Coming Back

10 0 0
                                    


Itinaas ko ang aking mga bisig at ipinakita sa kanya ang lubos kong pangungulila. Kahit na may nararamdaman akong matinding kirot sa aking kanang dibdib ay hindi ko iyon binigyan ng pansin, hindi ko iyon pinag-aksayahang tingnan. Iba't-ibang klaseng emosyon ang naglalaro sa aking pagkatao. Iba't-ibang memoryang masaya pero ako'y labis na binigo.

Ako'y lumakad ngunit iyon ay natigil, sapagkat ako ay nawalan na ng lakas. Hindi batid ng aking kaalaman kung ba't siya ay humahagulgol na nakatingin sa aking direksiyon.

Hindi ba siya nasisiyahan gayung ako ay naririto na? Gayung ako ay nagbabalik na? Sa kabila ng bugbog na aking natamo. Sa kabila ng sakit dulot ng mga kamaong pilit durugin ako. Sapagkat hindi ako pwede. Hindi pwede ang lalaking hanggang sa pangarap lang. Hindi pwede ang lalaking walang ibang dala kundi ang kanyang pagtatangi sa babaeng nakasuot ng diyamanteng damit at naliligo ng kumikinang na mga perlas. Hindi pwede ang lalaking walang yaman. Hindi ako pwede.

'Maraming naniniwalang hindi importante ang yaman ngunit kung reyalidad ang babasehan, basta't wala kang ni iisang barya, hindi ka titingalahin ng karamihan, hindi ka magagawang ngitian at bigyan ng pagkakataong ipahayag ang mga bagay na gusto mong kanila'y malaman.'

Hindi sya humakbang kaya ako na ang nagpumilit. Ako parati. Ako ang nagpupumilit na lapitan yung nag-iisang bituin na pinoprotektahan ng lahat. Napailing siya ngunit hindi iyon magiging rason upang ako ay tumigil na. Kahit nga bubuhos ang dugo dito sa aking kinatatayuan ay di ako mapipigilan.

"Vanessa."

Ibinulong ko ang kanyang pangalan, sapat upang marinig niya. Napatingin ako sa kanyang mga mata ngunit ang mga iyon ay nakatingin pa rin sa direksyong pinanggagalingan ko kanina. Anong nangyari? Ba't siya umiiyak? Ayokong nakikita siyang umiiyak!

"Vanessa!!"

Isinigaw ko iyon at niyakap siya. Libo-libong pana ang tumusok sa akin matapos iyong gawin. Balde-baldeng malamig na tubig ang bumuhos sa'kin na unti-unting nanunuot sa aking buong pagkatao at kaluluwa. Kahit na ang nakakadurog na sakit kanina ay walang binatbat sa nakakamatay na sakit na nararamdaman ko ngayon.

Hindi pwede! Pero ano nga ba ang pwede? Hindi dapat pero ano ba talaga ang nararapat?

Hindi ako umalis sa aking kinaroroonan habang sya ay nanlulumong unti-unting humahakbang. Hindi nya ako mababangga. Hindi niya na ako mahahawakan.

Napaiyak na ako; sa katotohanang ako ay hindi totoong nagbalik. Ako ay naririto pero hindi nagbabalik. Ito ay isang pamamaalam.

Unti-unti akong sumunod sa kanya. Dun ko nakita ang duguang lalaki. Ang mga pasa at sugat na nakaukit sa kanyang mukha ay nagsisilbing ebidensiya ng isang kasakiman.

May mga dugo ring dumadaloy mula sa kanyang kanang dibdib. Dun ay may malaking hiwa dulot ng isang kutsilyo. Ako ay napayuko at napatingin sa aking kanang dibdib.

"Sebastian Del Fierro! Ba't mo'ko iniwan?"

Napaluhod ako at napatingin sa kawalan.

Vanessa, patawad sapagkat nagwagi sila. Patawad, sapagkat wala akong magawa. Patawad sapagkat hindi sapat ang mahal lang kita.

Short Lovely StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon