Ang Gubat

2.1K 85 5
                                    

Tuluyan ng nilamon ng dilim ang buong kapaligiran. Ang  mga pawis ni  Shaun ay nagsimula ng kumawala sa kanyang mukha na tumutulo paibaba sa kaniyang puting damit. Ang minsang puting sapatos ng lalaki ay naliligo na sa putik. Hapong hapo na ang lalaki. Mababakas sa  nangangalay na kamay nito ang pagod dahil sa matagal na oras na pagbitbit niya ng kaniyang may kabigatang maleta.

Mahaba haba na ang kaniyang nalakad mula sa nadaanang arko ngunit hanggang sa sandaling iyon ay hindi pa rin niya narating ang looban ng baryo. Hindi niya alam kung tuluyan na siyang naligaw o, ano sapagkat hindi pamilyar sa kaniya ang pasikot sikot sa gubat na nilalakbay.

Biglang may narinig siyang isang kaluskos!  Nagmula iyon sa itaas ng puno na may malalagong berdeng dahon. Tiningnan niya ito ng maigi mula sa namimilog niyang mga mata. Ganoon na lang ang kanyang pagkagulat nang mula doon sa malalagong dahon, may lumitaw na dalawang pares na mapupulang mga mata. Unti-unti siyang napako sa kaniyang kintayuan. Hindi niya maalis ang kaniyang paningin sa tanawing tumambad sa kanya sapagkat ang mga mata ring iyon ay mariing nakatitig sa kanya!

Unti- unting dumaloy ang takot sa kanyang mga kalamnan. Hindi siya matatakutin ngunit iba ang kaniyang pakiramdam sa sandaling iyon. Kinurap kurap ng lalaki ang kanyang mga mata, ngunit nang tiningnan niya ito muli, bigla na lang itong nawala!

Pilit na ipinagsawalang bahala na lang ni Shaun iyon. Inisip na lang niya na pawang  imahinasyon lang niya ang pangitaing nasaksihan dahil sa pagod na nararamdaman. Ngunit sa sandaling iyon, mas binilisan niya ang kaniyang paghakbang. Hindi man niya aaminin ngunit nanatili sa kaniya ang pangambang  hinay hinay na nabuhay sa ilalim ng kanyang dibdib.

Kinapa niya ang kanyang cellphone  na nakalagay sa loob kanyang bulsa para gamiting tanglaw. Masyado ng madilim ang kapaligiran ni hindi na niya makita pa ang daang nilalakaran. Agad na nangunot ang kanyang noo nang makitang walang ni isang signal ang naroon sa kanyang cellphone.

Biglang umihip ng malakas ang malamig na hangin. Ang lamig nito’y nanonoot sa kanyang balat! Pati ang hibla ng kaniyang buhok ay nilalaro din nito. Ngunit ang nagpahiwaga sa kanya ng lubos, nang mapansin na hindi man lang gumalaw ang mga dahon sa kaniyang harapan sa kabila ng kalakasan ng hanging humahalik sa kaniyang balat.

Unti-unting nanindig ang kanyang balahibo sa katawan. Sa pagkakataong iyon, ay  mas nadagdagan pa ang pangamba sa kaniyang dibdib dahilan para marinig niya ang pagtambol ng kanyang puso.

Palakad takbo na ang kaniyang ginawa dahil sa pagnanais na makaalis sa gubat na kinasadlakan. Ngunit hanggang sa kasalukuyang iyon ay wala pa ring kabahayan ang tumambad sa kanya. Mistulang  walang hangganang gubat at talahiban ang kanyang nilalakbay.

Ilang sandali pa, bigla na naman siyang napahinto nang marinig niya ang marahas na pagalaw ng mga sanga sa kapaligiran! Animoy may kung anong mga nilalang ang tumalon mula sa malalagong sanga ng mga punong nakapalibot sa kanya!

Pinakiramdaman niya ang paligid. Wala ni isang kuliglig, o kulisap ang lumilikha ng mga ingay. Mabilis na dumako ang kanyang paningin sa talahiban, nang marinig ang ilang kaluskos doon. Wala siyang nakita!

Muli na namang narinig niya ang kaluskos! Sa pagkakataong ito, hindi na  nagmula sa mga talahiban kundi malapit na malapit na ito sa mismong harapan niya na nagmumula sa makapal na nakaumbok na mga baging na nasa kaniyang harapan.

Itinutok niya ang flashlight ng kanyang cellphone sa mga baging, ngunit labis ang kanyang pagtataka, nang muli, wala siyang makitang kahit anong gumagalaw sa looban nito. Nang alisin na sana niya ang ilaw, domoble pa ang panlalaki ng kanyang mga mata dahil sa labis na pagkasindak nang may tatlong paniki ang biglang lumabas mula sa  mga nakakumpol na mga baging! Pula ang mga mata nito na labis na pinatingkad ng flashlight ng kaniyang cellphone. Nakikita rin niya ang matutulis na mga pangil nito na naglalaway. Lumipad ang mga hayop ng marahas patungo sa mukha niya dahilan para mapasigaw siya sa  labis na pagkagulat! Winasiwas niya ang kanyang kamay, upang madepensahan ang kanyang mukha.

Ang Lover Kong Aswang (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon