlalaro ng soccer kung kaya maraming kababaihan ang nagkakagusto dito. Isa na roon ang pinsan niyang lantaran kung magpakita ng interes dito. Minsan nga ay siya pa ang nahihiya sa bestfriend niya dahil sa ikinikilos ng pinsan ngunit sinabi nitong hindi naman daw niya kasalanan iyon. Naalala pa niya ang sinabi nito ng pag-usapan nila ang tungkol doon.

“Iba na kasi ang gwapo. Maraming babae ang humahabol.” Aniya habang magkasama silang kumakain ng turo-turo sa karinderya ni Mang Gustin. Paborito nila ang mga pagkaing niluluto nito. Bukod sa masarap na ay mura na.

“Ang yabang naman! Nakangiwing sabi niya rito ngunit ang totoo ay sumang-ayon siya sa sinabi nito. Hindi nga lang niya maamin iyon sa sarili.

“Totoo naman ang sinabi ko ah. Gwapo lang talaga ako kaya ang daming babae ang nagkakandarapa sa’kin hindi ba Mang Gustin?” tanong pa nito sa matanda ng mapagawi sa kanila.

“Oo naman. Kaya sagutin mo na siya Maxene para matigil na.” biro nito na ikinapula ng mukha niya.

Natawa naman ang dalawang lalaki.

“Mang Gustin naman, ako na naman ang nakita ninyo.” Natatawang sabi niya rito bago binalingan ang kaibigan. “Ikaw naman, tumigil ka nga, pati si Mang Gustin iniistorbo mo.” Sita niya rito pero hindi naman niya napigilan ang matawa.

“Kayo talagang dalawa, para kayong aso’t pusa. Baka mamaya niyan kayo din pala ang magkatuluyan.” Sabi sa kanila ni Mang Gustin bago sila iniwan at nilapitan ang mga bagong dating na customer. Habang tumatagal ay dumarami na rin ang dumadayo sa lugar na iyon kung kaya minsan na lang nila makakwentuhan ang matanda. Masaya itong kasama at nagagawa nitong makipagbiruan sa kanila lalo na sa kaibigan niya.

Matapos maubos ang inorder nila ay nagpaalam na sila dito. Dahil pauwi na sila galing sa eskwela ay niyaya siya nitong pumunta sa bahay ng mga ito dahil gusto raw nitong mapanood ang bagong bili nitong palabas. Ang 24 season two. Parehas silang mahilig sa action movie kaya naman pumayag siya. Napanood na nila ang season one niyon at maganda ang kinalabasan. Maraming thrill sa movie kaya naman inabangan talaga nila ang susunod na season. Dahil ilang block lang naman ang pagitan ng mga bahay nila ay nagpaalam muna siyang sasaglit para makapagbihis sa bahay at makapagpaalam sa mama niya.

“Sasamahan na kita.” Sabi nito na ikinataas ng kilay niya. “Baka mamaya hindi ka pumunta sa bahay eh.” Nakangising sabi at nagpatiuna ng pumasok sa bahay nila. Nauna pa itong nagmano sa mama niya bago napatingin sa kanya ang huli.

“Tita, ipagpapaalam ko lang sana si Maxene. May pasalubong po kasi sa’king mga cd si Daddy. Gusto ko po sanang yayain si Maxene na manood.” Paalam nito sa mama niya.

Book 2 : Restless HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon