Hunyo 8, 2013
Ginoong Bernardo,
Marapat lang din na ako'y magpasalamat sa munting kaalamang ibinahagi mo sa akin sa pagpipinta. Hindi ako makabubuo ng isang maganda at katangi-tanging obra noong araw na iyon kung hindi dahil sa iyo. Salamat din pala sa iyong papuri sa akin, maging ikaw ginoo ay may angking kakisigan. Ang kagalang-galang mong katangian ang siyang nagpapayag sa aking mga magulang na samahan akong magpinta sa Wawa. Bukod pa roon, nalaman nilang ikaw ay anak ni Don Ricarte kung kaya't hindi sila nag-alinlangang ipagkatiwala ako sa iyo. At hindi naman sila nagkamali sa pagtitiwala sa iyo dahil lubos mo akong iningatan noong araw na iyon.
Ang iyong obra ay inilagay ko rin sa aking silid. Manghang-mangha ang aking mga magulang sa iyong ipininta. Nais pa nilang makakita ng iba mo pang obra pero syempre hindi pa rin mawawala ang kanilang paghanga sa akin. Pasensya na kung masyadong halata ang pagkailang ko sa iyo, sapagkat ito ang unang beses kong may makasamang ginoo sa labas ng aming tahanan. Hindi rin kasi ako madalas lumabas ng aming bahay kung kaya't wala rin gaanong nakakakilala sa akin. Ngunit huwag kang mabahala ginoo, sa paglaon naman ng oras na nagkasama tayo ay medyo nawala ang pagkailang ko at naging komportable akong kasama ka. Masaya kang kasama at hindi halos maubusan ng kwento. Nakakatawa ang mga kalokohang ginagawa ninyo ng matalik mong kaibigang si Mando, hindi ko akalaing medyo may pagkaloko-loko ka rin pala.
Alam mo, nais ko ring makasama ka pang muli. Nakakahiya mang sabihin ngunit hindi ko itinatanggi ito. Makakaasa kang hindi pa iyon ang una't huli.
Natutuwa,
Rosalinda